Ipinaskil ni: Raul Funilas | Pebrero 17, 2008

Anting-anting sa isla ng Talim

ANG GALING NG ANTING ANTING SAAN NANGGAGALING?

Maraming nagpatunay na matatanda noong alanganin pa ako sa aming malayong isla ng Talim na ang kanilang kakisigang lalake (Taguri sa mga may hawak na anting-anting sa isla ng Talim) di kayang tapatan ng sinumang gigiri sa kanila. Mabisa noon ang birtud ng kanilang mga anting-anting. Tuwing sasapit ang Mahal na Araw lalo na kapag Biernes Santo, paligsahan silang nagpapakitang gilas kung gaano kabisa o kagaling ang kani-kanilang hawak na agimat o anting-anting.

Saksi ako sa kahiwagaan kung paano nila nagagawa ang mga kagila-gilalas naming nasasaksihan. (At ako ri’y minsang nangarap na magkaroon nito.) Mas noong ako’y kasalukuyang nagbabagong tao, hindi ako nabigong makamit ang hangad ko dahil napasaakin ang isang alaga ng aking mahal na lola. Kinuha ko nang palihim ang dalawang piraso ng kaniyang iniingatan sa palupuhan ng aming bahay, isang baging na sumuot daw iyon sa bato dalawang dali ang haba at isang kawayang isang dali ang haba na walang buko ang palibot ng kaniyang kilay. Nasubok ko ang birtud nang kinuha kong anting-anting ni lelang. Natapon lamang ito noong may nagsabi sa akin na ang may hawak ng ganitong mga agimat ay laging may kalungkong na isang libo’t isang kamalasan-lagi nang nakaangkas sa akin ang nasabing kamalasan.

Mga kalagitnaan ng dekada sisenta noon, bago lang lumulubog sa kanluran ang haring araw ng Huwebes Santo’y nag-uusap-usap na kaming magkakabarkada para sa kinabukasang alam naming magtetestingan ng mga anting-anting ang mga makikisig na lalake ng aming kambal na baryo ng Tabon Malamig at Tabon Mainit. Natatandaan ko pa ang lahat ng mga naroon sa may likod ng simbahan ng aming munting baryo. Ang aking lelong Pedro “Indong Malagkit” A. Funilas at ang aking amang Antonio T. Funilas, magkapatid na Antonio at Elias Bobonggo, ang mag-amang Simeon at Pablo Celones, Esperidion Estepano, ang mag-amang Eligio at Teofilo Lerona , at mag-amang Justo “Tata Koto” at Ernesto U. Capili. Alas doce en punto’y nangakaluhod na silang lahat sa harap ng kani-kanilang dalang anting-anting, merong nagoorasyon lamang, merong may mga kung ano-anong nakabalot sa mga telang puno nang kung ano-anong Latinong letra at drowing meron ding walang dala’t nakikipaniya o nag-uusyuso lamang.

Matapos ang mga orasyong dasal ay sumigaw si G. Elias Bobonggo, ako ang una, may dalang itlog ng itik at binasag sa kaniyang mga palad, itinapat niya ito sa naglalagablab na siga at itinapat ang kaniyang mga palad sa apoy. Kita naming lahat na naluluto ang itlog sa kaniyang mga palad. Sumunod na nagpakita ay si G. Eligio Lerona (sabi’y Paralejas daw ang apelyidong tunay) hinugot sa bayena ang kaniyang itak at itinaga sa isang kaigihang puno ng saging, putol ang saging, pumulot ng isang kakawateng kalahating metro ang haba na kayang kimisin ng palad at ang itak ay inilatag niyang palihis sa kaniyang mga binti at saka inupakan ng ubod lakas na hataw, namangha kaming lahat nang makita naming nakabalatay lang ay isang markang latay na namumula sa kaniyang pinaglagyan ng itak. Pinasubok din niyang hatawin ng iba pang ka-umpukan pero may kabal talaga sa katawan ang matandang makisig.

Ang ipinakita naman ni G. Ernesto U. Capili ay parang mahika, naglagay ng isang sartin (basong lata) sa harap ng mga nanonood at tinakpan ng panyong puti na may letrang Latino. Naghagis ng singkong bagol (lumang limang perang pilak) ihinagis sa itaas ang bagol at sinundan namin ng tingin, mga ilang segundo’y kumalansing ang sartin at namangha kami nang makita naming nasa loob na ng sartin ang bagol na pera. Makaraan ang mga ilang minutong pahinga’y si Tatay Tonieng T. Funilas naman ang nagtesting, pinagsalikop ang dalawang palad at bumulong ng orasyon, hinugot ang itak sa kaluban at itinapat ang talim nito sa kaniyang braso-ginilit-gilit niyang paulit-ulit ang itak sa braso. Hindi rin naglandas sa kaniya ang talim ng matalas na itak. Muli, humuhugong ang anasan ng makikisig na lalake, kami nama’y nagtatawanang may halong takot, pati sina Tata Koto at lelong Indo Funilas ay nakikitawa sa amin, ang alam naming magbabarkada’y pag sina lelong Indo Funilas at Tata Koto na ang nagtetesting ay pinaaalis kaming mga bata, sabi kasi nila’y magtetesting ang pinakamakikisig na lalake sa isla ng Talim, di daw namin dapat makita.

Nasaksihan ko din noong late 70s ang kagalingan ng agimat ni G. Bienvinido A. Gannaban, taga barangay Rayap, Binangonan, Rizal, kilala sa bansag na Ben Siga. Minsang nadayo sa amin sa UP si Ben Siga para bumili ng mga gamit para sa kaniyang bangka, nagkainuman at nang medyo malagihay na’y nagpakuha ng buhay na manok, pinilipit ang dalawang paa at binali, ikinalang pa sa mesa at ubod lakas na binali pa, nagulat kami nang kanyang bulungan ng orasyon ang paa ng manok ay mabilis na tumakbo papalayo nang ilapat niya ang mga paa sa lupa. Nang gabi ring iyon ay nagpakita siya ng pagbubukas ng beer na tinatapik lamang ang kahon ay nagpuputukan at kusang nabubuksan ang bote.Di na kami nakainom ng beer noong gabing yun sa takot na baka kung mapaano kami. Kasabihan din siya sa mga taong nakaranas at sumubok ng kanyang agimat, hindi nakakaputok ang baril na iumang mo sa kaniya pero pag iniiwas mo sa kaniya ang dulo ng baril at kinalabit ay pumuputok naman. Sabi’y hawak daw niya ang orasyon ng Pitong Wika ng Panginoon.

Minsang nagpakitang gilas din sa kaibayong bayan ng Pila Laguna, sa isang kasalan magpapasko noon, may isang batang nagtitinda ng paputok na rebentador, kinausap ni Ben Siga na bibilhin niyang lahat ang rebentador kung may putok siyang maririnig sa tinda ng bata, kumuha pa ang bata ng may ningas na kahoy galing sa nilulutong putahe at nagsindi ng isa, ayaw pumutok hanggang sa mga lima na ang sinisindihan ay aayaw pa ring pumutok. “Paano tayo magkakabilihan niyan e mintis pala ang tinda mong paputok.” kantiyaw nang bumibili. Ok sabi pa niya, ipakikita ko lamang na puputok lahat ‘yung sinindihan mo. Nag-orasyon si Ben Siga at nagulat ang lahat nang halos magkakapanabay na pumutok ang rebentador na inihagis ng bata. Sayang at namatay si Ben Siga nasunong niya ang lambat na kaniyang ginagawa sa lawa at doon na siya nalagutan ng hininga sa ilalim ng lawa. Pinsang buo ko si Ben Siga, anak kami ng magkapatid.

Kamangha-manghang lahat ang aking nasaksihan noon, ayaw kong maniwala noong una pero ng dalawang mata ko na ang mismong nakakakita’y saka lamang ako napahinuhod na may mga ganitong birtud pa nga. Ngunit sa panahong ito na halos hindi na pinaniniwalaan ang mga birtud ng anting-anting, may mga katanungang saan kaya nanggagaling ang galing ng kanilang mga anting-anting? May mga nagsasabing ito’y isinasalin ng mga sinaunang may hawak nito sa mga karapat-dapat na pagsalinan at dito’y piling-pili ang mga binibigyan o pagsasalinan, di ito naibibigay sa mga mayayabang, hambog mapagmalaki o anumang kauri nito na may maipupukol na batik sa pagkatao. Dahil pagna-ilipat ito sa mga ganito at ganoong klase ng tao ay nawawala ang bisa. Ito ring mga agimat na ito’y nakukuha sa mga kapamaraanang ang may alam lamang ng mga orasyon ang tanging nakakakuha sa iba’t ibang mga ritwal na pamamaraan.

May nagpapakahirap sa pag-aabang sa isang pusang itim na itim na mahuhuli lamang sa ikalabindalawa ng hatinggabi, ibabalot ang nahuling pusa sa isang lalagyang dinasalan ng siyam na linggo at ililibing ang pusa sa oras ding iyon sa hukay na nasa siyam na hakbang pasilangan mula sa pinaghulihan ng pusa. At sa hatinggabi ng Biernes Santo, huhukayin ang libingang may matatagpuang isang puting mutya, lulunukin at mag-oorasyon. Lahat daw ng dadating na sakuna ng kamatayan ay malilibrehan ng siyam na beses.

Meron ding nakukuha sa dumalagang nangingitlog na manok, sinasabing kung ang unang itlog ng dumalagang manok ay sa palad mo mababagsak ng di namamalayan ng dumalagang manok ay kakamtin mo ang anting-anting na di ka makikita nang sinuman pag ginusto. Yun ang sa taga-bulag. Parehas din yun nang kinuha kong palihim sa taguan ni lelang sa palupo ng bahay namin na naitapon kong may magkasamang isang dalawang daling baging na sumuot sa bato at isang daling-kawayang walang buko ang mga kilay, maaklab at garantisado nang masubok ko iyon.

May nakukuha din sa nasunog na labi ng bahay, kukuha ka daw ng gapalitong kahoy sa haligi nang nasunog na bahay at pag nasa inuman ka’y di ka kayang languin o malasing, isisipit mo lamang sa pagitan ng iyong mga ngipin ang gapalitong kahoy na nakuha sa labi ng nasunog na bahay. Kaya mo ring lasingin nang madalian ang kainuman mo sa mga latinong katagang “esnasoc esnavat evevat macmametam.” (bahagi lamang ito ng itinuro sa akin noon marami pa akong alam na Latinong salitang nakatago sa aking kaban.) Tapos mag iipon ka ng hangin sa loob ng bibig at ihihihip mo ng paantanda (sign of the cross) sa gusto mong lasingin. Naililipat din sa pulutan ang mga katagang iyon kung medyo masiba ang kainuman at konti lang ang inyong pulutan.

Iyong sinasabi at palasak na balita noon na Santiago, ito’y isang kabayong puting-puti na may pakpak, kapag nahuli mo ito’y madadala ka nito kahit saan mo gustong pumunta. Ang may hawak daw nito sa isla ay ang aking lelong Indong Malagki. Maraming nakasaksing taga isla na iiwanan mo itong naliligo sa lawa kapag may pistahan sa kaibayong Laguna, mauuna pa daw sa iyo ang matanda sa pupuntahan ninyong lugar. Naitago daw ng matandang makisig ang Santiago sa pagitan ng kambal na nayon ng Tabon na kung tawagin ay Balitangan.

Siya din daw ang may hawak ng pinakamadaming agimat na may birtud sa isla ng Talim na ang iba ay aking nasaksihan noong mga alanganin pa ang aking edad.-napapaamo niya ang kahit anong maiilap at mababagsik na hayop, nakita ko noon kung paano niya hinuli ang isang pagkalaki-laking sawa na binubulyawan niya’t animo’y pinagagalitan nakakausap niya ang sawa at sumusunod ito sa utos niya, napapaamo din niya ang mga babae na makursunadahang ibigin. Ito daw yung gayuma at nagagawa niyang alak ang tubig na iigibin mo. Katunayan, maraming eba sa isla ng Talim ang kaniyang naitangkal sa kaniyang pala-ibig na puso, nabihag din niya’t di nakaligtas ang aking lelang na si Pacencia Martin Tiburcio.

Saan man nanggaling ang mga anting-anting na magagaling ang bertud noon, anumang hirap at sakit ang pinagdanasan ng mga may hawak nito-maging ito’y sa Diyos ng kabutihan o sa diyos ng kasamaan. Ito’y sinamba at idinambana nang higit pa sa kanilang buhay anumang galing ng bertud nito at sa kagalingan at kabutihan ang pupuntahan ay makikisig na lalake silang matuturingan- ngunit, kung sa landas ng kasamaan at sa mga sariling interes lamang papagniningasin at papaglalagablabin ay wala kang kakisig-kisig para sa nakararami. Dahil na din sa huling nabanggit, mukhang kasama na ngang naagnas at unti-unti nang napawi ang mga birtud nito . Marahil nga, napunta ang mga ito’t naisalin sa mga maling taong paglilipatan. Wala na akong nababalitaang testingan ng anting-anting sa amin tuwing Mahal na Araw. Sayang…nakapanghihinayang…Ngayong darating na Semana Santa, magtetesting ako ng kahuli-hulihan kong anting-anting ang Ulikbangon na huli kong tinesting sa bayan ng Angono sa studio ni Wire Rommel Tuazon. Baka gusto ninyong makita ay sumama kayo sa isla ng Talim sa may matayog na bundok ng Susong Dalaga.
Tata Raul Funilas, Enero 9, 2008


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: