Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 29, 2008

Ang Lakandiwa at Laking Hiwa

May isang dalaga sa nayong Bibingka,
Sunong ay bilao’t tinda sa umaga’y
Kutsinta at biko. Kumpol sa kalsada
Mga baguntaong gusto s’yang makita.

Sa katanghalian may labit na kahon
At naghohome-serbis sa pagmamanikyur,
Kaysipag talaga sa buong maghapon;
Dahil sa ang ama’y may sipon at bukol.

Pagsapit ng dilim pumapasabaya’t
Siya’y nawiwiling makinig tumanaw
Sa tulang debateng pagbabalagtasan,
Dahil sa paghanga sa namamagitang

Isang Lakandiwang mabikas tumindig,
Magtagni ng tugma ay kaakit-akit;
Sino ang dalagang di mapapa-ibig
Sa buo’t taginting Lakandiwang tinig?

Nang siya’y makita nitong Lakandiwa’y
Kagyat na lumapit, bighaning salita’y:
“Di ba ikaw yaong may lakong kutsinta
At kinikilala sa Bibingkang mutya?”

Tumango-tango lang nahiyang dalaga,
Kumaba ang dibdib at mukha’y namula;
Siya’y kinamayan upang makilala’t
Uradang humabi ng tugmang maganda:

“Iyong narahuyo akong Lakandiwa,
Ikaw na maningning na bumabang tala
Sa lupa’t kawangis ay nimpa’t diwatang
Tinuhog ang puso ng tulis mong pana.”

At patalinghagang dalaga’y sumagot:
“Kung ikaw ay bangkang nais pumalaot
Sa linaw kong tubig magtusok ng tulos
Upang maarok mo matamis kong sagot.”

Daka’y ibinunsod lunday sa kayangan
Nitong Lakandiwa’t sagwang walang humpay
Sa pusod ng tubig nitong napusuang
Tila lumalamlam ang matang mapungay.

Saksi ang kuliglig at ang alimagmag,
Sa isang suyuang tila walang wakas;
Katulad ay batis na hanap ang landas
Patungo’t pakalong sa alon ng dagat.

Pagbukang liwayway sumigaw sa tuwa
Itong Lakandiwang naarok ng dagta
Ang tubigang pusod nitong kanyang mutya’y
Isa palang balon na may laking hiwa.

Emerald Avenue, Pasig City


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: