Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 22, 2008

Pukot (Muro-ami sa Lawa ng Laguna)

Ang muro-ami ay isang uri ng palakaya kung saan palasak sa kamindanawan at kabisayaan. Ginagamitan ito ng mga matatandang taal na mahihirap na mangingisda at minsa’y mga kabataang bubot na hindi nakatitikim ng kaginhawahan sa buhay. Ang palakayang ito ang isa sa pinakasalot sa mga karagatang mabunsuran ng mga kapitalistang may-ari nito.

Malapit ang pagkakahalintulad nito sa lokal na pamalakayang “pukot” sa lawa ng Laguna na nilabit ng mga nandayuhang mamamalakaya sa kadatig at kaibayong bayan sa Laguna. Kailangang bihasa at may karanasan ng buhay sa lawa ang magiging tauhan nito. Mula sa mag-aalaga ng tarupit o iyong pinag-iipunan ng huling isda hanggang sa pinakabakod ng ikinadkad na mahabang lambat.

May mga mamemewang ding siyang humahatak gamit ang balukay na korteng sungay na kahoy na nakasingkaw sa bewang at ginigiyahan ng tatlong dangkal na lubid upang unti-unting paliitin ang ikinadkad na lambat. Ang mga tauhan sa lambatan o samil ang naninibog upang itaboy ang isda sa tarupit para kung hinahatak nilang paliit ang lambat ay hindi ito mag-igpawan.

May tukar ding tao sa buralan o iyong naghahanda sa ipunan ng isda, ibinubural nila ang apat na tulos upang maging talian ng apat na sulok upang umangat ang lambat ng tarupit.
Kasama ng magbubural ang bantay na maninisid sa paikot ng lambat na siyang nag-aalis ng mga yangkaw o baling tulos o palipod na sumisira sa lambat.

May kasama silang magkukusi o taga-luto at siya ring tagalimas ng samil kapag maraming sumampang tubig. Ang mga tamulmol o iyong sumasabit sa mata ng lambat ang kanilang pang-ulam na malimit na sinigang sa sampalok o bayabas ang niluluto.

Sa pagsukdol ng pamaa ng lambat sa bukana ng tarupit, nagkaka-indihan ang nasa lambatan at nasa tarupitan kung kailan titigilan ang pagbatak. Sakaling sumagad na ang pinakapuno sa dalawang bural ay agarang itataas ang nakalubog na isang paldiyas ng lambat ng tarupit. Maliit at malaking sari-saring isda ang nagpupusagang nakupot ng pukot.

Bumibilang ng isa hanggang tatlo ang pagbara (pagkalat o pag-umang) ang isang araw na pamumukot. Matapos na likumin ang ikinadkad na lambat ay sasamsamin nila ito at ilalagay sa samil o lambatan at pagduong nila sa tabing aplaya ay muli nilang ikakadkad sa isang ruweda o bilaran para isampay at matuyo bago muling gamitin kinabukasan.

Sa bahagi ng nagpupundar ng palakayang pukot, makapal na salapi ang kailangan bago makapagbuo ng isang daang metrong pukot o higit pa kasama na ang samil, buralang lunday, pataw, upa sa mga maghahayuma at mga tinggang pabigat. Ang may-ari ng pukot ang pinakamakapangyarihang boses sa grupo ng mamumukot na tinatawag ding “amba” at ang asawa nito dahil siya ang nakatatarol o nakatatantos ng kilos ng agos, galaw ng kawan, at tawing ng hangin at asawa naman ng amba ang mayhawak ng bulsikot.

Hindi nararamdaman ng mga tauhan ng pukot ang pagkakagapos nila sa may-ari ng pukot. Lahat na kailangan nila ay sustentado ng amba. Mula sa kape, asukal, sigarilyo, bigas, at sitsiriyang kailangan ng kanilang mga anak sa araw-araw na buhay na pawang mga utang. Sa partihan ng nahuli sa pagbara ng pukot inaawas ng asawa ng amba na siyang namamahala dito ang mga nakuhang pangangailangan ng isang kasama sa pukot.
Itinatapat tuwing linggo ang partihan ng kita sa pukot dahil ito ang araw ng paglilibang. May tindahan ang may-ari ng pukot at kumpleto dito sa alak at sari-saring paninda. May pasugal ang may-ari ng pukutan na ang naiipong tong ay sa kanila pa rin napupunta kaya suma-tutal ay ang may-ari din ng pukutan ang panalo. Kung minsang may matirang barya sa tauhan ng pukot ay mga hinaing at buntunghininga na lamang ang pinawawalan sa bibig na alingasaw ang amoy ng alak at pagkatalo.Tatlong parte ang sa may-ari ng pukot, isa sa lambatan at lunday, isa para sa pinakalambat at isang parte rin ang amba.

May panahong ini-aahon ang lambat, tuwing panahon ng kawiting palakol o ang tag-habagat o taghirap ang panghuhuli ng isda. Inilalagay sa pukas na parang ang kabuuan ng pukot upang tingnan ang mga sira at hayumahin. Pinapalitan din ang mga lumang bural o tulos. Ang mga tauhan ang naghahayuma dito ng walang prubetso, madaling salita ay gratis dahil naniniwala ang may-ari ng pukot na dapat sila ang gumawa ng mga nasirang lambat at kung kinakailangang palitan ang bawat paldiyas ay siya ang bumibili ng pamalit na lambat. Dito rin sinusubok ng may-ari ng pukot kung sino-sino ang muling sasama sa pagbubunsod makalipas ang taghirap. Kung sinong tamad, iyon ang hindi maka-aangkas.

May mga tauhan din ang pukot na halos dito ginugol ang kanilang buhay. Sa punggok na biyayang ibinibigay ng pamemewang at isa pa’y kapus sa kaalaman o kakayahan sa ibang larangan ng paghahanapbuhay sa lawa. Ipinamamana rin ng mga tauhan ng pukot sa kanilang mga anak na lalake ang pagsagupa sa pamumukot sanhi na rin ng mga nakukuhang sakit sa tubigang masasal na ubo at pananakit ng kasukasuan.

May likas na pagmamahal ang mamumukot sa musika at pag-ibig. Iginagalang nila ang hangin at unos dahil na rin siguro sa pinsalang dulot nito sakaling sila’y inaabot sa laot ng pamumukot. At habang sila’y humihila ng lambat ay maririnig ang kanilang mga himig sa pamamagitan ng pagsipol at paggaygay sa mga lumang awit ng kasiyahan at maging ng pag-ibig.

May hiwaga ang maging isang mamumukot, maraming karanasang ipinagwawalang bahala. Marahil, kung nabubuhay pa ang mga naunang mamumukot at matutunghayan nila ito’y masabi nilang kung hindi ito naayok sa katotohana’y baka mas malapit-lapit. Lalo’t balitang ang mapaminsalang muro-ami ng kabisayaan at kamindanawan ay hawig sa lokal na pukot sa lawa ng Laguna. Mula sa pagiging tauhan at iba pang pangangailangan hanggang sa pagtanda sa buhay laot.

Dumating ang muro-ami dito sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig galing bansang Hapon. Nagagalugad nito at nahahalukay ang laot ng dagat at may kakayahang humuli nang higit kaysa pukot. Walang mayamang pangisdaan sa ating bansang hindi napasok ng mga komersiyal na pangisdang ito na labit ang balangkas ng pamamaraang hapones.

Ang hawig ng pukot at muro-ami. Binubulabog ng muro-ami ang batuhan o korals sa ilalim ng dagat habang hila ang lubid na ang dulo ay may timbog na malaking bato, itinitibog sa batuhang bahagi ng dagat upang lumabas ang mga kawang doon ay nangakahimpil hanggang unti-unting masira ang pamugaran. Kayang waratin nito ang kulumpon ng bulaklak-bato at ang mga naging sangkap sa pang-aabusong ito ay ang mga kabataang anak ng mga taal na mangingisda sa bahaging Bisaya at Mindanaw.

Gayundin ang pukot, wala itong pinipiling lugar na kakadkaran, kung saan makakita ng kawan doon ibabara ang lambat at wala ding pinipiling malaki o maliit, lahat nang magalahid nito ay nasisira ang pagaspasan ng mga inaheng isda dagdag pang ang natural na pagkain ng mga isda ay naitataboy o kaya ay nawawala at naglalaho. Sa sandaling makadkaran ng pukot ang tubigan at ang inahen ang nangawala ay tunay kang wala nang magsisilang ng kiti upang muling lumaki at pamuli at muling hulihin ng ilang bibig na dito’ naghihintay. Maaaring hindi natarol ng amba ng pukutan ang perhuwisyong idudulot ng kaniyang makapangyarihang tinig sa darating na panahon. Noon ay iilan lamang ang may palakayang pukot sa look ng Laguna at mas maraming isdang nakatarupit dito, ngunit nang lumaon ay naging totohanang pananakim na ang ginawa ng mga may kakayahang magpundar ng pukot ang pagtugis at paghuli sa biyaya ng lawa at mas higit na naging pabaya ang mga taal na naninirahan sa paligid ng lawa.

Binigkas at naitala sa radyo at pahayagan: “Laguna lake is biologically dead!” katotohanan ang binigkas at natala. Maaaring magamot at mabuhay ang lawa ng Laguna sa loob ng pitumpu’t limang taon hanggang isandaa’t dalawampung taon “kung” aalising lahat ang empresa o isasara ang mga pabrikang sumusulak ay mga lasong kemikal na ang huling hantungan ay ang lawa. Katotohanan ang winika’t natala dahil mula sa lokal na pukot sa lawa ng Laguna hanggang sa pinakamaliit na palakaya dito, tayong lahat ay may tungkuling dapat gampanan upang kahit man lang kaunting hininga ng lawa ng Laguna ay mapaburabok at huminga. Tapos na po. Raul Funilas Mayo 23, 2008

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: