Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 2, 2008

Limang Tula ni Tata

ALULOS

Banyagang dumailil
At palaging darating
Na higit na pinansin,
Ubod sarap namnamin.

Bathalang Maligaya
Ng binata’t dalaga,
Higit sa mag-asawang
Ibig nang magkabunga.

Puno’t dulo nang sama,
Kapag naligong basa;
Sa giyaot ng diwa’y
Pupulandit ang dagta.

Walang di nagkahilig
Sa tamis ng pag-ibig.

Alulos- utog,libog

TULA

Ang iyong kagandahan
Ay makapangyarihan,
Lahat ay nasisindak–
(Parang unos sa dagat.)

Ikaw ang tagaduksong
Ng salitang ‘kinulong,
Dakilang tagahabi
Ng sariling l’walhati.

Ang malumay na anas
Ay dagundong na bigkas,
Sigaw ng kaluluwa’y
Lipos kang sinasamba.

Bakit hindi maubos
Ang alusyong taludtod?

PABILO

Unang siklab ng lagablab
Sa pusong nababagabag,
At sa sandaling magliyab
Nalulunasan ang kulag.
Natatandaan mo irog
Noong aking pinirikot
Yaong malaking tibanlos?
(Natikma’y luto ng Diyos.)
At noong tayo’y ikasal,
Ang mitsa ay sinindihan;
Nagliwanag ang simbahang
Tanglaw sa ating sumpaan.
Nang minsang di ka nagsindi,
Ang anak nati’y dumami.

Pabilo- mitsa

PAGSAMA SA BISPERAS NG RESUREKSIYON
(Kay Francisco Balagtas Jr.)

Nang minsang sumagid ang simoy mainit,
Ako ay nagpunta sa SM;
Dahil sa may aircon na sobrang malamig
At may masasarap na pagkain.

Maraming panindang mata ko’y lumuwa,
Tulad ng imahen ng Nino;
Wala namang laman ang aking pitaka
At nanabik ako nang todo.

Hindi mapakaling ako ay sumabay
Sa agos ng taong naglakad
Sa palibot nito. May nagtatawanan
At naghaharutan, nang may umiyak

Na batang lalaking nagpalinga-linga;
Agad kong nilapitan, inalo.
Sinong kasama mo’t ikaw’y nawawala?
Magalang na sagot ay: “Opo.”

Agad kong dinala sa namamahala,
Ang bata’y ngumiting may tamis;
Nang ako’y umuwi’y laking pagkamangha
Sa altar ang bata’y kahawig.

PAMAMANDAW

Nang kita’y pandawin sa baliw mong batis,
Upang magtampisaw sa kopitang tubig;
Sa bisig ko’t dibdib hipo mo’y malantik
Gumapang pababa’t nagngalit ang lintik.

Ang litanyang kwento’y mabilog ang lungkot,
Lambing pang hinagod ang likod ko’t batok;
Ang kiwal mong agos ako’y nalulunod
Parang nasa kaskong umanod sa laot.

Nang mag-uumaga’y sabay na natumba
Ang baso at dilang nagsawa sa lasa,
Kusumot ang blusa’t baligtad ang bulsa;
Ang tanging nadakma’y kaunting ligaya.

“Ako ay namandaw ng umang sa ilog.”
Huling ‘sinangkalan sa asawang irog.

UP-Diliman


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: