Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 14, 2008

Mausiw (Isang Lungki sa pulo ng Talim)

Isang munting lungking saginsin ang usiw*,
Sa gitna ay batis naggapang ang baging;
Ang dalampasiga’y makapal ang tikiw
Na pinamugaran ng tikli’t kingfisher.
Gulod ang katabing bato ay palanas,
Lumot at ang sintas sa tubig nagkalat;
Ulok at labuyo dito tumatangad
Ng tubig na bukal sa aplayang bungad.
Gurami’t ayungin, talilong at biya,
Karpa at kanduling lipana’t saganang
Ipinapang-ulam naming mga bata;
Ito ang kuwengkang bukod pinagpala’t
Tunay na biyaya sa pulo ng Talim,
O, sana, kayo man, dito’y makarating.

*maliliit na kawayan

Bagaman wala nang damong usiw dito, hayaang lumagos ang sanaysay kong ito bilang alaala ng aking kamusmusan.

Ang kuwengka ng Mausiw ay nasa pagitan ng nayon ng Tabon Malamig (taga rito ang may akda) at nayong Habagatan sa pulong Talim. Sa gawing kaliwang dunggot nito matatagpuan ang kuweba ng Matalinting na haka’y dito hinalaw ni Rizal ang isang yungib na pinanigilan ni Donya Geronima sa kaniyang akdang El Filibusterismo.

May isang malaking puno ng akasya ditong halos tatlong tao ang nagyayakap bago masakol ang kabilugan kaya napakalamig ng pakiramdam ma tag-araw o tag-ulan.
Masasalapsap ng kamay ang mga sari-saring isda sa dalampasigan at ang mga halamang gumagapang na prutas ay namamalaybay sa aplaya at giliran ng batis.

Dito ang pondohan ng mamalakaya sa laot tuwing umuunos at dito tumutugpa ang magkakaingin at magtutuod sa bundok, dito rin ang tugpahan ng nangangareta at namamaragos. Bago magtakipsilim ay dito bumababa ang mga hayop sa gubat upang tumangad ng kanilang inumin. Nakagugulat ang dalampasigan nito dahil bubuglawin ang dalawa mong mata ng sari-saring ibong namumugad sa tikiwan at lilihang pirmihang nakahimpil dito. Isang puno ng putat ang nasa gawing kanan (gawing Tabon Malamig) ang ubod ng tayog na pinamumugaran ng lawin-sunsong at ng bakaw-pulo na sa maliliit na sanga’y may matulis na pugad ng pipit-puso.

Ang ilalim ng nakahimpil na lilihan at tikiwan ay pinamamagaspasan ng mga isda at dito sila nagluluwal ng mga kiti. Sa dakong ibayo ay tan-aw na tan-aw ang mga bayan ng Cabuyao, Sta Rosa, at Binyang sa Laguna at sa dakong malayo ay banaag ang bundok Sungay ng Tagaytay at ang bayang Laurel ng Batangas.

Maraming lihim sa lungking ito na pawang mga alatiit at lawiswis ng usiw at daloy ng tubig sa batis ang mga piping nakasaksi.


Responses

  1. bagamat ako ay taga isla,hinde ko narating ang mausiw.maganda siguro ang lugar sigon na rin sa paglalarawan ni tata.parang may kulang,dahil hinde ko man lang narating ang ibang lugar ng isla.

    binusog na rin ng magandang paglalarawan ni tata ang kalooban ko.-serge 51

  2. isang karangalang madalaw mo ang blog ko Sergio. thanks Tata Raul


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: