Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 28, 2008

Dalawang Soneto Sa Mga Pastol Ng Tula at Kapit-bisig kay Axel Pinpin

Soneto I
Bato-bato po sa langit
Ang tamaa’y h’wag magalit.
Kung kaya ikaw’y makinig
At tunghayan itong awit.
Isang araw ay nagpunta
Ka sa isang klinika
At nagbukas ng pahina,
Walang nakita ang mata
Kundi ang akda ng diyos.
Ang dudulas ng taludtod,
Yaong tugma’y maindayog;
At ang sukat ay di kapos.
Tiningala mo ba’ng diyos
O nais mo ring maghambog?

Soneto II
Kumpulang nagtipon ang pastol ng diyos,
Ang kunwaring layo’y sumambang malugod-
Walang paki-alam kung anumang handog
Ang maidudulot ng kasamang lipos

Na nangagdalisay ng tanaga’t dalit.
Nahan ka O pastol kapag nasa bukid
Itong punong pastol nagtiis nang sakit
Rumurok ang nais at pumasalangit?

Ilang pagsosogang lagi kayong wala?
O nag-aantabay diyos ang magwikang:
Ako ang sundin n’yo! Ako ang bathala!
(Lugmok katamlayan ang pastol-makata.)

Manamba nang labis sa diyus-diyusan,
Ang pinagpastula’y natitigang parang.

Kapit-bisig
(Kay Axel Pinpin)

Taon ang lumipas sa yakap mong rehas,
Na nag-alimagmag sa matang kukurap-
Kurap; kung kailan ka Igan lalabas
Sa moog ng karsel katawa’y nasadlak.

Alalahanin mo, walang kabitenyong
Sumuko sa labang basagan ng ulo!
Di ba’t may ninunong huwara’t ehemplong
Isang Tomas Pinping dakila mong lolo?

Kahit ilang taon ang iyong gugulin,
Kahit na magtaklob itong takipsilim;
Huwag kang bibitiw sa prinsipyong angkin
Dahil malapit na ang paglayang hiling.

Kung ang kapit-bisig ay di makakalas,
Iyan na ang hudyat ng sidhing pangarap.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: