Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 19, 2008

Ang Awiting Waterliling Nanggaling Sa Lumbang

Waterlili Sa Lumbang

Waterliling nanggaling sa Lumbang
Sa gitna ng lawa ay lulutang-lutang.
Ito’y hatid ng hanging amihan—
Agad ipapadpad sa Kalambang bayan.

Waterliling sagana sa ganda,
Pinagkakatuwaan nang maraming dalaga;
Kapag ito’y natuyo at malanta
Agad ihahagis sa tabing karsada

Gulatin! Gulatin!
Tutubing karayom
Dumapo sa bumbon,
Tinuka ng hipon;
Dumapo sa kawayan
Tinuka ng bayakan.
Tutubing karayom
Kaawa-awa naman.

Ang awiting bayan o Talindaw na ito ay inaawit sa mga kasayahang ginaganap sa palibot ng lawa ng Laguna noong dekada 30 sa mga lamayan, pag may inuman sa pista, kasalan, at kung minsan ay pampasaya sa isang harana. Nagpasalin-salin sa mga inapo ng mga taga lawa partikular sa pulo ng Talim hanggang sa pangilan-ngilan na lamang ang naka-aalam na kantahin ito. Isinalaysay sa akin ng nagbigay ng awiting ito na ito’y itinuro sa kaniya ng kaniyang amba at itinuro sa kaniyang amba ng amba nito.

Ang kuwengka ng bayang Lumbang ang pinakamalaking lambakin sa buong lawa ng Laguna o iyong sinasabing malalangoy mo ang dalawang dunggot o dulo ng tangos na hindi mababasa ang iyong buhok ngunit kapag nanagwan ka upang ligiran at lakbayin ang kabuuan ng lungki o lambak nito ay aabutin ka ng tirik ng araw.

Inilalarawan ng awiting ito ang isang lugar na pinagmulan ng waterliling lulutang-lutang sa gitna ng dagat at itinataboy o ipinapadpad ng hanging amihan papunta sa Kalambang bayan. Mahihinuhang ang lulumbanging lili’y umalis sa lungki ng Lumbang upang maglayag sa gitna ng dagat. Ito ang pagbabago ng hangin sa lawa ng Laguna na sa panahong tag-habagat ay naiipon nang matagal ang mga waterlili sa kuwengwa ng Lumban na napakahalaga sa bawat mamamalakaya ng isda dahil dito namamagaspas ang halos lahat ng isdang naninigil sa lawa ng Laguna.

Kaya sa pagdating ng panahong tag-amihan at ibinubuyog nitong palayo o palaot ang waterliling dito na lumago at nagsupang na ang aalisang lungki ang nagiging kadluan ng biyaya ng mga mangingisdang naninirahan sa baybaying lawa. Dito nagtatasak ng baklad na kawayan o iyong sinasabing danlay na kawayan ang pinakalambat na hinahayuma at binibitlingan ng panaling yunot.. Dito nag-uumang ng bumbon ang isang maghahalong o iyong kung tawagi’y mananalap ng dulong at ng hipon, dito inu-umangan ng kitang ang dalag, hito, kanduli at karpa, dito pinapante ang ayungin, talilong, kambuo, at dito sinisikit ang biya. Ito ang sinasabing panahon ng tag-igi na ang makukuhang biyayang iniwan ng waterliling Lumbang ay nakapagpapahilab sa bawat kabuhayan ng mga magdaragat na maghapo’t magdamag na kumikilos upang humango sa tarupit na nilisan ng waterliling Lumbang. Nakapagpupundar sila ng mga lunday at kung minsan ay nakapagpapatayo ng isang kaigihang bahay.

Malalaminang sagana sa ganda ang nasabing waterlili dahil ito’y pinagkakatuwaan nang maraming dalaga na kapag ito’y natuyo at nalanta ay karakang ihahagis na lamang nila sa karsada o sa tabing aplaya. Minsan kasi’y ginagawang liwasang palaruan ang malalaking lulumbanging lili, ibinubunton ito nang mataas na may sampung dipa ang luwang at lapad na kung tawagi’y binalsang lili. Ito ay natutuyo sa init ng araw na kung iisang linggo ay ipinupugal sa tabing aplaya at ginagawang palaruan ng mga bata o maging ng mga dalaga at binata. Napakasayang pinagsama ang lili at dalagang taga lawa nang lumikha ng awit nang gulatin ng persona ang kaawa-awang Tutubing Karayom na nang dumapo sa bumbon ay tinuka ng hipon at nang lumipat at dumapo sa kawayan ay tinuka naman ng bayakan.

Napakasayang awitin ng waterliling nanggaling sa Lumbang partikular sa pulo ng Talim, mangilan-ngilan na lamang ang naka-aalam ng kantahing ito kaya minabuti kong imisin at atikhain ang titik at orihinal na tono nito sa isang basal at antigong haranista sa pulo ng Talim. Sa ngayon, ang awiting ito ay inaawit pa ng tatlong tao. Na ang ipinagtataka ko’y kapag naka-inom lamang sila ng mga “stainless” (tawag sa gin) na alak nila ito inaawit. Sina G. Ernesto “Castong” U. Capili, ng nayon ng Tabon, Malamig, Porciso “Porsing” Certeza ng sityo Banaba sa nayon ng Rayap at Eling Gondraneos sa nayon ng Rayap na lamang sa pulo ng Talim ang nakabubuo at nakatatapos umawit ng Waterliling Nanggaling Sa Lumbang. Kay G. Eling Gondraneos ko nakuha ang titik at himig ng awiting ito sa pamamagitan ng isang boteng “stainless.”


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: