Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 26, 2008

Tayo na sa Baklaran ng lawa ng Laguna

Sabi sa isang nakasulat sa tarpaulin sa dulo ng Pritil sa bayan ng Binangonan, Rizal:

“Laguna Lake Development Authority

PAUNAWA

Ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) ay nakatakdang magsagawa ng malawakang PAGBUBUWAG NG ILIGAL NA PALAISDAAN (walang permit) at ng mga istruktura na may sobrang sukat kung kaya’t pinapayuhan ang mga kinauukulan na magsagawa na ng sariling pagbubuwag o SELF DEMOLITION.

LLDA MANAGEMENT”

Tayo na sa Baklaran ng Lawa ng Laguna

Mula sa apat na liping sumadsad sa lawa ng Laguna at maging sa bahagi ng pulo ng Talim ( Gat Salyan Maginto, Lakantagkan, Juan de Salcedo at mga Kumintangin) na noo’y sagana sa dalawampu at tatlong klase ng isdang-tabang, paano ba nagsimulang sumulpot ang baklad na pangalawang palakaya bukod sa kitang at pangatlong pante?

Ipina-uso ang baklad ng mga nandayuhang Kumintangin sa lawa ng Laguna noon pang panahon wala pa ang dayuhang Kastila partikular sa malawak na tubigang tabang sa parte ng Namayan (ngayo’y Sta Mesa Maynila)Tunasan (ngayo’y Muntinlupa) galing ito sa mga taga Kabiteng malapit lamang sa Tunasan. Kaya noon ay tinatawag nilang “Kinabiteng Baklad.” (Dating dalawang probinsiya ang Tundo at La Laguna.) Lunday-lunday ang nahuhuling mga sari-saring isda na kung minsa’y isinasalin sa lawa ng mga mamamalakaya ang ibang nahuhuli at kinukuha lamang ang may halagang isda. Kanduli ang pinakamasarap at mahalagang isda noon. Hanggang napabalita sa kadatig aplaya ng buong lalawigang La Laguna. Nasasakop ng La Laguna ang pulo ng Talim na sakop ng bayang Binangonan de Bai at Sapao o sa ngayo’y Cardona at noong 1901 lamang naibukod sa La Laguna ng maging isang lalawigan ang Rizal.

Mahigit kumulang sa isandaang kawayan ang nagagamit noon sa baklad. Mula sa paggawa ng bastidor, kulong na malaki, kulong na maliit, patuto, at liling. Dinadanlay ang mga pinakabakod ng baklad na ang panghayuma ay ang hiblang maitim na yunot. Madalang ang pinakasiwang ng danlay sa gawing patuto at sinsin naman ang danlay sa pabahay at kulong na munti. Mga pisig ang ginagawang pamuntal at bastidor sa baklad.

Kailangan ang isang lunday at sagwan para makasalok sa baklad kaya ang mga mangingisda ay nagpapabara ng malalaking punong kahoy at ipinalalabra sa isang panday o manggagawa ng lunday hanggang nang malipol unti-unti ang malalaking kahoy sa pulo ng Talim ay napilitang tumawid sa kadatig ibayong Lumban Laguna at doon pumipidido ng mga baul na lunday na galing sa kabundukang dalisdis ng Sierra Madre at ipinanunudlong pauwi sa pulo ng Talim. Nagkakahalaga ang isang baul na may siyam na bara o metro ng humigit kumulang sa limampung piso at ini-uupa sa mga nagdadaras ng baul ng sampu hanggang dalawampung piso.

Sa pag-uumang ng baklad, itinatangkil ang bastidor upang mailagay ang mga tulos sa akmang laki o sukat ng baklad. Isusunod ang pagtatasak ng tulos sa pinakagagawing patuto hanggang magmukha siyang isang busog o palaso. Nilalagyan ng buhangin ang pinakaloob ng baklad na siyang lugar na sinasalukan ng hinuhuling isda mula sa paminto o baskagan hanggang kulong na malaki at kulong na maliit ay may buhanging isang dangkal ang kapal. Tumatagal ang isang baklad na danlay noon ng dalawang taon ayon sa pangangalaga ng isang may-ari ng baklad. Tuwing tag-habagat o kung nakakikita ng mga sinyal na masama sa papawirin ang mga bihasang magdaragat ay hinahango ang baklad upang agapan ang pagkasira at tuloy alisin ang mga banil na taliptip na dito’y nakakapit.

Itinatawid ang mga nahuhuling isda ng mga rigaton o digaton sa pamamagitan ng paglalayag na ginagamitan ng mga gilalo. Ang gilalo ay isang lunday na may layag na banig na sabutan. Bihasa ang mga rigaton o digaton sa paglalayag, naka-aapupa sila o nakasusuba sa hangin ayon sa pagkakana ng mga birga at tringkete ng layag. Kalimita’y sagwan ang ginagawang panimon, malalaking taga sa panahong kawayan ang pikapalangoy o nag-iisang katig, ang pinakatao-tao nitong naghuhugpong sa kawayan at batangan ay mga kahoy na mulawin o kaya ay tigas ng kakawate at gamit na panglimas sa lunas ng lunday ay pinutol na tungulang kawayang hinubog ayon sa kurbada ng dahit.

Nabubo ang kawan ng isda mulang may nagpundar ng mga makinang malalakas ang kabalyos at ginaya ang mga nakitang malalaking palakaya sa dagat-alat tulad ng galahid at panunuro. Hanggang masigabong ginaya nang ilang may kakayahang magpundar ng nasabing makina. May nagpundar na rin ng mga gibara (dating Guevarra) at lantsa na naging kargahan ng mga pinutol na kahoy sa gubat. Bawat taon ay nauuso ang malalakas na kabalyos mula sa mga solo piston, de dos, de tres, de singko, de sies hanggang disisies kabalyos at nang dumating ang dekada 40 ay nauso ang mga kontinental na makina, wakesa. At sa kalahatian ng dekada 50 hanggang dekada 70 ay ang mga de sies na bara ang makina o V-type, de ochong bara ang makina, dekada 80 hanggang ngayon Graymarine, Johnson, Evinrude, Toyota, 4DR1, 4DR5 at iba pang pawang makabago. Nawalang tuluyan ang mahigit sa sampung klase ng isdang tabang na naninigilan sa lawa ng Laguna sanhi ang mga linab ng langis at ang matinding paghalukay sa pagaspasan o sangtuwaryo ng mga isda.

Walang naitatapong huli noon ang mga matatandang mangingisda, ang mga maliliit na biya o tamulmol na hindi na maibabalik sa lawa ay dinadaeng at ibinibilad sa init ng araw, tinawag nila itong “Biriringkit” at ang mga ayunging maliliit o talaisa naman ay ibinibilad ng may timplang asin ay “Karengkaring.”

Nawala nang tuluyan ang Kinabiteng Baklad o danlay na baklad mulang mauso ang mabilis na palakayang suro o sakag, panapo, pangahig, marakas, bumbon, panghalong o salap, sikit, pukot, pante, at ngayong panahong ipinalit sa baklad na skylab at iba pang palasak na palakayang umubos at nagpadalang sa isda sa lawa ng Laguna. Dagdag pa ang pagbabakod sa lawak ng lawang ang may makakapal lamang ang kantidad na pera ang nakapagpupundar ng isang kinulong ng lambat at kawayang palaisdaan. Kalimitan, ayon sa aking nakikita at naging karanasan bilang isang taal na taga pulo ng Talim sa lawa ng Laguna. Ang may pera at may mga kapangyarihan maging sa bayan, pamahalaan o maging iyong kinikilalang pinuno sa estasiyong militar ang nakapagtatayo ng higit sa ikinukuha ng permiso sa nangangasiwa sa lawa ng Laguna o sa namumuno sa bayan. Ang mamumuhunan ng palaisdaan na rin ang nagsisimulang manukso o mang-udyok ng kanilang salapi sa isang katiwaliang kaakibat na ng kulturang minana sa mga naunang umugit ng bayan.

Sa ngayon, ang mga skylab ang malakas umubos ng mga tigiti at talaisang bago pa lamang lumalaki na dati’y itinatapon lamang sa mga daungan o pantalan subalit ngayo’y dinadaeng na rin dulot ng marinding kahirapan mulang lumiit ang lawa ng Laguna sanhi ng mga ligal at iligal na palaisdaan sa lawa ng Laguna.

Ang ayunging maliliit o talaisa ay dinadaeng sa ngayon at pinangalanan ko itong “Dunggot” na hinango ko sa isdang daeng na “Danggit” ng kabisayaan at kamindanawan. Dahil makapal ang talaisa sa dunggot o dulo ng pulo ng Talim.

Kamakailan lamang, umuwi akong muli sa aming pulo ng Talim at nakita kong may nakapaskil na isang tarpauling may paunawa o pabatid balita sa pinakadulo ng daungan ng bangka sa Pritil, Binangonan, Rizal. Marami na ang nanungkulan at nagpakitang gilas na kesyo sila raw ang BANTAY NG LAWA doon po sa amin, subalit laging malibag at patay ang lawa ng Laguna. Sana naman, Totoo ang mga nababasa natin at napapakinggan sa radyo na BUBUHAYIN NILA ANG LAWA NG LAGUNA. Hanggang kailan kaya kami magtitiis? Baka matulad kami sa Danlay o Kinabiteng Baklad na bigla na lamang makita ang aming sariling tangay ng agos ng tubig sa lawa ng Laguna kasama ang mga lasong sila ang nagdulot. Mayo 27, 2008 Sa Birheng Bato sa pulo ng Talim, lawa ng Laguna. Raul Funilas.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: