Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 1, 2008

Ang Bantay

Lumaki si Piryong sa isang isla na ubod ng layo sa kabihasnan. Isang madasaling bata at walang pinangarap sa buhay kundi ang makarating sa kabayanan, may isa siyang katangiang bantad at mabibilang sa daliri ang hindi naka-aalam. Sabi nga ng nanay niya ay nagmana daw siya sa pantas ng lumang panahon. Ang bawat mapanaginipan niya ay himalang nagkakatotoo.
Lagi siyang pinatutulog ng kaniyang tatay sa pagbabakasakaling mapanaginipan nitong tumama sila sa huweteng at manalo sa mga paripa sa kabilang ibayo. Minsan, napanaginipan niyang buntis daw ang kanilang kapitbahay na labing apat na taong gulang na ampon ni Mang Susoy Hakab. (taguri sa kaniya ang hakab dahil noon daw araw ay nakita nitong magkapatong ang kaniyang ale at tiyong sa kanila ay nakatira, pag tinatanong daw ito kung anong ginagawa ng kaniyang amain sa ale ay sinasabing naghahakaban daw at may muestra pa ng pagpapatungin ang dalawang palad at pahahakabin na animo’y nagkukuwanan.)
Aba, laking gulat sa buong nayon nang matuklasang limang buwan na ngang buntis ang kanilang batang kapitbahay. (Hinuha nga ng iba’y ang nag-ampong si Mang Susoy Hakab ang nakadisgrasiya dito.) Minsan namang nanaginip ito ng iskrimahan, nagpapanunggi daw pag iiskrimahan ang kumpare ng tatay niyang si Puteng Uten kay Pianong Panutsa. Ibinida niya sa kaniyang tatay at sabi ng tatay niya’y: “Aba! E, saan naman kukuha ng espada ang mga iyon ay wala na ang mga Kastila dito.” Wala pang isang linggo nang pumutok sa nayon na nagsaksakan daw nang matulis na pisig na kawayan sina Pianong Panutsa at Puteng Uten.
Kumalat ang balita at umabot sa bayang may kaibang hiwaga ang panaginip ni Piryong. Lahat na yata ng tao sa bayan ay gustong patulugin si Piryong sa kani-kanila upang masaksihan at malaman kung totoo ang panaginip nito. Laking tuwa nga noong kaniyang tinigilan sa bayan nang minsang mapanaginip nitong tumama sa suwipistik ang kaniyang tinutuluyan, sinabi niya ito at ang ginawa noong tinutuluyan niya’y bumili nang bumili ng tiket sa suwipistik, kinalunesa’y tugma nga sa premyong may limang daang pisong panalo ang tiket na binili sa halagang apatnaraang piso.
Naudyukang lumuwas ng Maynila para doon palaganapin ang kahiwagaan ng kaniyang panaginip. Napasama sa mga nag-aaplay ng trabaho bilang guwardiya sa isang ahensiya at mapalad na natanggap dahil medyo matalbag ang pangangatawan.
Nadestino sa isang milyonaryo na ang hanapbuhay ay pag-export ng saging at lukbang Davao. Magdadalawang buwan na siyang nagdyu-duty sa malapalasyong bahay ni Mr. Halongalig, lagi nitong napapanaginip ang katulong na si Dritang Itik, (Mababa ang puwitan nito kaya natudyong parang itik) lagi daw itong naninilip sa kaniya pag siya’y naliligo sa banyo. Minsan nga niyang nahuli itong kunwa’y nagkamaling wiwiwi kaya hinatak na niya ito sa loob at doon sila nagpangdyikme ni Dritang Itik. (Hindi raw nagbubuntis si Drita dahil kumukupit ito ng pills sa amo nilang babaing lumulunok nito para di mabuntis at mapanatili ang kaseksihan.)
Isang gabi, habang nakaduty ay napanaginipan niyang aalis ang kaniyang among lalake para sumakay sa eroplano papuntang ibang bansa, nasa sa gawing Marianas Island na daw ang eroplano nang biglang sumabog at bumagsak ang eroplanong sinasakyan nito. Gayak na gayak na sa pag-alis ang amo niya, bandang alas singko ng umaga, nilapitan niya ang amo at sinabi ang kaniyang panaginip: “Bossing, ipagpaumanhin po na kayo ay abalahin, subalit ako po ay nanaginip kagabi na ang eroplano ninyong sinasakyan ay bumagsak, maniwala po kayo na lahat po ng panaginip ko ay nagkakatotoo. Tiningnan ni Mr. Halongalig si Piryong mula ulo hanggang paa.
Natakot si Mr Halongalig sa tinuran ni Piryong at tinawag si Dritang Itik, “ipasok mo na nga ang bagahe ko at ako’y hindi na tutuloy.” Ipinagyabang ni Piryong kay Dritang Itik ang pagtalima sa kaniya ni Mr Halongalig.
Kinabukasan, laman ng pahayagan ang panaginip ni Piryong, namumutla sa takot ang kaniyang amo, nakangiti si Drita nang hinahainan niya ang kanilang amo ni Piryong ng agahan. Naisapupo pa sa dibdib ng amo nila ang pahayagan. Humawak sa ulo at ipinilig-pilig. Minsa’y titindig at sunod-sunod ang paglagok, salitan ang kapeng mainit at tubig na malamig. Putlang-putla.
Kinahapunan, bago lamang mauupo si Piryong sa silyang nasa tagiliran ng gate ng malapalasyong bahay na binabantaya’y pinuntahan siya ni Mr Halongalig. Nasa sa bukana ng utak ni Piryong na mabibiyayaan na din siguro ang pagkakaligtas niya sa amo niya dahil sa milagro ng kaniyang panaginip.
Nagsalita si Mr. Halongalig: “Mr. Porfirio Panagimpan.” Tawag ng kaniyang amo. “Po, amo, bossing, tsip.” Ang tugon ni Piryong. (Alam niyang ang sasambitin ng amo ay: “Heto ang tseke, limampong libo yan para sa pagliligtas mo sa buhay ko.” Subalit halos mapaigtad si Piryong sa sinalita ng kaniyang amo.
Hindi ka na magdyu-duty ngayon, makakaalis ka na ngayon pa lang, naiintindihan mo? Wala ka palang ginagawa sa magdamag mong pagbabantay kung hindi ang magtulog lamang at managinip.
Wakas.
Raul Funilas Marso 7, 2008


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: