Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 22, 2008

Ayel*

Tumugpa ka sa dalampasigang sunong ang isang batiyang inukit sa batikuling na punompuno ng labahin at anlawing damit, ang kaliwang kamay ay may hawak na palo-palong malarayat at ang kanang kamay ang alalay sa pag-gewang ng batiyang batikuling sa iyong uluhan. Tuminghas ang halas ng talahib sa tagilirang kaminong kareta habang kumakalapak ang tunog ng suot mong bakyang ani-i. Matamis ang ngiti mong gustong kuhain ng mga ligwang nasa isang puno ng piling-piling at nangingitlog ng matamis na pukyutan.

Una mong inihagis ang palo-palong ani-i sa gabukong-bukong na lalim ng lawa at buong igting mong ibinaba ng dalawang kamay ang batiyang batikuling sa iyong ulo nang may marinig kang sibok sa gawing gadibdib tubig ng lawa. Naging malikot ang galaw ng iyong dalawang mata upang hanapin ang naghagis ng pinasibok na bato. Wala kang nakita kundi ang isang puno ng kawayang nangaglawit ang bulaklak, naglawit din ang nakatiwarik at natutulog na bayakan sa talukap ng mabulbol at bago lang naninilanghad na labong sa tabi ng malalagong kambong at lungtiang dahong bayambang sa dunggot ng iyong kinatatayuang dalampasigan. Inisip mong isang isdang karpa o isdang kanduli ang kumabo at ngumasab upang humigit ng isang hingang hangin sa rabaw ng tubig.

Inisa-isa mong kusutin ang mapuputing damit sa batiyang batikuling habang dumadapyo sa iyong kabuuan ang dayaray na nanggagaling sa laot, dumadapa ang iyong buhok sa pagsabukay ng hangin at ini-uugoy ng maliliit na anlog ang makapal na balahibo sa iyong binti hanggang sa umalatiit ang punong kawayan at lumawiswis ang mga dahon. Mula sa gawing laot ay unti-unting bumangon ang alon upang tunguhin ang iyong kinaroroonang dalampasigan. Ang unang dampi ng alon ay nasapol ang isang ayap na puntod na nasa gawing unahan ng iyong pinag-aanlawan at nang lumao’y ikaw na ang pinag-ukulan ng halik ng isang along naging mabilis ang paggulong. Umigtad ang buo mong katawan at nabasa ang suot mong kamisola, lumabas ang bawigang balantukang bahaghari sa dunggot at pumisik ang isang matalim na guhit ng kidlat—umigtad ka nang dumagundong ang kulog. Natumba ka’t nawalan ng panimbang hanggang tuluyang nabasa ang buo mong katawan.

Pakalabukab na gumapang ang duhol sa naulinigang maingay at gumagalaw sa rabaw ng tubigan. Gusto kang puntahan at tulungan ng mga nagkukumpulang alitaptap sa puno ng dapdap na puno ang banakal ng bumabaldig na alimagmag. Pinagkalipumpungan ka ng sari-saring isda at narahuyo ka sa ligamgam at salpok ng alon, lumangoy ka papuntang laot at sumakay sa isang kumpol na lulumbanging liling sumasayaw sa kilos ng agos. Pinagpatong-patong mo ito at ginawang munting tanghalan. Sumakay ka at kinuha ang puti’t asul na bulaklak na binabantayan ng yapyap at kuhol. Nagsayaw ka sa ibabaw ng lili, nagtatakang sumusunod ang langkay ng kanaway habang nasa kaitaasan ang walang humpay sa paglipad na langaylangayan. Natanaw ka ng tigmamanukin at bakaw pulong lumipad dahil nabulabog nang kumulog kanina habang naninila ng isda sa habagatan ng dunggot nang biglang bumuhos ang ulang kandong ng buntis at maitim na ulap.

Walang hindi nabighani sa iyong kagandahan ng oras na iyon, pati ang maitim na ulap ay naghangad ding lapitan ka subalit mas malakas ang simoy ng pagkatakam ng hanging amihan, itinaboy ang kulabong ulap at ikaw ang nilukuban ng kaniyang walang sinlakas na bugso hanggang ang munti mong balsa’y umanod-anod at yakapin ng mga kuyapo at digman. Hindi mo nakayahang tumayo sa binalsang waterlili, nagpatirapa ka. Alimaymay mo ang kakak ng uwak sa himpapawid habang ang tagak nama’y nangnginain sa tikiwan at pinahahaba ang leeg na nakatingin sa amihan. Naramdaman mong isinasayaw kang paikot ng bumalisunsong na uli-uli’t iniligid ka sa pinakamalaking lungki ng pulo habang takam na inilalawit ng buhawi ang matulis niyang buntot patungo sa iyong kinalalagyang binalsang lili. Umuusad naman ang sinag ng kulayang bahaghari at pilit ipinakikita sa iyo ang sari-saring kulay.

Nagpalutang-lutang ka at nagpaanod-anod, matiyagang nakakapit ang mga susong buwili, papan at susong pilipit sa sungot ng tagunton hanggang narating ng iyong sasakyan ang himpilang malawak na kaparangang pinagpapahingahan ng habagat. Sinuyo ka ng kaniyang dayaray at inihaplos sa katawan mo ang walang kasinlamig na dapyo. Nakaramdam ka ng antok at ikaw ay nakatulog nang mahimbing.

Ginising ka ng huni ng tigmamanukin, binalaan kang mas higit na sigwada ang darating sa iyong kinaroroonan kaya inilawit mo ang iyong paa sa tubig upang gawin mong sagwang panudlong pabalik sa dalampasigang pinagmulan. Nakita ka ng bakaw na may labit sa tukang hinlalagak at kumakak nang kumakak hanggang dumating ang kawan niya at dumapo sa iyong balsa. Mahigpit na ikinapit ang mga paa sa lulumbanging lili at iwinagayway nila ang kanilang pakpak. Bumilis ang pag-anod mo pabalik sa iyong pinanggalingan nang salubungin ka ng naglulumiyad na alon, nabasa kayong lahat ng mga bakaw na tumulong sa iyo upang ilayag pabalik ang binalsang lili. Pamuli kang pumagitna sa iyong balsa at inilapat ang katawang nakadapa.

Marindi ang init ng nagbabagang araw. Natanaw ka ng matataas na punong kahoy sa kaparangan at bundok, balana’y gustong maghandog sa iyo ng kanilang lilim na kanlungan, binulungan nila ang alapaap at sinuyong ikaw ay tabingan. Lumukob sa iyo ang makapal na alapaap na tinatakpan ang nagliliyab na araw, nakaramdam kang muli ng lamig. Ibinaligtad mo ang nakadapa mong katawan at tumambad sa alapaap ang iyong kagandahan. Hindi umalis ang alapaap sa pagkakayakap sa iyong kabuuan nang muling hinipan ng amihan ang alapaap na tumatabing sa maliyab na araw. Nagtitigan ang araw at amihan, lakas ng bugso kontra init ng liyab, matagal silang nagdidigma nang sumungaw ang takipsilim. Kapuwa lumamig ang mga ulo ng amihan at araw.

Muli kang nakatulog habang namamasyal magdamag ang bilog na bilog na buwan. Nagipon-ipon ang maniningning na bituin nang masilayan ka nilang natutulog, gumawa sila ng isang rosaryo at iginalang nila sa iyong leeg. Nagluningning ang lawak ng karagatang kinalalagyan ng iyong binalsang lili. Sumabo ang sari-saring isdang narahuyo sa liwanag na kaloob ng iyong kuwintas na tala. Hindi napigilan ng barakong dalag na umigpaw at lapitan ka kahit ang kasalubong na tag-an ay nagtatanong at hinahanap ang nawawalang mga anak. Kagat din ng dulong ang palikpik ng barakong dalag upang maki-usyuso sa mapangahas na igpaw ng barakong dalag. Kinagat ng maliit na ngipin ng barakong dalag ang isang butil ng iyong kuwintas at muling pumusag pabalik sa tubig. Sinunong naman ng dulong ang pinakamaliit na nagniningning na bituin at nagpatihulog sa tubig. Nakita ng ibang isda ang ginawa ng barakong dalag at dulong kaya sila’y umigpaw para kumuha ng butil ng kuwintas na tala sa iyong leeg hanggang nagliwanag ang ilalim ng karagatan. Nagising ang ibang isdang nagulat sa ngayon lamang nakitang liwanag sa ilalim ng tubig.

Lumamlam ang paglalakbay ng buwan, nawala ang bilugang limbo nito na walang putal na tinatabingan ng manipis na alapaap hanggang magdilim ang paligid. Natulog ang maningning na mga tala sa himpapawid at ginising ka ng sunod-sunod na tilaok ng labuyo. Bukangliwayway, tiningnan mo ang iyong sarili sa malinaw na tubig, kumilapsaw ang gintong liwanag ng araw nang magsalpukan ang likhang anlog nang itundo mo at gumawa ng matang-tubig ang iyong hintuturo. Nalibang ka sa matang-tubig. Lumitaw ang malawak na bulaod ng laginlin, ito ang palatandaan ng iyong pagbabalik sa sinapupunan ng iyong pinagmulan. Una ang ulo mong tumalon sa binalsang lili, higit na malaki at malayo ang sinaklaw ng iyong katawan sa matang-tubig na nalikha.

Matagal kang sumisid, napakatagal na panahong hinintay ka ng ulap, ng bahaghari, ng araw, ng takipsilim, ng uli-uli, ng buwan, ng amihan, ng habagat, ng talahib, ng palo-palong ani-i, ng batiyang batikuling , ng bituin, ng laginlin, ng tigmamanukin, ng bakaw, ng labuyo, ng karpa, ng yapyap, ng dahon, ng labong, ng bayakan, ng duhol, ng dapdap,ng labuyo, ng alitaptap, ng uwak, ng hinlalagak, ng tagak, ng balsa, ng himpapawid, ng tag-an, ng dulong, ng barakong dalag, ng digman, ng kuyapo, ng kulog, ng kidlat, ng alapaap, ng alimagmag, ng sigwada, ng kawayan, ng dunggot, ng bundok, ng puntod, ng dayaray, ng lili, ng bulaklak ng kawayan, ng kamisola, ng pukyutan, ng ligwan, ng pilingpiling, ng kaminong kareta, ng alon, ng susong papan, ng susong pilipit, ng susong buwili, ng bulaod, ng tagunton, ng kaparangan, ng matataas na kahoy, ng palipod, ng tulos, ng laot, ng langaylangayan, ng kanaway,ng buhawi, at iba pang sa iyo ay umibig. Matagal na kinagiliwan ang iniwanan mong paraisong lawa, maraming sumakay sa lulumbanging liling naging giya nila sa masayang paglalakbay at paglalayag. Hanggang nalimutan nilang lahat ang iyong pagkawala, nalimutan nilang minsan rin nilang sinamba ang iyong kagandahan.

Mula sa iyong pinagkublihan ng napakatagal at hindi mabilang na panaho’y ninais mong balikan ang dati mong lugar at itinuring na paraiso. Nagpaalam ka sa lahat nang naroon sa ilalim ng inyong himpilan at ang huling bulong mo’y agad kang babalik.

Lumitaw ka sa pinakapusod ng lawang kaangkas mo ang singaw ng laginlin sinalubong ka ng rumaragasang kulabong alon, kumapit sa iyong balat ang makakating laman ng tubigan. May nakita kang mga tuyong lili, hindi maipaliwanag ng iyong damdamin ang sumalubong na pagtataka sa nakikita sa kaligiran. Wala kang palatandaang nakikita sa dati mong paraiso. Kumubli ka sa tampok na tumpok ng lilihang kinalalagyan mo nang makarinig ka ng banyagang ingay. Isang gawangang puno ng makabagong kulay at umaalimbukay ang malibag na tubig sa hulihan. Natanaw ka ng nakasakay dito at ikaw ay tinugis. Muli kang gumawa ng isang matang-tubig upang sumisid sa ilalim ng tubig. Lumikha ng ibang galaw sa tubig ang nalikha mong matang-tubig.
Humugong ang mahihiwagang bulong na may dumating na laginlin at ipinahahanda ang lahat nang palakaya sa tubigan. Kumalat sa lawak ng dagat ang likha mong matang-tubig. Gusto mong bumalik sa sinapupunan na iyong hinimlayan ng mahabang panahon ngunit nagtatalo ang iyong isip sa di maipaliwanag na kaganapan sa iyong dating paraiso. Nagpasiya kang manatili sa tubigan at inalimaymayan ang mga nagaganap.

Sumisid ka nang sumisid paikot sa kaldera ng lawang may isang tumpok na lupa sa pinakagitna. Nahuhulabid ka sa mga tulos at palipod, gilik at banlik, taliptip, burak at putik, sa pampers, sa plastik, sa balutan ng Jolibee, McDo, Chowking, Kentucky, at ibang kuyagot at yangkaw. Nahuhuli ka sa mga baklad, nasasagbat mo ang malalaki at maliliit na lambat na ikinulong ang mga isdang hindi mo kilala. Nanginginig ang buo mong katawan kapag nalalawitan ang tubig na kinaroronan mo ng isang makinang at matulis na may lumalabas na dagitab, nakita mong nakagapos ang lulumbanging lili, wala kang makitang kuyapo, wala na rin ang ibang mga isdang kinagiliwan mo noon. Nakakita ka rin ng mga bagong sasakyang tubigan, may paraw, may batil, may, gibara, may gawangan, may wakisa, may pagukpok, may pampasaherohan, may lunday, may lampitaw, may kasko, may lantsa, may hakutan ng langis, may regata, may speed boat, at may gawa sa fiber glass.

Nakita mo rin ang walang pakundangang pagsalanta sa tubigang kinagiliwan mo noon ang mga: Mananalapang, Mananakag, Manunuro, Mamamarukot, Manggagalay, Mangingitang, Mamimiwas, Mandadala, Mamamante, Mamumukot, Mangangahig, Maninikit, Magbubukatot, Mananalapyaw, Mananalap, Mag-aalig, Maninikin, Maninibulos, Manunuklob, Maninibog, Mamamarakas, Mananakebo, Mananapo, Magtatakilis, Mangangapa, Magbabaklad, Manunuliya, Magpi-fish pen, Mananalakab, Mamamana, at Mangungoryente.

Umiyak ka nang umiyak, walang tigil, hindi mo mabilang ang araw ng iyong pagtangis sa sinapit ng iyong iniibig na paligid. Nagpasiya kang bago bumalik sa hinimlayan mo nang napakatagal na panahon ay dalawin ang dalawang dunggot ng pulong iyong binantayan noon. Titingnan mo kung naroon pa ang natabunang gintong ahas na matagal na panahong binantayan ng iyong ama mulang hilingin sa diyos ng tubigang igawa ng isang paraiso ang mapanibughuin mong ina. Nakita mo ang iyong pakay na gintong ahas, litaw na ang makinang at matulis na pangil nito sa dunggot ng kinabutasan at kumikiwal na buntot nito sa dunggot ng habagatan.

* Siya ang Inang Lawa na pinagbantay ng kaniyang ama sa isang paraisong ipinalilok sa diyos ng tubigan. Ang pinakamatayog na bundok ng Durungaw na ang pinakautong nito ay may natutulog na gintong ahas. At mulang pinaniktan ng paninibugho ang kaniyang ina sa gintong ahas ay ipinaki-usap ng kaniyang ama sa diyos ng lindol at diyos ng tubigang pasabugin ang Durungaw at gawin niya itong isang paraisong hawig sa kaniyang balaraw. At naukang kaldera ang isang malaking lawa na may hugis balaraw na pulo sa gitna. Ang kinalalagyan ngayon ng pulo ng Talim na nasa gitna ng Bai ng La Laguna. Mayo 22, 2008 raulfunilas Wakas.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: