Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 21, 2008

Alamat ng Tabon

ALAMAT NG TABON
Raul Funilas
Agosto 8, 1999

Isang lagalag na binata si Majulpedanra, mahilig tumuklas ng mga bagay at lugar na banyaga sa paningin at hindi pa niya nararating. Anak siya ng pinuno ng isang tribu na si Lakantagkan na asawa ni Dayang Bouan sa Namayan. Ginagalugad niya ang kaparangan, dahilig ng bundok at ang laot ng mala-esmeraldang lawa. Ipinagpagawa siya ng kaniyang amang regulo ng isang bangkang galing sa magaang na punong ani-i. Laging kasama ni Majulpedanra ang kasintahang si Balitangan, ulani’t arawin sila sa dalisdis ng gubat, nangingisda sa gawing kanluran at hilaga ng kalawaan at minsa’y nangunguha ng mga ligaw na prutas at nangangaso sa malayong kabundukan. Mabait na anak si Majulpedanra, anumang ini-uutos at tagubilin ng kaniyang amang regulo’y sinusunod niyang walang pasubali. Isa lang ang kabilin-bilinan ng ama: “Huwag mong subuking alamin ang malayong lugar ng lawa sa may balaraw na pulo, higit kung panahon ng tag-habagat, rurumbuhin ka ng alon, itatawing ang paraw mo hanggang ikaw’y ilubog. Isa pa’y sa gawing silangan ng pulo ang lahi ng mga kalaban nating si Gat Salyan Maginto. Mga palangas at sutil ang mga iyon at baka nakapaglalayag na rin sila sa hugis balaraw na pulo. Ingatan mo rin anak ang barumbado at pinunong si Baug na balita sa lupit.” Naging palaisipan kay Majulpedanra ang tinuran ng amang regulo.

Pakiling ang Araw sa Kanluran

Unang linggo ng tag-habagat. Naninisid ng tuliya ang magkasintahan sa lawa, may naulinigan silang pagaspas ng dalawang malaking ibon sa gawing uluhan nilang halos dalawang hampas-tikin ang taas ng lipad. Apurahan ang lipad na minsa’y umiibabaw ang isa at kinakagat ng tuka ang batok ng nasa ilalim. Narahuyong pagmasdan ng magkasintahan ang ginagawang lampungan ng dalawang malaking ibon. Abot tanaw nilang sa gawing hugis balaraw na pulo ang ginawian ng mga ito, ang pulong ipinagbilin ng amang huwag tataluntunin. Inabot sila ng pagkiling ng araw sa kanluran sa pagtanaw sa dalawang ibong nagpahanga sa kanila.

Panahon ng Pangingitlog ng Tabon

Nasa harap ng dulang ang mag-inang dayang Bouan at Majulpedanra, kumakain sila ng prutas at malalapad na inihaw na ayungin, wala ang kaniyang amang regulong inaasikaso ang mga problema ng kaniyang nasasakupang pamayanan. Naihunta ni Majulpedanra sa ina ang nakita nilang dalawang malaking ibong nagpamangha sa kanila ni Balitangan. “Baka ang tinutukoy mo’y ang ibong Tabon, na minsa’y pinapangalanan ng ama ko noon na Kuling, kalbo ito at may kahabaan ang leeg,abuhin ang kulay may salit na puti sa dulo ng pakpak, matingkad na lungti ang mga paa at maikli ang buntot nito.” Pawang tango ang iginanti ng binata sa kaniyang inang dayang. “At nagpatungo po doon sa ipinagbabawal ni amang puntahan ko, ang balaraw na pulo.” Pahabol ng binata. “Panahon ngayon ng pangingitlog ng ibong Tabon, mayroon silang pamugaran at hapunan sa hugis balaraw na pulo at doon sila naglilimlim sa lugar na walang nakikitang taong tulad natin.” Nakangiting sabi ng inang dayang.

Antaw at Bunggang Hayop na Umaanod sa Lawa

“Nakita mo raw ang ibong Tabon hunta ng dayang mo sa akin? Mahigpit kong ipinagbabawal ang pagtuklas mo sa pamugaran nito! Kilala kita Majulpedanra. Huwag mong subuking sundan ang mga Tabon, hayaan mo silang makapamisa ng itlog, malaki ang naitutulong ng ibong Tabon sa lawa.” Makapangyarihang tinig ng amang regulo. Ano pong naitutulong ng ibong Tabon sa lawa ama? “ Mga antaw at bunggang hayop na umaanod sa lawa ang kanilang pagkain, lahat nang nabubulok sa kalawaan ay walang sawa nilang inuubos, nababawasan nito ang masansang na amoy sa sandaling nakain nila ang masasansang na hayop na nabulok sa lawa na siya nating ginagalawan sa araw-araw. Kaya mahalaga ang kanilang pagkakaroon ng inakay. Inuulit ko Majulpedanra, huwag na huwag mong susubukang tuklasin ang pinaghahapunan at pamugaran ng ibong Tabon.”

Gustong Matalunton ang Kinaroroonan ng Ibong Tabon

Isang gabing waring bangka ang hugis ng buwan at walang tigil ang paglalakbay ng alapaap sa papawirin, magkasuyong naghuhuntahan ang magkasintahan nina Majulpedanra at Balitangan sa ilalim ng punong putat. Gusto kong makita ang pamugaran at himpilan ng ibong Tabong nakita natin sa laot ng lawa Balitangan. Anas ng binata sa kasintahan. Gusto kong mahuli at ialay sa iyo ang mga ito. “ Hindi mo ba pakokoronahan ang sinalita ng iyong regulo? Upasala ni Balitangan. Gusto kong matalunton ang kinaroroonan ng dalawang ibong Tabon. May diing tinig ng binata. Maghanda ka sa makalawa, ipari-asta mo sa kanyuto ang garautang dadalhin natin sa ating paglalayag upang tuklasin ang pamugaran ng ibong Tabon. Tamang-tama, tag-habagat ngayon at hindi pa ako nakatitikim ng itlog ng ibong Tabon. Hindi makatatanggi ang dalaga sa mahal na kasintahan, sasama siya sa kasuyo upang tuklasin ang pugad at hapunan ng ibong Tabon hindi niya hahayaang mag-isa ang kasintahan.

Unang Lambakin ng Balaraw na Pulo.

Bukangliwayway nang lisanin ng magkasintahan ang punong himpilan nila sa baybaying Namayan. Lihim nilang naibunsod ang paraw at sa unang pagkakataon susuwayin niya ang tagubilin ng amang regulo. Naging hamon sa kaniyang kakayahan ang mahigpit na pagbabawal ng kaniyang amang puntahan ang hugis balaraw na pulo. Binalaybay nila ang pampanging bahagi ng kanilang punong himpilan, banayad na banayad ang kaniyang panunudlong at bumilis nang bumilis nang maramdaman niyang sumisimoy ang habagat. Alam ng binata ang hataw ng panahon, lalakas pa ang habagat sa pagsilay ng araw. Walang humpay paggaod ang binata at wala ring tigil paglilimas ang dalaga gamit ang pagtampal ng sakong sa lunas ng paraw dahil pumapanhik ang mga ligwak na tubig kapag sinasalpok sila ng kuluting tumitiyad na alon. Nakapangubli sila nang bahagya sa isang munting pulong nadaanan nila makalampas ng dunggot ng diyablo kung saan may malalaking batong animo’y kusang isinalansan ng kalikasan. Mas matinding sigwa ang sinalunga nila nang bumukana sila sa Kinabutasan, ang lugar na pinagputulan ng hugis balaraw na pulo. Lahukan ang pawis at tubig sa lawa sa katawan ng binata nang marating nila ang unang lambakin ng balaraw na pulo. Namaybay ang dalawa sa tabing dalampasigan, minsa’y tumatangkab ang kanilang paraw sa batuhang bahagi habang patuloy ang walang puknat na habagat. Halos panawan na ng ulirat ang binata sa hirap na dinaranas nang makatanaw sila ng munting lungga, pasagadsad niyang idinaong ang paraw at doon ipinasiyang hintayin ang pagdating ng dalawang ibong Tabon. Nakatulog silang dalawa sa bukana ng lungga sa pagod na inabot paglalayag.

Pagtingala sa Matayog na Bundok

Napukaw si Balitangan sa haginit ng maingay na habagat, tinapik niya sa tagilirang tiyan ang kasintahan para magising. Noon nila namasid ang paligid na hindi nila nakita sa kapaguran ng kanilang paglalayag. Humahalimuyak ang malamig na simoy ng habagat nanunuot sa dibdib ang kadalisayan ng malinis na hangin at ang kaparangang bahagi’y puno ng sari-saring kulay ng bulaklak, naglangkawas ang mga ligaw na prutas sa dahilig ng gubat, napakatataas ng mga punong kahoy na ubod ng lalaki, napakaputi ng buhanginan sa dalampasigan at animo’y bubog ng sapiro’t diyamante ang tubig sa lawang nagkikislapan lalo kapag tinatamaan ng sinag ng araw ang mga along humahalik sa dalampasigan. Nangaglalaro ang kawan-kawang isda sa gabukong-bukong na lalim ng tubig may biya, ayungin, talilong, palos, kanduli, gurami, at tagunton. Nalibang ang magkasuyo sa ganda ng isang bahagi ng pulo nang matingala nila ang walang tabing na alapaap na matayog na bundok na animo’y dibdib ng isang dalagang nakahigang lugay ang buhok, nabantad ang isang kagandahang saglit na pumawi sa kanilang layong makita ang pakay na dalawang ibong Tabon.

Pabalagbag na Umapupa sa Habagat

Nagtutugpahang lumusong sa tabing wawa ang sari-saring ibong tumatangad ng kanilang inumin, may tikling, hingkakayog, matang-bayani, bakaw, ulok, tika, kandarapa samantalang salimbayan sa gawing uluhan nila ang kilyawan, tigmamanukin, at b
atubatong punay. May usa at labuyo sa gawing dunggot ng munting lungga at doon nagtitighaw ng pagka-uhaw, namamang-al naman ng anod na niyog ang mag-anak na baboyramu sa munting lungking may madawag na kawayan. Luminga ang binata sa gawing pinanggalingan nilang lugar, may natanaw siyang maitim na tuldok na lumilipad patungo sa kanilang kinalalagyan, inatasan ang dalagang mangubli sa loob ng munting lungga dahil alam niyang ang dalawang ibong Tabon ang dumarating patungo sa kanila. Nangubli rin ang binata sa ilalim ng isang guwang ng malaking bato, hindi siya nagkamali, ang dalawang ibon. Nasa tapat ng matayog na bundok na hugis dibdib ng dalaga. Nagtaka ang binata nang lumihis ang dalawang ibon sa gawing kanluran at pabalagbag na umapupa sa habagat padako sa gawing pinakadunggot ng balaraw na pulo. Hindi hiniwalayan ng tingin ng binata ang nagiging tuldok na abuhing ibon. Naisip niyang naamoy silang magkatipan ng mga ibon kaya lumihis ito ng landas, alam niyang matalas ang pangamoy at paningin ng mga ibon.

Pag-igpaw ng Isda sa Lawa

Isinangkal ng binata ang kanilang paraw sa isang matigas na anod na puno, nagpasiyang doon na sila magpa-abot ng umaga ng dalaga. Maganda ang balaraw na pulo mahal ko, wala akong nakikitang palatandaan upang katakutan ito. Usal niya sa kasintahang tumango sa kaniyang sinabi. Bago sumikat ang araw bukas, sasalungahin natin ang balugbog ng matayog na bundok na hugis dibdib ng dalaga upang makita natin ang kabuuuan nito. Ang bilog na bilog na buwan ang saksi nang pagsaluhan nilang magkatipan ang unang paglalapat ng kanilang kahubadan sa kanilang kauna-unahang paglalayag sa hugis balaraw na pulo. Ang lawiswisan ng mga dahon ay gumagaslaw sa paglalaro sa hampas ng habagat, silindrong tumutunog ang bitak ng kawayang hinihipan ng mapusok na hangin, ang pag-igpaw ng mga isda sa lawa ay kumakalabusaw at gumugulong ang bato patugpa sa wawa sa pagkarimot at habulan ng naglalampungang bayawak na nagulat sa dalawang panauhing hindi nararamdaman ang lamig na handog ng hamog sa paligid ng kanilang ginawang pansamantalang paraiso. Nang magmamadaling araw ay humupa nang bahagya ang habagat.

Nakapitong Kadlo ang Palad sa Lawa

Salitan sa magkabi-kabilang bundok ang tilaukan ng mga labuyo, sa tumangwa ng munting lungga ang pinakamaingay sanhi upang magmulat ng mata si Balitangan, pinisil niya ng kanang palad sa kaliwang tagiliran ang kasintahan at binulungang baka tirikan sila ng araw e aahon pa sila sa matayog na bundok na nakapanungo sa kanila. Sabay silang tumayo at muling naglapat ang kanilang hubad na katawan ginawaran ng isang uma sa noo ang dalaga tanda ng isang pasasalamat sa ipinagkaloob na kaligayahan kagabi. Tumugpa sa tabing aplaya ang binata at pinagsalikop ang dalawang palad at ikinadlo sa lawa upang mapuno ng malinaw na tubig. Nakapitong kadlo siya ng inimon na tubig sa kaniyang malukong na palad. Uhaw na uhaw siya sa nagdaang magdamag at kapaguran sa kanilang walang humpay na panunudlong kahapon. Lumukso siyang una ang ulo upang tarulin ang ilalim ng lawa, matagal siyang nagmasid sa ilalim at paglitaw ng kaniyang ulo sa rabaw ng lawa ay may hawak siyang isang ga-brasong dalag.

Bagong Panauhin

Hindi pa natutuyo ang buhok ni Majulpedanra’y naglalaab na ang pinuyos na kawayang sinalansanan ni Balitangan ng matitigas na tuod ng mulawin upang magbaga. Tumugpa at naligo ang dalaga sa gadibdib na lawa sa dunggot ng munting lungga, bumalik siya sa tinayantangan ng inihaw na dalag na may labit na isang katayang malalapad na ayungin, nanalakab ang kaniyang mga palad habang siya’y naliligo sa dunggot ng munting lungga. Malutong ang halakhak ng binata nang makitang may labit na ayungin ang dalaga habang binibirong hindi mababawasan ang ipinari-astang pagkain sa kanilang paglalayag. Habang namamapak ng inihaw na dalag at ayunging malalapad ang magkasintaha’y walang tigil ang kalabusaw ng tubig sa lawa, nagngangasaban ang iba’t ibang uri ng isda at ang malalaki ay umiigpaw at waring kinikilatis ang mga bagong panauhing masarap na nag-aagahan.

Lumutang ang Iwing Kagandahan

Nanakate ang binata ng malalapad na dahon at nagpilipit ng pitong dipang tangway, itinaklob niya ang mga dahon sa paraw upang maikubli at ipinugal ang baging na tangway sa isang batong kaigihan ang laki. Tiniyak niyang walang makakikita sa paraw, kahit ang dalawang ibong Tabon na sadya nila at pakay sa paglalayag. Nanalasa ang sinampalok na kampit ng binata sa madawag na gubat, pinalimping ang mga bakas ng hayop-gubat, alam niyang hindi sila maliligaw ng landas ng kasintahan dahil nakapanungo sa kanila ang taluktok ng matayog na bundok na nais nilang ingkatin. Bawat madaanang magagandang bulaklak ay pinipitas ng binata at nakangiting ilalagay sa tainga ng dalagang halos walang pagsidlan ang katuwaan. Lutang ang kagandahan ng dalaga sa mga bulaklak na pula at puti ng kabalyero at katmon.

Nagbabagsakan ang Hinog na Prutas

Manakanaka’y nagugulat sila sa nabububo nilang baboyramung nanginginain ng lamanlupang tungo at mayatbang, nagpagaspasan ang lipad ng mag-anak na labuyong nangangaykay ng nabulok na kahoy na binahayan ng anay at nagbagsakan ang kumpulang samuki nang biglang lumipad ang sabukot. Nagbabagsakan ang hinog na prutas at bungang-kahoy dahil sa sobrang kahinugan, nagsalisaw ang mga usbong na puno at naninilanghad paghahanda wari sa paghuhunos ng pinagmulang puno na ang mga huling banakal ay nagagapok sa katandaan. Naninilip sa mga siwang ng dahon ang kasisikat at angat sa balikat na araw ngunit ang yakap at dapyo ng dayaray ay napakalamig. Umiilag silang dalawa sa mga dahong may hinlulumbo, dahon at punong pinagtangkalan ng pukyutan ng mabagsik na ligwan. Hindi nila maiwasan ang uting-kogon at halas ng talas ng talahib na may malakarayom na supang. Narating nila ang pinaka-utong ng matayog na bundok. Sinuyod nila at sinabukay ng tanaw ang ibabang bahagi ng kanilang pinaghimpilan ng paraw, natanaw din nila ang punong himpilan nila sa Namayan at sa gawing silangan ay may nakita silang puta-putakeng usok. Gumitaw sa isip niya ang isinalaysay ng amang regulo na may himpilan ang lipi ni Gat Salyan Maginto at ang pinunong si Baug. Sa dakong dalisdis ng bundok Inalsan ay may nakikita silang mga bilog na hugis na sinapantaha niyang iyon ang kuta ng barumbado at tulisang si Baug. May natanawan din silang dalawang maliliit na pulo sa gawing kaliwa ng bundok Makiling at bundok Sungay at unahan ng bundok Sinukuan. May tatlong maliliit namang pulo sa gawing ibaba at silangang bahagi ng kanilang kinatatayuang taluktok, at abot din ng kanilang tanaw ang isang pulong maliit malapit sa himpilan ni Gat Salyan Maginto sa gawing kaliwa. Binusog nila ang kanilang paningin sa balugbog ng matayog na bundok na wangis ng dibdib ng dalaga. Naghukay ng tulo ng mayatbang at pinang-os upang mailaman sa kanilang sikmura nang maramdaman ang gutom. Nagpasiya silang bumaba nang makita nilang pakiling na ang araw at alam nilang malapit nang maglakbay pabalik sa kanilang pamugaran ang mga ibong Tabon.

Bukal ng Mainit na Tubig

Nang makababa buhat sa bundok ay gumawa ng hukay ang dalawa sa buhanginan. Pumaloob sila nang nakahigang labas lamang ang kanilang mga mata at sa gawing pagmumulan ng dalawang ibong Tabon nakadako ang paningin ng dalaga samantalang sa dakong paroroonan ng dalawang ibon nakadako ang tingin ng binata.” May natatanaw na ako Majulpedanra, dumarating na ang ating hinihintay at mababa ang kanilang lipad.” Bulong ng dalaga sa binata. Hayaan mo at tiyak aalamin ng mga iyan kung narito pa tayo dahil nabubo natin kahapon ang kanilang paglalakbay. Anas ng binata. Maingay at tugunan ang pagkakak ng dalawang ibon habang patuloy ang paglipad. Hindi napansin ng dalawang ibon ang magkasintahan at ang paraw na may taklob na mga dahon. Bumangon silang dalawa at hinabol ng tingin ang papalayong ibon sa kanilang kinalalagyan. Lumiko sa gawing kaliwa ng mag-asawang bato ang dalawang ibon. Unang bumangon ang binata at sinundan naman ng dalaga. Lumikha ng matang-tubig ang lawa nang halikwatin ni Majulpedanra ang paraw at ibunsod s
a kayangang matigas at anod na puno. Tuksong sumimoy ang malakas na habagat nang padambang gumagaod ang binata upang sundan ang pakay na lumiko pakaliwa sa mag-asawang bato. Malakas ang dapyo ng habagat na nagpatiyad sa dati’y pagulong-gulong na alon. Hindi nakayahan ng binata ang paggaod nang salpukin ang paraw nila ng isang rumurumbong alon na naging dahilan upang sumadsad sila sa dalampasigang mabato sa gawing tangos ng maraming tanim na luyang dilaw. Bumaba ang dalawa sa paraw at inalalayan na lamang ang paraw habang si Naranghita ay walang tigil sa paglimas ng tubig na sumampa sa kanilang halos lumubog na paraw. Napasigaw ang dalaga nang bumaba ng paraw. Bakit mahal ko? Tanong ng kasuyo. “Mainit ang tubig kong nayapakan, may dumadaloy na mainit na bukal dito sa kinatatayuan natin.” Nararamdaman ko rin mahal ko. Magtampisaw ka at igulong mo ang iyong katawan, makabubuti iyan sa pangangaligkig sa ginaw at mahuhugasan ang daluyan ng dugo. Nawiling magbantod sa mainit na bukal ang magkasintahan hanggang pumula ang kanlurang hihimlayan ng araw. Hinila nila ang kanilang paraw hanggang sumapit sila sa pinakalungki ng mag-asawang bato. Muli nilang hinila sa kayangang buhangin ang paraw at nagtungo sa dakong patag ng mag-asawang bato. Nakita nila ang isang malapad na batong may naka-ukit na kurus at ipinasiya ng binatang doon sila magpapalipas ng magdamag. Habang namamahinga’y may kumaluskos sa dakong itaas ng kanilang pinagpapahingahan, bigla silang nagwalang kibo. Gumuhit sa labi ng binata ang isang ngiti sabay hugot sa isang siit na bala ng kaniyang busog, humaginit ang siit sa tinudlang isang dumalagang labuyo. Bukas mahal may ulam na tayo. Nakangiting humanga ang dalaga sabay yakap sa matipunong katawan ng binata.

Tumatalon ang Tubig sa Talon

May tala pa sa umaga’y nirurumbo na ng alon ang mag-asawang bato. Nagising ang dalawa. “Dalawang sikat na ng araw na wala tayo sa paningin ng iyong dayang mahal ko.” Anas ng dalaga. Tumango-tango ang binata. Hindi bale nakita na natin at malapit na tayo sa ating pakay. “Huhulihin ba natin ang dalawang ibon?” ‘Ani Balitangan. Kung may pagkakataon. Tugon ng binata. Nagtago sila sa tagiliran ng malapad na batong may kurus sa ibabaw nang may marinig silang kakak ng ibon. Malakas ang dinig nila sa dayaw ng ibon gayong salungat ang simoy ng habagat. Tanaw nila ang pinagmumulan ng kakak, sa gawing hulo ng munting dunggot na dalawa ang lungki. Kita nila nang pumagaspas ng lipad sa ibabaw ng pinamumugarang hulo bago tuluyang lumayo patungo sa ibabaw ng matayog na bundok na kanilang sinalunga kahapon. Lumabas ang magkasuyo at nanalunton sa tabing ragat papuntang munting dunggot ng dalawang lungki. “Kayganda ng buhanginan sa tabing ragat.” Paghanga ng dalaga. Nang maramdamang muli niya ang mainit na hagod ng bukal na tubig na kanilang niyayapakan. “May daloy din dito ng mainit na tubig Majulpedanra!” bulalas ng dalaga. Muling nagtampisaw ang dalawa sa mainit na daloy ng bukal na pangalawa nilang natuklasan. Nang magsawa ay umahon sa pangalawang lungki ng munting dunggot at nanganlong sa malabay na punong akasya. Habang nagpapahinga’y dinig nila ang lagaslas ng batis na tila nanggagaling sa isang talon. Narahuyo silang susugin ang pinagmumulan ng lagaslas at namalaybay sa batis paakyat papuntang hulo, malalaki ang mga batong kanilang tinatalun-talunan nang tumambad sa kanilang paningin ang napakagandang talon. Matarik ang bangin sa kanang bahagi ng talon na may palamuting iba-t ibang kulay ng bato na ang nagkulay ay kalikasan. Naingganyong maligo ang dalawang magkasintahan sa tumatalong tubig sa talon, sumisisid sila sa isang ipunang animo’y balong napakalinaw ng bumubulang tubig. May bumubundol sa kanilang isdang doon ay naglalanguyan. Nagilaplap nila ang naglalarong mga isda. Isang makapigil hiningang pagsisid ang ginawa ng binata sa ilalim ng malinaw na tubig upang aninawin ang mga nagluluggang isda. Una ang ulong pumaibabaw sa tubig ng batis ang binata at namangha ang paningin nang makita niya ang kulay ng bato sa tagiliran ng matarik na bangin, mga ipot ng ibon at hindi basta ibon malaki ang bulto ng ipot na nakita niya sa pangkaraniwang ibon. Napasigaw ang binata: Dito ang pamugaran at himpilan ng dalawang ibong Tabon, Balitangan! Sabay na umahon ng batis at talon ang magkasintahang walang puknat ang pagtingala sa kinakukulapulang bato na may ipot ng Tabon.

Nagluksa ang Papawirin

Magkasunod na umingkat ang dalawa sa gawing kanan ng matarik na bangin, inakyat ang balugbog ng bangin. Ingat ka Balitangan, madulas ang batuhan isang bisala’y mahuhulog tayo. Diyan ka lang sa kinatutuntungan mo at aalamin ko kung may itlog o inakay ang kanilang pugad. Paalaala ng binata. Nangunyapit ang binata sa nag-usling matatalas na bato at ugat ng mga punong kahoy na tumubo sa mga singit at siwang ng bato. Hindi niya namalayang kasunod niyang nangungunyapit ang kasintahang sumala ang pagtapak sa isang usling bato, napasigaw si Balitangan. Nilinga ni Majulpedanra ang pinagmulan ng sigaw at nakita niya ang kapangahasang pagsunod ng kasintahan. Huwag kang sumunod Balitangan, mapanganib! Muling nagulat ang dalaga at dumaplis na muli ang kaniyang paa sa pagtuntong sa bato. Sanhi upang bumitin siya sa hanging nakahawak sa isang ugat ng kahoy na tumubo sa singit ng batong natutungkab sa bigat niya. Babalikan siya ng binata upang isalba at alalayan sa tiyak na kamatayan. Huwag kang bibitaw kahit anong mangyari mahal ko…huwag kang bibitaw! “Hindi ko na kaya Majulpedanra, masakit ang palad ko. Hanggang tuluyang makabitiw ang dalaga at tuloy-tuloy na nahulog sa malalim na bangin. Napapikit ang binata sa biglaang pangyayari, apurahan ang lipot niya sa mga nag-usling batuhan at ugat ng kahoy upang daluhan sa ibaba ang nahulog na kasintahan. Puyos ang ngitngit sa dibdib ng binata nang pangkuin niya ang walang buhay na kasintahan, humagulhol nang ubod lakas ang binata. Katirikan ng araw nang matapos magbungkal ng lupang paglilibingan sa kaniyang minamahal na si Balitangan. Inihimlay niya ang labi ng kasintahan sa kapatagang bahagi ng matarik na bangin. Nagluluksa ang papawirin, maitim ang ulap na gustong magbuhos ng luhang kinandong niya galing sa lawang animo’y bubog ng sapiro’t diyamante ang linaw ng tubig. Hilam sa luha ang binatang walang tigil ang pagpatak ng luha sa kaniyang balintatawan.

Kamatayan ng Dalawang Tabon

Ilang oras lamang ang inilaang pagluluksa ni Majulpedanra sa kinalibingan ni Balitangan. Nasa gawing tainga niya ang araw nang maalaala niya ang sanhi ng kamatayan ng kaniyang kasintahan, ang dalawang ibong Tabon. Kailangan niya ang dalawang ibong Tabon ihahandog niya ito sa kaniyang sinta. Ipinangakong hindi siya uuwi sa kanilang punong himpilan hanggang hindi niya nahuhuli o napapatay ang dalawang ibon. Nagpasiyang umingkat na muli sa matarik na bangin ang binata upang paghandaan ang pagdating at paghapon ng dalawang ibon. Hinukay niya ng kampit ang malambot na bahagi ng lupa sa kapatagang bahagi ng hulo, lampas tao at kasya lamang ang kaniyang katawan sa ginawa niyang hukay na pagkukublihan. Nilagyan niya ng mga sangang may sariwang dahon ang pinakabutas ng hukay at hindi naalis sa kintal ng isipan ang sinabi ng amang regulong mahilig sa bulok na hayop ang ibong Tabon kaya kinuha sa kaniyang kanyuto ang nalimutan at nangangamoy na binusog na labuyo sa may lungki ng mag-asawang bato. Ipapain niya sa ibon ang namamahong labuyo. Makatutulong ang alingasaw ng labuyo upang lumapit sa kinalalagyan niya ang pakay na ibon. Hindi matagal na oras ang ginasta niya upang hintayin ang mga ibon, naririnig niya ang kakakan nito sa ibabaw ng mag-asawang bato. Ngalot ang bagang inihanda ang kaniyang busog at siit. Malapit na ang dalawang ibong Tabon nasa itaas ng matarik na bangin, ayaw humapon sa pugad dahil sa naaamoy ang umaalingasaw na labuyo sa tabi ng kanilang pamugaran. Pamaya-maya’y panabay bumulusok sa kinalalagyan ng paing labuyo. Walang sinayang na sandali ang binata sa hukay, pinawalan ang unang siit na nasapol sa dibdib ang isang Tabon, animo’y borador na nawalan ng giyang bumagsak sa tagilirang b
ahagi ng matarik na bangin. Nag-iba nang landas ang pangalawang ibon, ilang saglit pa’y bumalik upang alamin ang kinasapitan ng kasamang ibon, gumawi sa kinalalagyang hukay ni Majulpedanra at pabulusok muling bumaba ang lipad patungo sa nabubulok na labuyo.Pinawalang muli ng binata ang pangalawang siit sa natitirang ibon at nahagip ito sa gitna ng leeg,bumagal ang kampay ng pakpak nito. Alam ng binatang nasapol niya ang pangalawang ibong Tabon. Hanggang nakita niyang bumulusok ang huling ibon sa dako ng unang lungki ng munting dunggot. Umahon sa hukay ang binata at mabilis na tumugpa papunta sa kinabagsakan ng pangalawang ibon. Nakahandusay ang unang ibon sa malapit na pinaglibingan ni Balitangan at nang lusungin niya ang dinadaluyan ng mainit na tubig sa may unang lungki ng munting dunggot ay nangingisay pa ang pangalawang ibong Tabon.Pinagsama niya ang dalawang ibong Tabon at tinungo ang himlayan ni Balitangan. Habang walang tigil ang simoy ng malakas na habagat buhat sa kaparangan ng lawa ay ini-alay ni Majulpedanra ang napatay niyang dalawang ibon ng Tabon sa kaniyang pinakamamahal na si Balitangan. Wakas.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: