Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 2, 2008

The Platters Bobby Soul at Ako

Lumang karanasan pero di ko malimutan.

Ni sa panaginip ay hindi ko nakita ang naranasa’t naganap sa akin noong ika 16 ng Abril 2005. Isang pangyayaring dapat ay ikamangha at itala sa papel.

Bawat tao, may kani-kaniyang idolo tayong hinahangaan, sa pagsayaw, pag-awit at iba pang larangan sa arte at sining. Maliit pa akong bata ay iniidolo at hinahangaan ko na ang grupong mangaawit na The Platters na sa tuwing may okasyon sa aming munting nayon sa malayong isla ng Talim ay buntutang maririnig ang alingawngaw at indayog ng naggagandahang himig ng tinig nito.

Kahit sa karatig at kanugnog lugar noon ay palasak na maririnig sa mga may mga stereong nilululanan ng plakang bilog na 45 o kaya ay 78, iyon bang inilalagay sa turn table nito. Walang okasyon noon na hindi maaaring hindi marinig ang kantahin ng The Platters.

Kahit lumipas na ang mahabang taon ay maririnig at mapapanood sa mga himpilan ng radyo at telebisyon ang kanilang mga awit.

At nitong nakaraang buwan, nakita ko ang isa sa pundadores ng The Platters sa kuwadradong telebisyon set namin, panauhin sa Unang Hirit si Bobby Soul ang pinakamataginting ang boses sa grupong The Platters, narito sa Pilipinas si Bobby Soul na siyang lead Vocalist ng The Platters.

Isang umaga, Abril 15 2005 araw ng Biyernes naging panauhin ko ang artistang si Luis “Louie” Pagkalilawan at higit na kilala bilang artistang may screen name na Orestes Ojeda. Ginagawa ko kasi o nirerestore ang kaniyang mga nasirang art works sa kanilang bahay sa Loyola Grand Villas Subdivision. Nagkainuman kaming tatlo nina PJ Alix, Louie at ako sa bahay namin, sinabihan niya akong iniimbitahan daw siya ng isang dating reporter sa diyaryong si Chito Alcid para manood ng live show performance ni Bobby Soul ng The Platters sa Jools Retaurant and Cabaret sa P. Burgos St. Makati City. Napag-usapan naming dadaan siya kinabukasan ng alas otso y medya ng gabi araw ng Sabado.

Kinabukasan, nagdaan siya ng umaga at kinuha ang ipinagawa niyang artworks at tatlong driftwoods na binili niya sa akin ng dalawang libong piso (P2,000.00) at tuloy inulit niya na alas otso y medya ang lakad namin kinagabihan. Naggawa muna ako ng isang sculpture na Ballet Dancer at kinahapunan ay maaga akong naligo at kumain. Hindi pa natutuyo ang buhok ko nang dumating si Orestes.

Saktong alas otso y medya nang dumating si Orestes Ojeda sa bahay. Binagtas namin ang kahabaan ng EDSA at ng nasa Makati na kami’y kumanan kami sa may Rockwell. Lumampas kami ng kaunti sa lugar at nakita kong sa may bandang kanan ang Jools Restaurant and Cabaret, pumarada kami sa tapat at sinalubong kami ng isang ayudante ng klab, kinuha ang susi kay Orestes at siya na ang nagparada ng sasakyan namin.

Pagpasok pa lamang namin ay sinalubong na kami ni Chito Alcid at nagbayad si Orestes ng anim na raang (Php600.00) piso para sa aming dalawa, nagkataong dumaan sa tabi namin si Bobby Soul na naka-long sleeve na t-shirt, ipinakilala kami ni Chito Alcid at tuloy nagpicture taking kaming tatlo nina Orestes at Bobby Soul.

Umupo kami sa counter ni Orestes, pinagkaguluhan si Orestes ng mga babae dahil artista at sabi nga noong isa ay makayakap man lamang daw siya ng artistang guwapo ay maligaya na siya. Umorder si Orestes ng dalawang (2 ) pale pilsen (tig Php200.00 ang isa) at nakipagharutan sa limang babae na nasa harapan namin.

Alas dies nang umpisahan ang show na si Bobby Soul mismo ang emcee, umawit ang isang babae at isang lalake bago pa magsimula ng show si Bobby Soul. Lumipat kami ni Orestes sa gawing unahan at pinaupo kami ni Chito Alcid sa mismong mesang inuupuan ni Bobby Soul. Nagkakuwentuhan kami ng pakonti-konting ingglis ni Bobby Soul at sinabi ko sa kaniyang mula pa ng ako’y bata ay paborito ko na sila ng grupo niyang The Platters, panay ang akbay niya sa amin ni Orestes at naibida pa niyang nahulog daw ang pitaka niya sa isang taksi noong minsang lumabas siya at hindi na naibalik sa kaniya ang pitaka niya at ang ibang mahahalagang visa cards at papeles.

Una niyang inawit ang Harbour Lights, sinundan ng Smoke Gets in Your Eyes at halos lahat nang awitin niya sa gabing iyon ay umuugong ang palakpakan. Nakakamahigit na sa sampung awit si Bobby Soul nang magpakuha siya ng dalawang cd sa kaniyang sekretarya.Binasag niya ang kaniyang pag-awit nang tumawag siya ng dalawang lalake sa entablado, inulukan ako sabay tulak ni Orestes na pumunta ako sa entablado, ang gagawin pala ay aawitin lamang ang You Never Know sa pinakamababang boses at awa ng diyosa ng mangaawit ay ako ang higit na pinalakpakan ng ako na ang umawit sa napakababang tono ng You Never Know, ako ang nagwagi at bilang premyo ay binigyan ako ng dalawang (2) cd na pinakalatest niyang recording.

Bago niya inawit nang nakaluhod ang My Prayer, nagbigay siya ng kaunting panalangin tungkol sa buhay at isiniwalat din niyang siya ay tumutulong sa mga mahihirap sa Toronto Canada kung saan siya may proyekto ng programang pabahay. Higit na umani ng palakpak nang sabihin niyang ang kaniyang show ngayon ay tulong niya sa mahihirap ng Pilipinas kung saan ibibigay ang kaniyang kikitain sa gabi ng kaniyang pagtatanghal.

Tatapusin na sana niya ang kaniyang show sa pamamagitan ng awiting Only You nang sunod-sunod na humiling ng maugong na more, more ang mga taong nanonood, at nalaman namin na bawat hiling pala ng isang awitin ay limang libong piso (Php5,000.00) ang karagdagang bayad. Magaling at propesyunal na mangaawit si Bobby Soul, alam na alam niya ang gagawin sa gabi ng kaniyang pagtatanghal. Hindi siya madamot nang bawat isa’y lumapit sa kaniya, nagbeso-beso at nagpakuha ng larawan. Kalimitan ng nanood ay pawang halos kasing-edad ko at ang iba’y mas matatanda sa amin ni Orestes. Napansin ko ding maraming banyagang personaheng nanonood ng gabing iyon

Bago niya tinapos ang programa’y ipinakilalang isa-isa ang orkestra ni Ding Malazo na siyang umakampanya sa kaniya at ang mga babaing mananayaw na walang pagod na sinayawan ang kaniyang mahaharot na awit. At bago rin kami umalis ni Orestes ng gabing iyon este umaga na pala ay pinapirmahan ko ang dalawang cd na naibigay niya sa akin ng personal na panalo ko sa pababaan ng boses sa You Never Know.

Isang panaginip ng katotohanan ang naganap sa buhay ko ng gabing iyon. Ang hinahangaan kong mangaawit ng The Platters na si Bobby Soul ay nakahalubilo ko ng may apat na oras na mahigit. Hay naku! May maibibida ako sa mga apo kong dadating sa sangmaliwanag, at napakagandang kuwento ang aking maibibida sa kanila. Tata Raul Funilas Abril 19, 2005 UP-Diliman.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: