Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 15, 2008

Dunggot

Sa bisa ng Ehekutibong Atas Bilang 43 noong Hunyo 24, 1913 ang kalupaang higit-kumulang sa 728,110.32 metro kuwadrado na kabuuan ng pulo ng Talim na nasa pinakapusod ng lawa ng Laguna ay naitalang: Ang pinakadunggot o pinakatangos o dulo sa dakong amihanan ang ginawang Reserbadong Lugar para gawing “Imbakan ng Pulbura” o “Polvorin Insular.” Naging palatandaan sa dunggot ang isang sementadong lumang puntod na dati’y naging hagdanan ng isang itinayong bodega kung saan naka-imbak ang mga mapanganib na pulbura.

Ang dunggot ang pinakatulis ng hugis balaraw na pulo o ang Talim na sakop ng barangay Habagatan sa parte ng Binangonan. (Nahahati sa bayang Binangonan at Cardona ang pulo ng Talim.) At dito rin sinabing lumilibid ang pangkating Intsik na pinamunuan ni Limahong kapag namimirata ng maglalayag sa lawa na ang kanlungang himpilan nila ay ang kuweba ng Matalinting at ang Malapad na Batong may kurus sa tangos ng nayong Binitagan noong 1639 Chinese Rebellion. Dito rin nagbuhat paglisan ang “huling mga hukbo” ni Heneral Yamashita sa pulo ng Talim na umatras nang matalo at sumuko ang mga hapones sa labanan noong ikalawang digmaang pandaigdig.

Dito rin sa palibot ng dunggot nag-uumang ng palakayang pante ang mga mamamalakaya at umiiskala tuwing madaling araw na naglalagalag ang hamog patungo sa mga dahon ng naglangkawas na halaman noong kasagsagan ang pagdamba ng kahirapan sa mga taga pulo ng Talim. Nagiging kubling kusina rin ang mga punong balakbak at malalaking batong buhay at ginagawang tulugan ang sementadong “lumang puntod” na kilala bilang kanlungan ng mamamalakaya.

At nitong mga unang buwan ng 1993 ay isang pangkat ng “sundalo” ang bumaba sa pantalan ng nayong Tabon Malamig upang magpahinga at magpalipas ng gabi sa palaruang nayon at sama-samang nagmartsa ng madaling araw buhat sa nayon ng Tabon Malamig patungo sa dunggot ng Talim sa pamumuno ng isang retiradong koronel at umalis din makalipas ang apatnapung oras na operasyong lihim sakay ng isang arkiladong pampasaherohang bangka buhat Calamba Laguna.

Taong 2002 nang magsulat ako sa pahayagan ng Rizal na Manila East Watch at sa pagkuha ko ng mga balitang pangkultura sa aking kinalakihang lugar, (ang pulo ng Talim)dito ko natalisod ang balitang ang tulugan ng mga mamamalakaya sa dunggot at nagsilbing hagdan ng isang lumang bodega ang tinungkab at binaklas sa tabinragat ng dunggot ng nasabing pangkat ng “nagmartsang sundalo” sa pamumuno ng isang retiradong koronel na minsa’y nakasama ko sa isang operasyon sa bundok ng Tanay sa utos na bawiin ang isang makinang panghukay ng lupa na inari ng dating katiwala ng isang “treasure hunter” at sikat na Amerikanong may balat sa mukha. Sakay kami ng aking punong patnugot sa isang bangkang may pagukpok na makina kasama ang isang nabataris na kumpare’y tinungo namin ang labi ng nasabing tungkab at baklas na puntod at nang marating namin mismo ang lugar na siyang pinagsadsaran ng aming sinakyang bangka ay tumambad sa amin ang sariwang bakas ng manilaw-nilaw pang pinagkuhaan ng kung anong kalansay sa baklas na puntod. Hindi maarok ng isip ko ang lalim ng aking pagtataka at panghihinayang. Dahil ako noon ay isa din sa naging panauhin ng lumang puntod bilang nakikitulog sa ibabaw nito tuwing nakapag-uumang na kami ng pamalakaya sa laot ng dunggot ng aking ama o ni lelong.

Kahit nasa kabayanan na ang pamamalikwas ng buhay ko’y hindi ko nalilimutan ang bawat pagdanggil ng gunita sa naging buhay naming namamalakaya sa palibot ng dunggot. Dito ko rin unang pinanday ang aking paraw-parawang lulumbanging lili. Dito ako nakahuli sa pamamagitan ng kamay o pangangapa ng pinakamalapad na sigurong ayunging nakita ko sa lawak ng lawa. At dito ko rin nakita ang palatandaan ni ama sa himpapawid na “itim na karayom” na sa bawat paglitaw nito sa bubong ng bundok Sinukuan ay ura-uradang humahagok ang paggaod namin papagilid dahil alam ni amang may sigwadang kabuntot ang “itim na karayom.”

Taong 1992 nang arkilahin ng isang umalis sa serbisyong pulis sa UP na si Nel ang aking owner type jeep sa halagang 350.00 piso isang araw para sa “operasyon hukay” ng isang sikat na sikat na treasure hunter na si Balat na naging malaking bahagi sa aking pagpapa-aral ng kursong Midwifery sa pangalawa kong anak ang upa. At kung minsa’y pinakikiusapan ako ni Nel na magmaneho at maging body-body tuwing sabado’t linggo ng Amerikanong treasure hunter na may balat sa mukha na nangungupahan sa Dasmarinas Village sa Makati. Sa pinakapuno ng bundok ng bayang Calamba ang lagi naming sinasadya ni Balat dahilan na rin sa isang project doon ng paghuhukay. May pinupuntahan kaming isang matandang tao na kung tawagin ng aking pasaherong si Balat ay “pointer” sa barangay ng Letcheria sa Calamba na ang bulong sa akin ni Nel ay iyon daw ang naiwang anak ni Yamashita na pinagtiwalaang magtago ng mga mapa ng ini-ataul na nakaw na kayamanan ng ama sa sinakop na Asya. Isang pelus na mapa lagi ang ipinakikita ng “pointer” kay Balat at tuwing magpapa-alam kami ay ipinahahabol laging: “Don’t forget Sir!”

Isang araw ng sabado, matapos kong igarahe ang aming sinakyang kotse ni Balat galing sa Calamba ay nakita kong dumating si Nel kasama si Ted at ako’y binilinang may operasyon daw kaming gagawin sa Rizal. Umalis kami ng Dasmarinas Village ng ika-lima ng hapon patungong kamposanto ng Taguig, doon ko rin nalamang may isang project na hinuhukay na napalilibutan ng sawali ang kabuuan ng isang pabilog na kamposantong may naka-ukit sa bawat lapida na inilibing nang matagal-tagal na ring panahon. At sinasabing doon daw nailibing ang mga paring naglingkod sa mga malalaking simbahan sa Rizal. (Nakita ko pa sa labas ng kamposanto ang libingan ng isang dating matikas na alkalde ng Taguig na si G. Monico Tanyag.) Malaki ang butas na binabalungan ng tubig na sinisipsip naman ng dalawang submersible pump 24 na oras. Nasa 70 piye na raw ang lalim ng hukay at naroon din ang dalawang dalubhasa sa lupang taga UP na pinapunta ng dating pangulo ng UP na kasosyo (daw) ng treasure hunter na si Balat at isang kung tawagin ay koronel na katukayo ko ang pangalan.

Ipinakilala kami ni Ted kay koronel Raul at ang huli kong narinig ay: Pakikinabangan ba ang mga bata mo Nel? Isang ngiti lamang ang isinagot ni Nel. Umalis kami ng alas siete ng gabi at nagtuloy kami sa isang barangay Bigaa, Angono, Rizal, dalawang sasakyan na kami, sakay ng isang kotse si koronel Raul kasama ang isa pa ring nagsa-sideline na pulis UP na si Dedo at isang lalaking may sukbit na iskuwala sa bewang, kami namang tatlo nina Nel, Ted (isa ring pulis UP na natanggal sa serbisyo) at ako. Nagulat ako nang aranyahan ako sa palad ni Nel ng isang iskuwala matapos kaming kumain at nagtiga-tigatlong beer sa Balaw-balaw Restaurant sa Angono. Ipinahabol pang may “baby” doon sa likod ng kotse, natutulog lang daw at gisingin ko kung kailangan.

Habang binabagtas namin ang hiway ng Angono ay ipinagbilin ni Nel sa akin na pag sinabi niyang “arya” ay I-arya ko ang ibinigay niyang iskuwala, “Kukunin natin si Indigo sa Tayuman.” Hindi na ako umimik dahil naibida na sa akin ni Nel ang istorya ni Indigo.
Nang makarating kami sa isang gasolinahan ay ikinaliwa ni Nel ang kotse namin patungo sa isang bahay na may kaliitan at bagong yari, naiwan sa kaminong hari sina koronel tukayo. Tinadyakan ni Nel ang isang pintuang yari sa manipis na plywood, nagulat si Indigo nang magising siyang dalawang mata ng iskuwala ang nakatitig sa kanila ng isa niyang kasamang lalake. “Tara! Kukunin natin ang panghukay ng lupa sa Tanay, sumama ka!” Alam kong takot na takot si Indigo at kasama niya.Bihag namin si Indigong sinaklayan ni Ted ng pulseras sa dalawang kamay patalikod sa hulihan ng kotse. Nang makita ni koronel tukayong kasama na namin si Indigo sa kotse ay umalis na ito pabalik pa Maynila, naiwan si Dedo at pinasakay sa amin.

Hatinggabi nang marating namin ang isang poultry sa itaas ng bayang Tanay, kinalampag ni Nel ang mataas na gate at bumukas ang isang maliit na pinto. Nagsilipan ang dalawa nina Nel at tao sa loob, may mahalagang sinabi si Nel at agad binuksan ang maliit na pinto. Isang malaking trak na may akibat na panghukay ng lupa at iba pang mahahalagang gamit sa paghuhukay. May ipinakitang mga papel si Nel sa nagbukas at sinabing babalik kami pagsikat ng araw. Ipinakita rin ni Nel si Indigo sa nagbukas ng pintuan na nakapulseras sa loob ng kotse. Nagpaumaga kami sa daan. Mga bandang alas otso kami bumaba sa bayan at nagtungo kami sa himpilan ng pulisya ng Tanay. Inabutan naming naroon na si koronel tukayo kausap ang hepe ng pulisya ng Tanay.

Kausap ni koronel si Indigo kaharap ang hepe ng pulisya ng Tanay at hinahanapan nila ng papeles si Indigo kung kaniya ang nasabing panghukay ng lupa at ibang gamit na narekober namin sa poultry na laging iginigiit na kaniya daw ang mga equipment. Hanggang sa may tatlong dumating at nagpakilalang mga NBI na kaibigan ni Indigo at inaalam kung anong kasong kinakaharap ni Indigo. Nagkusang umalis ang tatlo nang malaman ang lahat. Walang maipakitang dokumento si Indigo kaya naiwan siya sa himpilan at kasama naming umakyat sa poultry ang dalawang pulis na pinasama ng hepe ng pulisya ng Tanay at iniuwi namin ang mga gamit sa tulong isang bihasang nagmaneho ng trak na inupahan ni Nel nang makapal-kapal na pera. Sa isang malaking warehouse sa Libis lungsod Quezon namin ibinalandra at isinoga ang trak at ibang gamit.

Lumipas ang mga isang buwan, isinama ako ni Nel sa bahay ni koronel tukayo at naghuntahan kami ng kung ano-ano kasama na ang bidahan sa pagkarekober ng gamit panghukay sa poultry sa Tanay, ang mahahayap na titigan ng tatlong NBI at ang paghila ko sa isang “baby” na natutulog lamang sa likuran ng aming kotse. Naka tig-isa yata kaming Johnny Walker ay hindi ako malasing-lasing sa isang biro o makatotohanang salita sa akin ni koronel tukayo. Kung kaya ko raw bang sisirin ang kayamanang nahulog sa may pulo ng Talim na noong umalis ang mga sundalong hapones sa pulo at sumakay sa isang gibara ay nalubog ito kasama ang kayamanang naka-ataul. Napa-Wow ako. Hanggang sa lumaon at naisauli na sa akin ang inarkila kong jeep ay hindi na kami nagkita pa ni koronel tukayo.Hanggang matalisod ko ang balita at malaman na lamang na mga tauhan pala niya ang nagmartsang isang pangkat ng “sundalo” papuntang dunggot at tinungkab at binaklas ang isang lumang puntod sa dulo ng Talim at kinuha ang nakabaong kalansay.

Sa ngayon, nalaman kong nasa ibang bansa na si koronel tukayo kasama ang pamilya at si Dedo ay retirado na sa UP, si Ted ay isang coordinator ngayon ng isang Diputada sa QC at si Nel ay hindi na makalakad dahil na-stroke.Mayo 16, 2008 raul funilas.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: