Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 21, 2008

2 Tula ni Tata

1. Huling Hakbang

Sibsib ang gabi nang dalawin ng isang estranghero
Ang batang lipos niyang kinagiliwan kamakailan,
Nais niyang makita at maka-usap ang batang bibo
At maibulong ang kahalagahan ng huling hakbang.

Kapuwa puspos na ngiti ang nanilay sa labing bubot
At namimitak na labing tinatabingan ng balahibong
Pinahaba sa pagmamanhik manaog sa bundok,
Isang mahinang bulong ang pinawalan ng dayo:
“Lagi mong tatandaang bawat tao’y humahakbang,
Ihakbang mo ang kaliwa mong paa kung sa Timog
Nais dalahin ang pag-iisa at kung ang paang kana’y
Ginagatungan upang Kanluran ang gustong matalisod.

Kaiingat ka sa iyong gagawing pamimili paghakbang.
Ikaw ang nakababatid kung saan mo gustong pumunta,
Talusin mong makakapiling ang mabuti sa iyong paroroonan
At umasa kang sa bawat huling hakbang, may pigil na hinga.”

17 Abril 2008
Sa Dampa ni Tata

2.Ako Ang Magsusubo Ng Kanin Sa Aking Mga Anak
(Sa Elihiya ng isang Rebelde ni Rio Alma)

Nababatid ba nila ang laman ng bungo mo sa umagang yaon?
At natatalos ba ng nagdapang anino sa talahiban ang isinisipol
Ng utak mo noon?
Gayong ang kaba’y nagpadugo sa labi ng babaeng nakapanungaw
Sa naglalarong anak.

Ginawaran niya ng halik sa noo ang natutulog na anak
Habang nakatuon ang mata ng minamahal niyang kabiyak.

Biniyak na tanggunggo ang sisidlan ng baon niyang bahaw
Isang umagang patugpa siya sa bukid na kaniyang nililinang
Habang sakay sa likuran ng lagas ang balahibong anuwang.
Ang tudla ng araw ay nanunungaw sa dawagang kanluran,
Sa gawing bundok ay may dumadausdos na mga Manlalakbay.
Ay, kapuwa niya magsasakang ginustong sa bundok mamuhay.

Ay, anak ng lupa! Di man nag-usisa ang punglo…

Kaagaw niya ang apanas at samuki sa kaniyang baong kanin,
Habang maningas na nakamasid ang nagtatago at pawang lihim
Na nagmamatyag sa bawat kaniyang ikinikilos. Nang gulantangin
Siya ng umaatibangaw na putok ! Dumapa siya at lumubog sa pilapil.
Naamoy niya ang lupa at tuluyan siyang natulog nang mahimbing
Upang kinabukasan ay pamuling ang linang ay kaniyang buhayin.

Sa malayo’y tumatambuli para sa nawawalang bulo.
May imbudo ng alikabok na nililikha ang ipuipo.

Ay, maglulupa sa bayang nag-aani ng sandamukal na pawis at hirap,
Ayaw maniwalang ang kapuwa niya Pilipino ay naghihirap sa bigas.

Abril 17, 2008
UP-Diliman


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: