Ipinaskil ni: Raul Funilas | Pebrero 11, 2008

Dalit ng Yangkaw

Hindi ako pantas at di dalubhasa,
Upang magsiwalat nitong talinghagang
Nagbuhat sa hangin at along payapa.
Ako ang Kuyagot sa linaw ng lawang
Tinimbul-timbulan ng anod kong diwa.

Yamang naglangkawas sa kristal na tubig,
Malayang maglaro ng walang ligalig;
Nagkukubli lamang kapag humahalik
Ang sigwadang hangin sa lawak ng banig.
(Ako’y ginigising sa haplos ng putik.)

Sa ulos ng kidlat at sigaw ng kulog
Sa balumbong ulap, ula’y ibubuhos;
Upang paliguan ang pagod na bundok—
Makapamalaybay pakiwal sa ilog,
Patugpa sa lawa at doon yayapos.

Masid ko ang kilos ng agos sa lawak
Ng tubigang bubog na humahalakhak,
Dahil sinusuong ng biyayang pusag
Kanyang kaangkinang animo ay bastag
Nitong palakayang kinabiteng baklad.

At sa pagaspasang lipanang palipod,
Ang bubot kong diwa’y sumulyap sa agos;
Doon nagsasabog, nagtimbon ng itlog
Ang kawang inaheng lumaki’t bumilog
Kaya ang tubiga’y may biyayang handog.

Hilong uli-uli’y lagi kong kapiling
Na siyang umagnas sa bulas kong angkin,
Kaya nang lumao’y hindi ko napansing
Ako’y nalulunod sa pagliliwaliw
Sa tubigang tigib ng laksang panimdim.

Ako ang alabok sa mundo ng tubig,
Nag-anyo sa banlik at gilik-taliptip.

Yangkaw kuyagot, duklay ng puno sa tubig, libag, kalat
Pagaspasan lugar na itlugan ng isda
Palipod nabaling tulos na kawayan sa tubig
Bastag katawan ng baklad, bastagan
Makapamalaybay makadaloy, igiya

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: