Ipinaskil ni: Raul Funilas | Pebrero 6, 2008

Sabo at Sabong

Sabo, isang salita sa isla ng Talim na ang pakahuluga’y pagdagsa, kulumpon, kuyob, at hugos. Ito’y ginagamit sa panahong ang isang mamalakaya ay maraming nahuhuli partikular sa pag-aalig, pananalap o paghahalong ng yapyap, hipon at dulong. Isang salitang kapag naulinig mo sa bawat namamalakaya ay may mga umid na ngiti ng pag-asa, salitang nakapagpapapuno sa mga pangarap sa maghapon at magdamag na paghahanapbuhay sa lawa lalo pag napuno ang lunday sa nahuling sumabong isda.

Sabong, isang kaaliwang pinagkakalipumpungan ng mga mahilig sa labanan ng dalawang tandang, kaaliwang nag-aalis ng mga bagabag at kaligaligan ng katauhan-lalo na sa mahihilig dito. Kahit nga doon sa aming malayong nayon ng Tabon Malamig sa gawing kaliwa ng inyong paningin sa isla ng Talim.

Hindi alintana ang salpok ng mga alon at ampiyas sa dakong proa ng bangka tuwinang sasaboy ang ilambo ng tubig na sinasagasang maragasang pagsuong sa mga sigwada ng alon sa giliran ng mga nakabural na baklad. Higit naming napagtutuunan ng guniguni ang makipot na ruweda sa mga arena o tupadahang dinadayuhan namin sa mga kanugnog barangay. Sagpi-sagpi’t bakas-bakas ang mga sabungerong minsan lamang kung isang linggo o buwang makapaglibang ng kaaliwan.

Marubdob at di matatawaran ang pagkalinga ng aking mga kabunggong balikat, kaut-utang dila at mga kabangkain sa kanilang kinahuhumalingang larong sabong. Sumisilay sa aking alaala. Noon, bago pa man pumutok at magsabog ng liwanag ang haring araw sa dakong silangan, nagbabaga na ang pirot ni lelong, matapos humitit ng pagkalalim-lalim ay pupuyusin ang mukha ng kaniyang tandang sabay pagbuga ng ubod tindi at ang masigabong usok sa hawak niyang panabong ay kumukulapol sa mukha ng tandang. Usok na wari mo’y along gumugulong sa kabuuan ng tinali.

Hindi alintana ni lelang ang pagkabuyo ni lelong sa kaniyang tandang, minsa’y maulinig naming may mga pasaring si lelang na mas mahaba pa raw ang panahong ginagasta ni lelong sa kaniyang tandang kesa sa kaniya na dapat ay magkasama silang nagkukuwentuhan sa kanilang papag na kawayan. May mga panibugho si lelang na halos ipinagwalang bahala lang at minsa’y binubukahan lamang ni lelong ng kaniyang bungangang may malulutong na halakhak at mas madalas na isang tapik lamang sa balikat at isang tapik sa puwitan ni lelang ang nakapipigil sa pagtungayaw at pasaring na pagsabon ni lelang. Marahil, bantad rin kay lelang at naiintindihan ang kasaysayan ng pagkahumaling sa tandang ni lelong na mas matandang di hamak tulad nang pinaglaup-laop na edad ng mga ninuno nila ni lelong.

Bago pa dumaong ang mga bihasang manlalayag na ipinadala ng Hari ng Espanya, may mga pamayanan na tayong pinamamahalaan ng mga Regulo at Raha. At ang sabong ay bahagi na ng ating katutubong kultura. Ayon kay Pigafetta, isang mananalaysay at tagasulat. Halos lahat ng mga bahay o anumang tirahan ng ating mga ninuno na kanilang nakita nang sila’y mapadpad sa hilaga at timugang bahagi ng Pilipinas ay may mga alaga ng mga tandang sa bawat bakuran ng ating mga ninuno. Sinalaysay ding ito ay di inaalagaan para ipang-ulam lamang. Katunayan, malaking pagpapahalaga ang ibinibigay ng mga katutubo ng Pilipinas sa tandang pagkat pinaniwalaang simbolo ito ng katapangan at kagitingan. Kaya kung minsa’y pinag-aaway o pinagsasalpok ang mga tandang ng kanilang mga may-ari. Sa pagbibitaw o paglalaban, may halong premyong taya na mapupunta sa nag-aalaga ng mga mananalong manok.

Nagpatuloy ito hanggang panahong kolonyal at naging karagdagang kita na rin sa gobyernong kastila. Liban dito ay umusbong ang idyolohikal na gamit ang sabong dahil sinabing ginamit ng mga kastila ang sabong upang libangin ang mga Indio nang sa gayo’y hindi makapag-isip lumaban o mag-alsa sa kanila ang ating mga ninuno. Subalit hindi naibigan ng simbahang Katoliko ang marubdob na pagkahumaling ng mga nuno at amba natin sa sabong. Ayon sa mga prayle, nakaligtaan na ng mga nakararaming Indio ang mga pagdalo sa Misa tuwing linggo, lalo na pagpista sa mga bayan-bayan. Hanggang sa ngayon, kalimitang isinasagawa ang pagsasabong tuwing araw ng linggo o pista.

Mababasa sa aklat ni Nid Anima na Philippine Cockfighting, ang argumento ng pari at sabungero tungkol sa kasamaan o kabutihan na dulot ng pagsasabong. Matatandaang kahit si Gat Jose Rizal ay di nakaiwas na bigyang pansin ang pagsasabong. Katibayan, sa aklat na Noli Me Tangere, gumawa siya ng isang satirikong salaysay ukol sa madalas na pagsasabong ni Kapitan Tiago.

Ang sabong ay maihahalintulad sa tradisyon ng mga Romano na papag-awayin ang mga alipin. Makikita sa loob ng mga sabungan, makikitang sabik na naghihintay ang mga sabungero na maumpisahan ang salpukang labanang madugo. Kung sa mga Romano’y mayroong Coliseum, para sa mga sabungero sa probinsiya’y may mga puno at minsa’y gumagawa sila ng pamamaraan upang matanaw ang salpukang madugo ng dalawang tandang. Dadagundong ang mga ingay kapag nagsimula na ang tayaan. Samantalang ginagamit ng mga tokang kristo at sabungero na rin ang mga iba’t ibang senyas at kumpas ng kanilang mga kamay at daliri para maihatid ang kani-kanilang taya sa isang tao sa mga kapuwa sabungero at kristo. Pinangalanang kristo ang mga mamumusta dahil tumatayo silang tawiran ng taya para sa labanan. Maaaring ma-iugat ito sa paniwala na si Hesukristo, ayon sa Hudeo-Kristyanong tradisiyon ang daan ng tao para mapalapit sa Kaniyang Ama.

Kasabay nang pagbalasa ng mga senyas sa kanilang mga kamay ay ang nakatutulig na sigaw naman ng mga sabungero para sa kani-kaniyang tatayaang manok. Pipili sila sa dalawang tandang ng dehado at liyamado, ang manok na may higit at malaking pusta ang liyamado at dehado naman ang may kulang o maliiit na taya. Di humihinto at di natutuloy ang salpukan kung ang taya ng bawat isa ay di pumapantay.

Madalas na apektado ng pusta ang liyamado ayon sa laki ng kaniyang taya kontra sa dehado. Nahihimok ang karamihang sabungerong tumaya sa liyamado, pinaniwalaang malakas ito dahil malaking kantidad ng pera ang taya dito ng may-ari. May mga sabungero ding dehadista, binabaka-sakali nilang baka palarin at magtagumpay ang dehadong kanilang nakursunadahan at isa pa’y mas higit na premyo ang kanilang
ma-iuwi.

Mata sa mata, pulok sa pulok ang unang arangkadahan sa loob ng ruweda, naghihintay kapuwa ang dalawang tandang ng tamang pagkakataon para sa bawat pag-atake. Tatalon at kapuwa panabay ang lipad, magpapawala ng kapuwa nakamamatay na sikad at palo. Sa bawat kampay ng pakpak at sikad ng paa ng manok ay matatanto ang hangaring patayin ang kalaban. Hindi tumitigil sa pakikihamok ang bawat isa kahit na sugatan. Magwawakas lamang ang laban kapag ang isa ay tumakbo o namatay.

Gayundin, naniniwala ang mga sabungerong likas na sa isang tandang ang katapangan sa pakikipaglaban. Katunayan, isang karangalan sa tandang na suot ang kaniyang armas na tari, ang mamatay ng nakikipaglaban.

Hindi makaila na ang sabong ay larong tinabas para sa mga kalalakihan. Akibat nito ang paniniwala na nasusukat ang pagkalalake sa lakas ng pangangatawan at kagalingan sa laban. At ang pagkatalo, itinuturing ito bilang isang kahinaan. Dito sa labanang ito’y pawang mga pinakokoronahan ang mga senyas na taya at kung sino ang matalo sa laban ay buong giting nilang ini-aabot o ihinahagis na lakumos ang mga perang taya.

Madalang pa sa patak ng ulan ang mga anak ni eba sa loob ng sabungan. Kung meron man, ang mga ito’y kadalasang naglalako ng kung ano-anong makakaing sitsirya o dili kaya’y nagpapatakbo ng mga negosyong kainan na nakapaligid sa labas at loob ng sabungan. May iba ring sabungerong nagsasama ng babae sa tuwing sila ay tataya pagkat sa tantiya at karanasan nila’y nagbibigay ito ng suwerte.

Sa kabilang banda, may irehiya ang mga sabungero hinggil sa pagtangkal ng mga tandang. Kung maaari ay ayaw nilang ipahimas o ipahawak ang kanilang mga alaga sa babae dahil pinaniniwalaang idudulot nito’y panghihina sa katawan ng tandang. Sinasalamin ang ganitong paglalaro sa pagsisiping ng mag-asawa. Para sa kanila, ang pakikipagtalik ay umuubos ng enerhiya na kailangan sa labanan. Sa patriyarkal na kalakaran ng mga bagay, tinitingnan ang babae bilang personipikasyon ng kahinaan. Tila baga balon na hihigop sa mga puwersang nagmumula sa naghuhumindig na pagkalalake. Mapapansin sa larong ito ang pagbalangkas sa kahalagahan ng kaakibat na kasarian: Ang babae bilang piping tagapagmasid at ang lalake bilang mabalasik na tagapaggawa.

Sa pagsasabong, mahihinuha na malakas ang konsepto ng pakipagkapuwa-tao sa pamamagitan ng pakikisama. Parang isang mabigat na krimen ang tumaya sa manok kung ang isang tandang na isasagupa ay pagmamay-ari ng isang kamag-anak o kaibigan, isang malaking batik sa lahi o sa pinaninigilang lugar ang tumaya sa mga hindi dapat kalabanin. Kung maiipit naman ito sa dalawang kaibigang naglaban, mas gugustuhin pa nitong di na lang pumusta. Kadamay dito ang mga kaibigan at kamag-anak sa bawat panalo o pagkatalo. Mula rito ay malinaw na ipinakita ang mapanganib subalit nakatitiyak sa kaligtasan na idudulot ng kapuwa. Hindi nakapagtataka kung bakit talamak ang nepotismo dahil na rin sa paniniwalang nabanggit. Paniniwala na naglalandas lamang sa katapatan na nababatay sa dugo at pagkikilanlan.

Isang dapithapong halos namamantay na ang araw sa mga mata, hapay na ang kiling nito sa kanluran. Sumigaw ang isang mag-aalig ng hipon sa may dalampasigan ng lawa, masabong masabo ang yapyap sa kaniyang kinapupuwestuhang takilisan. At sa dakong dunggot naman ng isla ay bumubungad ang isang bangka na lulan ang mga dumayong mananabong sa kanugnog nayon. May banderang pula ang tagdang tikin na senyales ng kanilang pagwawagi sa pandarayuhan. Hindi magkamayaw ang mga batang sumalubong sa mga sabungero at ang nag-aalig ng yapyap naman ay walang tigil ang pagbubunyi sa sabong tinatamo ng kaniyang pang-alig na salap.

Samantala, si lelang naman ay nasa kamang papag nila ni lelong, magkahalong pista at bagabag ang kaniyang nadarama. Sabi nga niya, sumasabong parang hipon ang utak ni lelong pag ito’y nanalo. May gaod ng katotohanan ang tinuran ni lelang. Tulad din ng iba si lelong. Ang mabuhay at mamatay sa ligayang dulot ng kanilang kaaliwan ay isang gantimpalang pamana sa lahing magpapatuloy nito. At masarap ang mabuhay at mamatay na ang hiram na utak ay nagmula sa isang matagumpay na tandang.End Tata Raul Funilas

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: