Ipinaskil ni: Raul Funilas | Pebrero 4, 2008

Ang Habilin (Sa Pulo ng Talim)

Minsang sumalunga umahon sa bundok kasama si lelong,
Kami’y magtatanim sari-saring puno’t mga bungang kahoy,
Ang bilin sa akin ako ang magbantay, ako ang magtanggol
Kung sakaling ito’y bunutin nang ibang may masamang layon.

Ang hunta pa niya’y di na mauubos kahit habang buhay
Ang maraming tanim na hile-hilera sa bundok at parang,
Kahit daantao’t pansarili lamang yaong ibubuwal;
Hindi matatapyas, hindi mapapanot itong kabundukan.

Naging kaagapay sa lawa pagsisid, pag-umang ng lambat,
Buntunghininga ko’y di kayang tagalan sa dami ng pusag;
May talon pang labis sa gawing ulunang igpaw pasalapsap
Sa dami ng isda, ang aking si lelong napapakalatak.

“Di na mauubos ang isda sa lawa inyong pagyamanin.”
Laging sinasambit paulit-ulit pa ang kanyang habiling:
“Huwag hahayaang ang gangga daliri dito ay makitil,
Kunin lamang ninyo’y pang-abdon sa buhay para sa pagkain.

Ligaw na bulaklak hayaang lumago sa parang at gubat,
Pabayaan ninyong sumabog ang bangong humahalimuyak;
Pang-alis ng pagod sa maghapong pagal magdamag na hirap
Nitong Mangingisdang gustong makaahon sa lapot ng burak

Ang damong kawayan inyong pagulanging taga sa panahon,
Upang ang sumalit malaki’t mabulto pag-usbong ng labong;
Maging inyong sangkap sa bahay o balsa at gawing palangoy
Bangkis nitong lunday, papag na kawaya’t duyang umuugoy.

Kawan-kawang ibon hayaang dumapo’t magpalipad-lipad,
Paghanap sa kanyang pagkain maghapon at makapamugad;
Sila’y nagsisilbing taga-awit nitong himig na matimyas
Mga tagahanga’y binata’t dalagang pag-ibig ay wagas.

Ang mga talampas burol at dahilig h‘wag ninyong sasaktan,
Batong malalapad pipigili’y baha pagpatak ng ulan;
Mga punongkahoy ugat ang sasala sa bubog na kristal
Sasadlak sa lawang animo’y d’yamante tumining na linaw.

Ang tubig sa lawa huwag hahayaang dumumi’t kumupas,
Laging sasawayin ang lulusong ditong may labit na libag;
Tangad na inumin dito’y kinukuha maghapo’t magdamag
May daloy mineral na humakab ditong higit nagpasarap

Ang pulo ng Talim sa lawang Laguna ang huling habilin,
Kung dadapo’y tunggak pansarili lamang ang tanging layunin;
Ikunot ang noo’t iharang ang kamay huwag patuluyin
Aking pahimakas tanging atin lamang ang pulong may-aliw.”

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: