Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 1, 2008

Armada

Bagaman nilusaw nang ubod tagal na panahon at nawaglit sa kasaysayan, bibigyan ko ng daan ang isang bangkang ginamit ng aming mga ninuno sa isla ng Talim.
Ang armadahan ay isang bangkang pinatatakbo sa pamamagitan ng hangin. Ito’y isang bangkang panghanapbuhay sa paligid at gitna ng lawa ng Laguna noong panahong mil nueve siento vente hanggang lumakdaw ang kawiting palakol ng manibalang na taong sisenta.
May hinuhuran itong palakaya na kung tawagin ay pangahig o kahig, ito’y isang uri ng lambat na binangkisan ng malapad na tablong manipis at binalukayan ng gangga-daliring bakal. Kurilon ang sinulid ng lambat na siyang pinakamatibay na lambat noon at ito’y may pamulusok na gahinlalaki ng paang lubid na siyang nakatali sa magkabilang (palanway ang tawag sa tatlong batangan ng armadahan) batangan ng armadahan. Humuhuli ito ng malalaking kanduli, biya at ayungin ayon sa laki ng mata ng lambat na gamit.
May dalawang layag ang armadahan, isang medyo maliit sa unahan at isang mas malapad kesa sa nasa unahan, kung tawagin ang nasa gawing unahan ay tringkete at ang pangalawa ay mayor. Albo naman ang tawag sa pinagkakapitan ng mga layag na nakatuntong sa gitnang bahagi ng bangka na kung tagurian ay sangkal .
Dahit naman ang turing sa tagilirang bahagi ng armadahan at sintas ang siyang kinakakapitan at kinahuhulmahan nito
May mga bagting na maliliit na lubid sa gawing itaas ng trinkete at mayor na tinatawag namang birga, nakatali ito sa punong batangan, alalay upang hindi matikwas ang albo at layag. May bagting ding mas maliliit na lubid na binabanat sa mga batangan, timunan at dakong proa na kung tawagin ay pataraya, ito ang nagiging kompas ng manlalayag kung mabigat ang huran o malakas ang hangin, lumulundo ito sa sandaling mahina ang hangin at mabagal ang armadahan.
Sa gawing gitna ng armadahan ay may nakalagay na kung tawagin ay sapi, ito’y isang malapad na tablong mga isang dali o higit pa ang kapal, nagsisilbi itong tagapagpatatag sa buong oras ng paglalayag sa alunan o kahit sa mga sigwadang bulusok, naiiwasan at napangangalagaan nitong huwag tumikwas ang kabangkaan, nakasuksok lagi ito sa gasa ng armadahan sa gawing kaliwang hulihan.
May lugar ding gauran na kung tawagin ay tulite, dito ay may inukit na kahoy na sinasakmal ang malaki at mahabang sagwan na ginagamit sa tuwing walang simoy ang hangin sa laot ng paglalayag.
Pangaw naman ang tawag sa butas na lalagyan ng timon at lastay ang katawagan sa nag-iisang palangoy o katig na siyang kinatatalian o kayapusan ng tatlong palanway.
Limas naman ang tawag sa isang pinutol na malaking kawayang siyang ikinakadlo sa pag-aalis ng tubig sa lunas ng armadahan
Iniaahon din ang armadahan sa sandaling may mga tilas o putok ang dahit at lunas nito. Pinapahiran ito ng sahing at tinatapalan ng alkitran ang mga may gahi at tilas na bahagi ng armadahan upang mapanatiling maayos.
Bihasa at sanay ang mga umaangkas na maglalayag dito, lukso’t takbo ang kailangan upang mapanimbangan ang kilos na malikot ng armadahan sa tuwing may sigabo ang hangin at paniniyad ng alon.
Ito ang armadahan noon na siyang tanging pinakamabilis na sasakyang lawa sa paligid ng lawa ng Laguna partikular sa isla ng Talim. Minsan, nakapanood ako ng karera ng regata sa Manila Bay nitong mga nakalipas na taon, halos walang ipinagkaiba ang lumang armadahan at ang makabagong regata. Ang armadahan noon ay siyang tanging bangkang panghanapbuhay sa lawa at ang regata naman sa ngayon ang kinahuhumalingang sports ng mga maykaya o mayroon sa buhay.
Sayang, hindi na nakita ng mga anak at apo ko ang armadahan namin ni lelong. Naaalaala ko noon, isinasama ako ni lelong at ni ama sa laot, noong malinaw pa ang lawa ng Laguna, noong marami pang malalaking kahoy sa gubatan ng isla ng Talim, noong bubot pa ang aking isipan at noong kakaunti pa ang naninigil dito at pawang pinakokoronahan ang mga binibigkas at binibitiwang salita.(: -) Raul Funilas , Abril 2, 2008

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: