Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 8, 2008

Dating Paraiso ang Isla de Talim at Laguna de Bay

Ang hunta sa akin ni lelong ay naghunta sa kaniya ang kaniyang lelong ng hunta ng lelong at kalelongan nila. Noon daw ay may bundok na napakatayog na ang pangalan ay Durungaw. Nang paputukin ng mga bathalang nagbabantay upang itago ang isang napakalaking gintong sawa ay nakalilok ng isang paraisong walang kaparis ang ganda. Ito ngayon ang isla de Talim na animo’y nunal sa pusod ng Laguna de Bay at nakatalang patay na at isang napakalaking basurahan sa buong Pilipinas.

May mag-asawang bantay sa bundok na ubod ng bait ang asawang lalake na pinangalan ni lelong na Tangulyan at ang asawa ay si Damilya na ubod naman ng panibughuin.Kahit daw sa mga ibon at hayop gubat ay nangingimbulo si Damilya, maging sa mga alapaap at ulan na yumayakap sa bundok ay nagseselos ang asawa ni Tangulyan. At ang mas higit na pinaninibughuan ni Damilya ay ang isang gintong sawang nasa taluktok ng bundok na laging pinupuntahan ng kaniyang asawa.Hanggang ipasiya ni Tangulyan na kausapin ang bundok Durungaw at pinakiusapang alisin sa tuktok ng bundok ang gintong sawa na pinagseselosan ng kaniyang asawa at ipinagagawa niya ay isang paraisong ihahandog niya sa asawang napakapanibughuin.

Sumagot ang mga di nakikitang nilalang sa bundok Durungaw at sinabihan siyang lisanin ang kanilang pook na kinalalagyan makalipas ang limampung kabilugan ng buwan at pinalalakad sila ng limampung tag-araw at pinababalik lamang kung masumpungan nila ang isandaang tag-ulan. Tinandaan ni Tangulyan ang itinagubilin ng hindi nakikitang tinig at nang sabihin niya ito sa kaniyang asawang si Damilya ay hindi siya pinaniwalaan, sa halip ay pinagselosan nito ang sinasabing mahiwagang tinig.

Nang lumipas ang limampung kabilugan ng buwan ay naghanda pag-alis upang sundin ang tagubilin ng mahiwagang tinig subalit mahimbing na natutulog ang kaniyang asawa sa loob ng kanilang taklab na pahingahan, kahit anong gawin niyang gising dito ay walang nangyari. Huli na ang lahat nang makita ni Tangulyan ang isang balaraw na kimis ng palad ni Damilya nagpakamatay ito dahil sa pagkapanibughuin. Lumilitaw ang bilog na bilog na buwan nang sapitin ni Tangulyan ang kaitaas-itaasan ng bundok Durungaw upang ilagak sa tabi ng gintong sawa ang malamig nitong bangkay at tuluyan na siyang pumadalisdis patugpa sa kaparangan at itinuloy ang tagubilin ng mahiwagang tinig na lisanin niya ang pook na gusto niyang gawing isang paraisong ihahandog niya sa kaniyang asawang mapanibughuing sumakabilang buhay.

Bawat tag-ulang dumaratal ay binibilang ni Tangulyan hanggang sumapit ang ika-isandaang tag-ulan. Nang balikan niya ang kanilang dating lugar ay isang napakagandang lawa na animo’y paraiso ang bumuglaw sa kaniya na may napakalinaw na tubig at punompuno ng dalawampu’t tatlong klase ng isda, sa pinakapusod nito’y may isang animo’y nunal na hugis balaraw na ang pinakatampok sa matayog na bundok ay isang hugis babaing nakahiga at lugay ang mahabang buhok.

Namuhay nang matagal si Tangulyan sa lawang may maraming isda at naglipanang hayop sa bundok. Tuwing umagang sumisikat ang araw ay hindi niya naliligtaang umahon sa pinakataluktok ng bundok upang alayan ng mga pinitas na bulaklak ang ipinagawa niyang paraiso hanggang isang araw ay hindi na siya umalis sa tuktok ng matayog na hugis balaraw na pulo at ipinasiyang doon na niya higitin ang huling hininga ng kaniyang buhay kapiling ang alam niyang asawang mapanibughuing si Damilya na siyang nakahiga sa ginawang paraiso ang isla de Talim. Naiwan niya ang isang lawa at isang pulong kinalugdan nang lahat na makatanaw at nakapaglayag dito. May haka pang may nakabaon daw ginto dito kaya naman ito dinayo at pinagpilitang hukayin ng mga gahaman ang kailaliman ng lupa ng Isla de Talim. Mayo 9, 2008


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: