Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 28, 2008

Ang Tagapamagitan

May Sugat Ang Pusod ng Lawa Ng Laguna

Tasakan man nitong tulos
At ektaryang lambat-bakod,
Tapunan man ng kuyagot
Ang Lagunang lawang irog;
Gigisingi’t gigisingin
Ang nahimlay sa ilalim
Niyang bulkang nahihimbing.

Magtago na kayong lahat—
O hintaying sumambulat?

Lagi ninyong lilinisin
Ang tubigang tumatabsing,
Wakwak ng sugat gamutin
At papasuki’y laginlin.

ANG TAGAPAMAGITAN

Nawala ang isa kong apong si Singer na anak ng pamangkin ko sa Pansol, Balara Filters noong Mayo 24 ng alas seis ng umaga. Kalahating araw ang ginasta ko paghahanap—buti na lang at nakuha ng mga barangay tanod sa UP Campus at dinala sa bahay ko sa Pook Amorsolo. Mayo 24 2008 alas 10:30 nang ihatid ko sa Pritil ng Binangonan, Rizal papuntang isla ng Talim sa sityo Banaba.

Nakahimpil ang bangkang pa-Talim nang lapitan ako ni G. Bobot Palangoy at kinausap ako tungkol sa kaniyang palaisdaan. Pumunta daw sila sa Kapitolyo sa Pasig at inayos ang mga papeles ng kanilang itinayong higit sa isang ektaryang palaisdaan. Mula daw nang magpalabas ng warning ang Laguna Lake Development Authoriy o LLDA na lahat na palaisdaang walang permit at sobra sa sukat na hindi ipinagbabayad ay babaklasin o gigibain o ididemolish. May nakuha daw silang permit galing sa isang kabarangay na hindi na naituray muli at di na nahulugan ng isda dahil winasak noong nakaraang bagyo at apat na taon na raw na hindi ipinagbabayad ng rehistro. Sinisingil daw sila ng animnapung libong piso sa apat na taong di pagbabayad subalit naayos nila ang papeles sa halagang dalawampung libong piso para sa permit at limang libo daw na “padulas.”

Pagdating namin sa Talim, may hugong ang usapang maggigiba ng mga palaisdaan ang LLDA. Alam ng mga taga Talim ang pag-uwi ko, kinausap ako at hinihikayat akong samahan sila sa namamahala sa lawa ng Laguna. Wala naman kakong masama sa ipinalalabas na kalatas ng LLDA dahil unang una’y ligal na polisiya ng LLDA ang kalatas at ang alam ko’y nagbigay ng moratorium noong 2001 o 2002 na lahat ng hindi nakarehistrong palaisdaan ay iparehistro na. Ang iba’y tumalima at ang iba’y ipinagwalang bahala. Dahil na rin sa laging gipit ang pagpepera at iyong iba’y umaasa sa mga lokal na pinunong barangay at bayan. Katuwiran nila’y taga atin naman ang gobernador hindi tayo mababaklas o magigiba. Ibinida ko pa noong I-renew ko ang rehistro ng aking palaisdaan na hindi ko nagamit ng may dalawang taon dahil nga nabagyuhan, siningil din ako ng nararapat pati na iyong hindi pagkakagamit, batas e.

Tamang tama namang nagtext ang anak ko sa Australia kinabukasan at nagpapa-estimate kung magkano ang magagastos sa dalawang ektaryang palaisdaan. Nag-usap kami ni Boy Laot at ipinalista kong lahat ang kailangan mula sa tulos, lambat, pamitis, lawayan, breaker, kubo, pilote, similya at labor sa lahat puwera ang permit dahil hindi nila alam kung magkano ang bayad. Umaabot higit kumulang sa 220,000 ang magagastos para sa isang ektarya. May nakidawdaw sa aming pagtutuos ni Boy Laot, politika lang daw iyong ipinalabas na warning ng taga LLDA dahil hindi pa masyadong kilala sa probinsiya ang namamahala sa lawa ng Laguna.

Natatawa lamang ako sa mga animo’y hula ng mga taga Talim. Hindi naglipat saglit ay dumating naman ang grupong Tampalasan ng barangay Rayap at panay ang amuki sa aking samahan sila sa namamahala ng LLDA. Sabi ko e sino naman ako para maging ‘ninong’ ng inyong mga walang permit na palaisdaan at isa pa kako’y binabanatan ko sa mga tula at sanaysay ko ang mga namamahala sa lawa at maging sa mga pinunong lalawigan natin.

Kinagabiha’y nanaginip ako: Nobyembre taong 1997. Malapit na ang kapistahan ng mahal na Patrong San Francisco de Assisi sa Talim, pinuntahan ako ng komite ng pista at humingi ng tulong na lumikom ng perang gagamitin na gastusin ng komite para sa pagoda sa lawa. Kasalukuyan isa akong Chairman ng lugar at nagkataong may mga lihim na barkadang mahahaba ang kamay at nakikipanirahan sa ilalim ng lupa, nagkataon pang may isang Senadora na humaling na humaling na maging Pangulo ng bansa at ang mga barkada kong may mahahabang kamay ang laging ipinatatawag upang siya’y tulungan sa mga gawaing politikal. Iminungkahi ko sa pamunuan ng komite ng pista na kung ang gawin namin ay papuntahin na lang ang Senadora sa isla ng Talim at gawing isang adopted daugther.

Iglap, kaharap namin ang isang lalaking naging “tagapamagitan” para maisama namin ang Senadora sa isla ng Talim. Isang buwan bago magpista. Ako ang naatasang sumama sa grupong pupunta sa isla ng Talim upang ihanda ang lalapagang helikopter ng parumating na Senadora. Nagkita kami sa may Katipunan ng “tagapamagitan” at tumuloy na kami papuntang Binangonan, nagkataong mahina ang bateriya ng aking kotse kaya tumirik sa daang Cainta, walang magagawa kundi itulak para umandar, nagtulak din ng kotse ko ang “tagapamagitang” pawis na pawis.

Nang dumating kami sa Talim ay bumaha ng t-shirt na may mukha ng Senadorang may nunal sa pisngi, umulan ng sumbrerong may letrang ‘Kasangga.’ Oktubre 4, 1997.Pista, isang helikopter ang lumalapag sa isla ng Talim na sinalubong naman namin ng tatlong bandang musikero. Ako ang naatasang magpakilala sa entablado sa Senadora at nang matapos ay nagtuloy sa bahay ng pinsan kong si Joe Alta-Presyon. Nagkodakan sa bahay ng pinsan ko habang walang pagsidlan ng tuwa ang “tagapamagitan.” Lumipas ang halalan naging Pangalawang Pangulo ang Senadora at naging masigabo ang relasyon namin ng “tagapamagitan.” Ikinuha pa kami ng isang “satelite house” sa lungsod Quezon at ipinamonitor sa grupo namin ang mga bumubukol na problema partikular sa squaters area ng Metro Manila. Naregaluhan pa kami ng mga ginawang monitoring team ng dating Senadora sa tulong ng “tagapamagitan” ng tig-iisang 21”tv, aircon at computer.

Hanggang lumipas na muli ang halalang pambansa at naging Pangulo ang dating Senadora, naging malungkot ang buhay ng grupo dahilan na rin sa security measure ng dating Senadora na naging Pangulo. Lumiit ang mundo ng aming panaginip hanggang isang araw ay nalimas lahat ang laman ng aming “satelite house” na ibinigay ng “tagapamagitan” na alam naming bayad na ang ilang taong darating. Hanggang mabalitaan ko na lamang na ang “tagapamagitan” ay naging boss sa pambansang paliparan ng Pilipinas. Minsang sinubok kong puntahan sa opisina sa airport ngunit maraming sagabal o harang na bakal lkaya di na ako nag-interes pang tumuloy.

Nagising ako nang magtext sa akin si Palikerong Mindoro at tinitipan akong makipagkita raw kami sa namamahala ng lawa ng Laguna kung kailan ako may panahon upang ayusin ang mga problema ng kanilang palaisdaan. Kahapon, muling nagtext sa akin si Palikerong Mindoro na pupunta raw sila sa kuta ko kasama sina kuya Joe Alta-Presyon at Ben Singkit na pawang taga Talim.

Kanina, ikapito ng umaga’y nakataksing dumating sa galeriya ko ang tatlo, nagpaluto muna ako ng kape at makakain sa aking kasawiling kuradora sa galeriya bago pumunta sa LLDA. Wala pang alas ocho ng umaga’y nasa ikatlong palapag na kami ng tanggapan ng LLDA General Manager sa Kapitolyo, Pasig City. “May nakatakdang Board Meeting si GM ng 8 am.” Sabi ng isang babaing taga Binangonan daw siya. Lumagda kaming tatlo sa dapat lagdaan at pinasulat ako sa isang papel kung anong pakay namin sa kanilang General Manager, isinulat ko’y KASANGGA COURTESY CALL. Ipinasa sa isang babaing taga Antipolo at nang mabasa sa loob ng GM ay agad kaming pinapasok ng dalawang babae.

Dalawang kamay na inabot ang kamay ko nang makita ako ng GM, kumustahang umaatikabo, tanong, sagot, kamot sa ulo, daing, pangako, pulitika, lihim na ngiti, malutong na halakhak at di nagtagal ay sinabi namin ang sadya naming apat. Saglit lang nag-isip saka ako kinamayan at bumulong ng kataga. “Sa ulit huwag mo na akong pagtutulakin ng kotse mo ha?” Napatawa ako.

Ipinaseroks ang ibang papeles na dapat nila at naming malaman, may pinatuldukan sa
mapa kung saan inilagay ang pangalan naming apat. Nagpaalam sa amin ang GM ng LLDA na mukhang pressure na pressure sa mga humahagkis ng pukol sa kaniyang ginawang kalatas na babaklasin o gigibain ang mga iligal at sobra sa sukat na palaisdaan. May ngiting namumulas sa tatlo kong kasama dahil sa mga tuldok na palatandaan sa kanilang palaisdaan na ipinalagay ng GM sa isa niyang tauhan. “Di ba si GM iyong kasama mo sa panaginip na si “Tagapamagitan?” Gagap ni kuya Joe Alta-Presyon. Nagkikindatan naman ang dalawa nina Ben Singkit at Palikerong Mindoro.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: