Ipinaskil ni: Raul Funilas | Pebrero 11, 2008

Hulagway ni Hesukristo sa Kanduli

Marahil, sa makababasa nitong akdang ito’y maraming kukunot ang noo, o dili kaya’y magtataas ng kilay pero sa sandaling mapatunayan ko ang nilalaman nito’y maaaring katakot-takot namang paghanga o pagkamangha ang mangingibabaw.

Masasabi kong isang lehitimong mananaliksik ng lawa ang aking ama dahil sa kaniyang maghapo’t magdamag na pakikipagniig sa banig ng lawa’y doon na niya nakitang lahat ang mga kamangha-manghang likha ng Panginoon na sinasabing lahat sa akin noong musmos pa ako at laging isinasama sa kaniyang pamamalakaya.

Kanduli, dalag at hipong tagunton ang hinuhuli ng aming palakayang pante, kitang at bumbon. Lagi niyang ibinubukod ang pinakamalaking kanduli para siya kong ini-uulam at kung hindi ako puwedeng sumama sa laot ay hindi maaaring hindi siya maglalabit ng kanduli. Lagi niyang sinasabi sa akin ng patalinghaga: “Huwag na huwag mong kalilimutang kainin ang kanduli anak dahil sa isdang kanduli lamang pumaloob at nanahan ang Panginoong Hesukristo.”

Hindi ko pinansin ang sinabi noon ni ama, ang buong pag-asa ko’y pinatitikim niya ako ng pinakamahal na isda sa aming lawa, para siguro masabi niya at maipagmamalaking: “Napapakain ko ng pinakamahal na isda ang panganay kong anak na lalake.” Ang isdang kanduli ang pinakamahal ang presyo sa lahat nang isdang nahuhuli sa lawa ng Laguna noon dekada 50 hanggang 70.

Taong 1988 Enero 29 nang pumanaw si ama at ako’y 33 ang edad, kadadating ko mula sa pangingibang bansa. Normal sa aming isla ang damayan ng magkakamag-anak at magkakapitbahay, isang kamag-anak ang may dalang ipang-uulam naming magkakapatid na umuwi galing sa kabayanan, isang tangkas na katayang kanduli na siyang sanhi upang magunita ko ang talinghaga ni ama.”Sa isdang kanduli lamang pumaloob at nanahan ang Panginoong Hesukristo.” Kinuha ko ang pinakamalaki sa tangkas at ako mismo ang naghinain ng kanduli, subalit matay ko mang hanapin ang talinghaga ni ama’y walang ni isa mang palatandaan upang makita ko sa loob ng kanduli ang talinghagang kaniyang sinabi. Iniihaw ko ang kanduli at winalang bahala ang gusto kong makita sa sinabi ni ama.

Masasabi kong isang hulagway ng maalwang buhay sa mga naninirahan sa lungki at dunggot ng isla ng Talim at karatig ang isdang kanduli, sumasalamin ito sa nakaririwasang pamilya – higit doon sa may palakayang ang hinuhuli’y kanduli. Pangunahing magsampa ng makapal na pera ang isdang kanduli upang umangat ang kabuhayan ng taga isla ng Talim. Ito ang pinakamahal na isda sa buong lawa ng Laguna noon.

Hanggang sa unti-unting nasamlang at lumibag ang buong lawa, nawala ang dating linamnam at kakaibang lasa ng kanduli. Hanggang sa halos ito’y talikuran at hindi na pansinin ng dating napakahihilig dito. Ako mismo’y nanghinayang sa ginawang pang-aabuso ng mga ibang mamamalakaya sa isla ng Talim. Tuwing sabado’y umuuwi ako sa aking sinilangang nayon sa isla at tuwing umagang tutugpa sa dalampasiga’y nakikita ko ang nangaka-antaw na mga tigiti (maliit na kanduli). Hinuhuli nila ito sa baklad at sa bagong usong sky lab, maliit at malaki’y hinahango dito, ang tigiti’y itatapon at ang malalaki ang itinatakal sa regaton.

Dati, may namamakyaw ng tigiti tuwing umagang dumadating ang mga sumasalok ng baklad at sky lab, ipinakakain ito sa alagang baboy dahil malakas magpahilab ng baboy ang tigiti subalit mula nang maraming namatay na alagang baboy dahil sa tibo ng tigiti’y hindi na ito pinansin at inakusahan pang salot ang kanduli dahil sa pagkamatay ng kanilang mga alagang baboy.

Kamakailan lamang mga taong 2002, ako’y nagpapahinga sa kubo ng aking pinundar na palaisdaang maliit sa laot ng aking nayon, pinangapa ko ng kanduli ang aking kapatid na mangingisda at isinigang namin sa miso at kami’y nagpambaknat nang kainan. Nang mabusog ay napagdiskitahan kong busisiin ang kalansay ng kanduli at bilang isang artist o eskultor balak kong gawing isang art work na mixed media ang kalansay ng kanduli. Laking gulat ko’t natalwag ang aking kulag nang makita ko ang sinasabing talinghaga ng aking ama, nasa ulong kalansay ng kanduli ang Panginoong Hesukristo, isang hulagway na nakabayubay sa krus.Ginawa kong art ang nasabing kalansay ng kanduling may imahen ni Hesukristong nakabayubay sa Kurus at sa ngayon ay nasa pangangalaga ito ng simbahan sa Angono Rizal mulang ibinigay ko kay Rommel Wire Tuazon at ipina-display naman niya sa kanilang simbahan upang makita ng madla.

Sa ngayon, ubod ng mura at kung minsa’y hindi na tinatangko ang kanduli na siyang pinalooban at pinanahanan ng ating mahal na Panginoong Hesukristo. Pero ako, hanggang sa oras na ito’y hindi nagsasawa sa kanduli. Marahil, ito ang talinghaga ng mga taga isla ng Talim na nasa dunggot at kuwengka sa lawa ng Laguna. Ang isda bilang si Hesukristo na siyang nagbibigay kabuhayan sa kanila at si Hesukristo bilang isda na lumalangoy at pilit pinakikislot ang lawang naitalang malapit nang mamatay.Kahit kailan at kumain ako ng kanduli ay na-aalaala ko ang aking amang siyang nagsabing nasa isdang kanduli si Hesukristo. Oktubre 15, 2004 Raul Funilas, taal na taga isla ng Talim.

K risto
A ng
N agbadyang:
D iyos ko!
U masa kang babayubay at
L alagi ang anyo ko sa
I sdang sasaniban ng

K atawang
A ako sa kasalanan
N g sanlibutan.
D ahil sa tikom at
U mid nilang labi’y
L ilipad ako sa Iyo sa
I taas at pananahanang Langit.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: