Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 8, 2008

Doon Po Sa Amin (Isla de Talim, Laguna de Bay)

Nagngalit ang bulkan at biglang pumutok
Sa bundok Durungaw na napakatayog.
Naukang kaldera ang buong paligid—
Subalit naiwan sa gitna ay tumpok
Ng lupang kawangis ay punyal-panusok.

Lumao’y nagsanaw napuno ng tubig,
Nalilok ang pulong hugis at kahawig
Ay isang dalagang ang buhok ay lugay;
Nakahiga’t tampok ang kumbo ng dibdib
At ang minamasid ay ang himpapawid.

Naglungti ang bundok dalisdis at parang,
Sari-saring ibon ang sumasalimbay;
May labit ang paang dinagit na isdang
Nahulog ang itlog. Napisa’t lumuwal
Sa kalmanteng lawa’t pumusag, umigpaw.

May taong natuksong maglayag sa lawa,
Upang mangatarol ang laksang biyaya;
Hanggang sa manigil sa kuwengka’t lungki.
Agad na gumawa ng sasakyang bangka’t
Palakayang kitang. (Pang-umang sa isda.)

Bulunga’y kumalat may umid na ngiti,
At nangahikayat dito mamalagi
Sa pulong kaygandang animo ay nunal
Sa pusod ng lawang bukod itinangi’t
Tila gintong alay sa namalsang lipi.

Padambang nanagwa’t sumisid sa lalim
Ng tubig. Namansing ng usal dalanging:
Nawa ay magtagal ang biyayang hasik
Sa buong palibot sa isla de Talim;
Kalakip ay ngising animo’y may lihim.

Hanggang sa umulan lawa ay tumangis,
Nang tao’y dumagsa sa wawang kadatig.
Inakyat ang gubat ng ungas-palangas,
Pinulak ang punong ugat ay namitig
Bumaha’t yumakap ang banlik sa tubig.

Wala na… wala na… wala nang masalap,
Wala nang masuro litong mananakag;
Wala nang kumibit sa paing bulate
Naming manggagalay at nangamimiwas,
Sa dunggot at lambak nagkalat ay linab.

May nakipamuhay na pantas, sinabing
Sila’ng sasaliksik kung anong mabuti
Sa lawang hininga’y tila humuhuldo
Ang pintig ng pusod. Wala ring nangyari
Sa dilang bulaang daang estudyante.

Kaming taga pulo’y tila minumulto,
Laging natatakot yaring pagkatao;
Kung anong darating sa lawang naaba.
Hindi makahambog, walang maik’wento
Sa piladong anak at libo kong apo.

Hiling ko’y hugasan ang kamay at paa
Sa tubigang kandong ay yutang parusa.
Upang kasalana’y tuluyang magamot
Ang sugat na dulot nating taga isla’t
Piliting isalba ang lupog na hinga.

Kutong-Buwaya
Matalinting Cave
Isla de Talim
Laguna de Bay
Mayo 5, 2008


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: