Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 4, 2008

Honlugan (Walang Atras)

Honlugan

Mulang matutuhan ko ang magsaliksik sa makabagong Google, sinimulan kong hanapin ang mga salitang umalimbukad sa aking isipan noong ako’y musmos at hanggang ngayong ginagamit na salita sa aming pulo ng Talim.Naalaala ko, noong pumasok ako at makipagpalihan ng mga tula sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo o LIRA na pinamamatnubayan ni Rio Alma na isang Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura. Tinatanong nila ang mga ibang salitang noon lang nila narinig at nabasa sa binibigkas at ginagawa kong tula dahil inilalangkap ko sa mga tula ko ang mga binangkay o kalansay ng wikang sinalita ng aming mga ninuno at iba pang matatanda sa kanugnog lugar ng pulo ng Talim sa palibot ng lawa ng Laguna na hindi na halos batid ng ilang kabataan mas higit iyong mga nasa kalunsuran at maging nina Rio Alma at iba pang dalubwika. At natuwa pa si Rio Alma nang matapos ako at makapasa sa pamantayan ng mga dalubhasa sa pag-gawa ng tula sa LIRA at bigyan ko siya ng isang bungkos ng mahigit sa dalawampung pahina ng salitang nilangkapan ko ng glosaryo o ng ibig ipakahulugan sa bawat salitang buhat sa aming pulo ng Talim. May pahabol pa siyang mukhang hindi raw napaglaanan ng mga mananaliksik ng wika ang aming lugar upang itala sa kasaysayan ng panitikang Tagalog at Filipino. Napagyayaman ko raw ang panitikang Filipinas.

Tulad nitong salitang Honlugan. Wala akong nasaliksik sa Google kung anong ibig sabihin nito, subalit maganda ang kahulugan nito sa aming pulo ng Talim. Sinapantaha kong galing ito sa salitang “hulugan” dahil ang Honlugan ay isang gawaing kultura o tradisyong matatawag na umusbong noon pang dekada 30 sa paligid ng lawa ng Laguna tuwinang may ikinakasal bukod pa doon sa isang gawaing nagsasabitan ng pera.

Ang Honlugan ay tinatawag ding “Walang Atras” sa araw mismo ng kasal. Nagtitipon-tipon ang mga kalalakihan sa isang mahabang lamesa at doon magsisimula ang Honlugan. May alak at pulutang nakahanda ang nagpakasal at ito’y bibilhin ng mga nakaupo sa lamesa ng Honlugan habang isinisiwalat naman sa isang mikropono kung sino ang bumili at magkano ang perang ibinili. Dinadagsa ito ng mga kaibigan, kapitbahay at kabilaang kamag-anak nang ikinasal. Maraming panunuri at pamahiin o signos na lumilitaw sa ikikilos at gagawin ng ikakasal. Ang siste pa’y kapag medyo malagihay na pagbarik ang mga nasa lamesa ng Honlugan ay dito na nagsisimula ang mas higit na kasayahan, mahigpit na kantiyawan at tudyuhan. Bawat isang nakikipaghonlugan ay laking katuwaan kapag binabanggit ang kani-kanilang pangalan at isinisiwalat ang kanilang itinulong sa ikinasal kaya naman iyong ibang may kahibangan o kahambugan ay kinakapalan ang perang ibinibili ng alak at pulutan. Kung minsa’y dito sa Honlugan lumalabas ang ‘makikisig na lalake’ na siyang iniluluklok sa nayong mamuno upang maging Tiniente del Barrio at maging sa ngayong Kapitan ng barangay depende sa bikas na ipamamalas ng isang nag-aambisyong manungkulan sa nayon at kung minsa’y umiimbulog ang kakisigan hanggang kabayanan para iluklok at kuning konsehal, Bise Alkade o kaya ay Meyor ng bayan.

Lumalaki ang pera ng Honlugan depende sa galing ng isang tagapagsalita o tagapag-ugnay sa mga hindi umaatras sa Honlugan. Kapag may nalikom ng pera, halimbawa: Ipabibilang lahat nang natausan ng mag-asawa o iyong nalikom na pera at kapag ang nalikom ay apat na libong sakto(4,000.00), ang gagawin ng tagapag-ugnay ay magdudukot-bulsa ng halagang tatlong piso(3.00) at ibabanderang kulang ng siyamnapu at pitong piso para maging apat na libo at isandaang piso (4,100.00) May maglalagay ng 97.00 piso at paulit-ulit na gagawin ng tagapag-ugnay hanggang sa makalikom nang sapat na pera ang mag-asawa sa gagawing panimulang pamumuhay.

Tumitigil lamang ang paglilikom ng pera sa Honlugan kung inaakala ng tagapag-ugnay na nakapagbigay na lahat ang naroroong kalalakihang dumalo sa okasyon. Nakapagpupundar sa nalikom na pera ng isang lunday, isang baklad at kung minsa’y isang kubakob na paninigilan ng ikinasal at kapag sinuwerteng may nagbigay ng isang solar ay kagyat na nagkakalupa ang bagong mag-asawa. (Ginagawa ito ng malalapit na kamag-anak na mahilab ang kabuhayan o ng isang ninong o ninang na may kakayahang magbigay ng ganitong kantidad.)

Sa ginanap na okasyon nalalaman ang mga susunod pang Honlugan. Ibinabando nila ang nalalapit na kasalan ng mga kamag-anak, kapitbahay, kaibigan o sinumang magtataling puso kung kailan muli ang pagtitipon ng Honlugan.

Kahapon, umuwi ako sa pulo ng Talim upang dumalo sa Honlugan ng aking apo sa pamangking ikinasal na malapit ang bahay na pinagdausan ng Honlugan sa panteon ng Talim.. Saktong alas onse ng umaga nang napa-upo ako sa lamesa ng Honlugan at tinawag na may lambing ang aking pangalan ng tagapag-ugnay. Kalahating kahang beer at tatlong ‘agahang tigreng Matador ang nahunlog ko kasama ang isang bandehang pulutang kalderetang kambing. At muli, gumurlis sa diwa ko ang isang alaala noong ang matatanda kong kapatid na sina ate Concepcion at ate Rebecca ay ikasal nang sukob sa taon na may Honlugan din.Magaling na tagapag-ugnay ang sa kasal nina ate na kumpare ng aking ama. Napatanaw ako sa di kalayuang panteon.

Maraming nagsasabing may signos ang ginawang disisyong magsukob sa taon ang magkapatid at ako’y naniniwala sa mga naganap sa buhay ng aking dalawang kapatid.Matapos ang Honlugan ay dumaan ako sa panteon na kinalibingan ng aking dalawang kapatid at ni ama. Umusal ng panalangin.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: