Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 14, 2008

Ang Punong Sampalok

Huklubang kasabihang may “siyam na buhay” ang pusa. Tulad din ng bawat puno, nabubuhay ang puno sa bawat pag-aalaga ng tao, naalaala ko ang mga hunta ni lelong na ang tao at ang puno ay magkasanga ang buhay. Anim silang magkakapatid, sina lelong Zoilo (Liloy), Eulogio (Oyong), lelang Marciana (Marse), (Simplicia) Pisang at (Januaria) Ariang at panganay si lelong Pedro (Indo) ang aking lelong.

Malawak ang pinaghati-hatian nilang solar sa isla ng Talim at ang natukar na mana ni lelong Oyong ay ang nasa sa bundok ng Pamatuan. May isang puno ng sampalok doon na si lelong Oyong daw ang nagtanim noong bata pa ito at laging nasa sa gubat kaya sa kaniya ipinamana ang nasabing lupang may tanim niyang sampalok na ubod-tamis ang bunga sa mahabang panahong nagmamalasebo at nagtatamarindo ang puno. Hindi ko inabot ang sinasabing inaahunan pa ni lelong Oyong ng dalawang baldeng tubig ang punong sampalok sa panahon ng tag-araw. Hindi sila pinalad na magka-anak ni lelang Magdalena (Denang) na kaniyang asawa bagkos ay umampon na lamang sila ng dalawang batang anak nina lelang Marse at lelang Ariang. Sa panahong nagmumura ang dahon ng itinanim niyang sampalok ay pinapanguha niya kasama ang dalawang batang ampon na sina Boy at Lucing sa pamumulak ng murang dahon na inilalako naman sa nayon. Tuwinang namumulaklak at nagmamalakumpit ay ganoon din ang kanilang ginagawang mag-aama, hanggang sa magmalasebo at magtamarindo.

Subalit napupuna ng mga kapatid ni lelong Oyong na tuwinang pinupulakan ng dahon at bunga ang sampalok ay nagiging masakitin at dinadapuan ng karamdaman si lelong Oyong, ngunit ito’y pawang ipinagwalang bahala lamang at hinuha’y galing sa likas ng panahon ang dumadapong sakit. Minsan, dumaan ang bagyo at nagkabali ang sanga ng punong sampalok ni lelong Oyong, tila kakambal niyang namilipit din sa sakit ang buong katawan ni lelong Oyong na lubhang ikinagulat ng nag-iisang albularyo sa aming nayon. Ang sabi’y nagaway o nabalis lamang kaya balanang naka-usap ni lelong noong bumagyo ay pinanganga at ipinahid sa tiyan ni lelong Oyong.

Kumalat ang balita sa nayon sa di pangkariniwang nangyayari kay lelong Oyong tuwinang may nababawas sa punong sampalok hanggang sa inugat ng magkakapatid kung saan nanggaling ang itinanim na puno ng sampalok ni lelong Oyong. Nakita raw ang sampalok sa may Kurus na Bato sa patagang bahagi ng dunggot ng mag-asawang bato sa nayon ng Binitagan at ito ay kaniyang binunot at itinanim. Lumaop ang bulungang hunta hanggang sa sinabi ng isang nakapanibulos ang ama kay “Pepe” ng Kalamba na may “hiwaga raw” ang Batong Malapad na may Kurus sa gitna kaya nagkakaganoon ang puno at ang nagtanim nito.

Palibhasa, hindi naniniwala si lelong Oyong sa mga sabi-sabi, patuloy sa normal ang ginagawa ng lelong Oyong ko, pag may dahong mura, pulak, pag may malakumpit at bulaklak, pitas, pag may malasebo at tamarindo, sungkit. Ngunit sinasabi lagi ni lelang Denang at dalawang anak na: basta nakapanguha sila ng dahon o bunga sa sampalok ay ibayong karamdaman ang nararamdaman ni lelong Oyong. Hanggang nitong pumasok ang mga taon ng kawiting palakol sa buong paligid ng isla ng Talim. Sinubok na tabasan ni lelong Oyong ang punong sampalok niya ng mga ilang sangang ginawa niyang uling upang kahit paano’y maibsan ang pagdarahulap ng buhay. Iyon ang unang pagtawid sa kaniya papuntang bayan upang ipagamot ang biglaang pagsakit ng loob ng kaniyang katawan at ayon sa doktor na tumingin ay nalipasan lamang ng gutom si lelong Oyong kaya lalong umigting ang paniwala ni lelong Oyong na walang hiwagang dala ang sampalok na itinanim niya sa kaniyang namanang lupa sa bundok ng Pamatuan.

Hanggang lumipas ang ilang panahon, mga binatilyo na kami ng mga kabarkada ko at pag panahong tagmalasebo ang puno ni lelong Oyong ay libre kaming nakapangunguha dahil kapatid niya ang lelong Indo ko at nang sumapit ang panahon ng kapilyuhan ng mga ilang sutil at bagong nagbibinata at ng ilan na ring nakagugustong manguha ng bunga ng sampalok ay lumilipas ang panahong tagbunga ay hindi na napapakinabangan ni lelong Oyong ang dahon at bunga ng punong sampalok. Sa minsang paghigit ng kaniyang huling lakas ay ipinasiya niyang putulin ang punong sampalok sa pagtitiyaga araw-araw dala ang isang puthaw at isang itak. Walang isang buwan, sa di mabilang na taas-baba ng puthaw sa punong sampalok ay naitumba ni lelong Oyong ang kaniyang itinanim. Isang linggong naratay si lelong Oyong at di naglao’y binawian nang buhay.

Taon ang binilang sa pag-usok ng hiwaga sa pagkamatay ng punong sampalok at ni lelong Oyong. Hanggang ako’y naipadpad ng lagalag kong paa sa kabayanan at nalimutang tuluyan ang hiwaga ng punong sampalok ni lelong Oyong. Taong 1972, pinalad akong mapasok sa Pamantasan ng Pilipinas bilang kawani at nabiyayaang mabigyan ng pabahay sa Pook Amorsolo sa UP Campus Diliman noong 1977. Nagsimula ako sa isang kahig, isang sipag at tuwing sabado at linggo ay nagsa-sideline ako bilang auto denter o latero sa paligid ng UP-Diliman. Isang araw ng sabado habang pauwi akong naglalakad galing sa bahay ni namayapang Luis Beltran (Iyong dating idinemanda ni Pangulong Cory Aquino na nagsabing nagtago raw sa ilalim ng kama noong kudeta 1989 si Cory.) sa UP Teachers Village at ginawa ko ang nabubulok niyang kotse, (Dati siyang Direktor ng UP Printing Press.) nakakita ako ng isang dalawang dipang sampalok na naka-usbong sa gutter ng Maginhawa St. at ito’y aking marahang binunot at itinanim sa tagiliran ng bagong bigay na pabahay sa akin ng UP.

Lumalaki’t humihilab ang pamilya ko kaya naisipan kong magpahulog ng isang sinepa sa pinagtaniman ko ng napulot kong puno ng sampalok kaya inilipat ko ito sa tabing kalsada at hanggahan ng bakod ng aking bahay, sa paglilipat kong iyon ng puno ay nakaramdam na ako nang iba sa aking katawan na tulad din ni lelong Oyong ay ipinagwalang bahala. Muling lumipas ang mga taon, nagmura, namulaklak, namunga ang aking tanim at sisteng lumalangkap sa katawan ko ang sari-saring karamdaman. Kaparis din nina lelong, ipinagwalang bahala ko at ang nabuyuhan kong tunguhin ay ang tanggalin ang bisyo kong sigarilyo at alak dahil baka ‘kako ditto ko nakukuha ang aking karamdaman. 1991 ako nagtanggal ng bisyong alak at sigarilyo nang sabay hanggang isang araw ng buwang tagbunga ng panigangin ang puno ko ng sampalok, may naglilibot at nangungontratang bibilhin at sila na ang mamimitas ng bunga ng sampalok at sa kaunting halaga ay nagiging kulang pa sa ipinagpapagamot ko sa dumadapo sa aking karamdaman. Wala sa loob ko ang punong sampalok ni lelong Oyong para ikawing sa buhay ko.

Taong 1990’s, nang minsang sinungkal ng isang sangang di maiwasang masira ang palupo ng aking pahulog sa pinakagarahe kaya ako mismo ang pumutol ng gabrasong sanga upang maiwasan ang pagkasira ng bubungan a
t maniwala ka’t hindi’y siyam na buwan akong ginamot sa center ng Krus na Ligas para sa naging sakit ko sa baga. Alam kong nakuha ko iyon sa sobrang pagkapalamara sa katawan at sipag na rin siguro sa paghahanapbuhay

.

At nitong taong 2004, nakisuyo ang aking kapitbahay na ang bubungan daw niya ay napupuno ng bagsak na dahon ng sampalok at kailangang putulin ang ibang sanga para maiwasan ay pumayag ako nasiyang dahilan upang magkaroon ako ng di maiiwasang hi blood. At nitong 2007 ay inalis ko ang bakod kong bakal sa mismong pinakapuno ng sampalok napakapit ang isang angular bar na naging sanhi upang kainin ang puno upang masugatan, pagka-alis ko ng bakod na bakal at naiwan ang angular bar na nakabaon sa puno at walang isang linggo’y dinala ako sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) upang operahin ang large intestine kong nabutas.Pitong buwan akong nagpabalik-balik sa ospital at tatlong buwang mahigit nakalabas ang bituka ko na may colostomy bag. Isang bangungot ang nangyari sa akin.

Tulad ni lelong Oyong, hindi rin ako naniniwala sa hunta ni lelong Indo na akibat at magkasanga ang buhay ng puno at buhay ko, subalit hindi mawala sa isipan ko ang mag-isip sa oras na nakikita ko ang aking punong sampalok na itinanim at kasalukuyan ngayong masigabo ang pamumukad ng bulaklak. Ngayon ay naghihilom na ang sugat ng inoperahan sa akin at nakikita ko araw-araw ang bakal na kinain ng aking punong sampalok. Matulad din kaya ang buhay ko sa buhay ni lelong Oyong na nang putulin niya ang punong sampalok ay ang tuluyan din niyang pagkamatay? Kayo, naniniwala ba kayong magkasanga ang buhay ng puno at tao? Hunyo 15, 2008 Raul Funilas.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: