Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 21, 2008

Kalahating Dosenang Tula ni Tata

Nang Minsang Magpunta Kami Sa L.A.

Pupunta ako sa L.A. at sasakay ako sa dyip,
Kahit ako giniginaw ay pupuntahan kong pilit;
Dahil kami’y may usapan ng kaibigang matalik

Ako ay nag-stop over sa may fastfood ng Jolibee,
Palingon-lingong pumasok naupo sa isang tabi;
At hindi kaginsa-ginsa’y may dumating na babae.

Agad siyang kinawayan upang ako’y makilala,
At ako’y kanyang tinanong: Ikaw ba ay kumain na?
Turon at softdrinks wika ko! Sa counter ay umorder s’ya.

May dala siyang airoplane doon kami ay sumakay,
Ako ang naging piloto sa L.A. na pupuntahan
Ang number ay three zero four ng airport na lalapagan.

Agad akong nagpa-check in sa airport nangangasiwa,
Sabi ko ay tatlong oras mag-uusap, mahihiga
Nitong sakay kong babaing Birhen ang nakakamukha.

Ang Birhe’y biglang nangusap ako raw ba ay may sakit?
Dahil parang nananamlay ang katawa’t pag-iisip,
Ang sabi ko’y wala ito, yakapin lang na mahigpit.

At agad akong niyakap upang alisin ang lagnat
Ng puso kong nananabik at hindi pa nahihibas
Dahil gustong makapiling ang Birheng aking kaharap.

Apat na oras mahigit ang tagal namin sa L.A.,
Ang pawis ko’y gumigitaw sa katawa’y walang tigil;
Upang diwa’y manumbalik at pumalit, paglalambing.

Nang matapos ang bulungan agad kaming namahinga,
Kinain ang kanyang order at ang binili kong mangga
Doon ko lang napagtantong ako pala ay pwede pa.

Ang hagikhik walang tigil ng Birheng aking katabi,
Dahil kahit na may edad ang aming mga sarili’y
Kumakampay pa ang pakpak at dumuduyan sa ere.

At nang kami ay umalis sa L.A. na pinuntahan,
Para kaming mga batang naglalaro ng taguan
At sa nangakapaligid: Wala kaming paki-alam.

Sa Banig Ng Karamdaman

Nagsimula sa isang patik
Ang karamdamang kumakapit.

Mula nang tibagin ang pitak
Na batong palanas at pikat
Ay nagkaroon na ng tipak

Ang katawang wala nang takip.
Dumalaw ay maraming tapik.

Sa Panahon Ng Pagsisintir

Ang panahon ay nagsisintir,
Dahil kung minsan o madalas
Na nahuhuli ang kaniyang pagdating.

Maraming pagkakamaling hindi maiwasto
Habang humahampila ang tarundon ng taong
Dumarating sa mga taong ang buhay ay mayugto.

Bawat panahong kinakandili’y kasiyahan,
Walang sinumang dito’y nakahuhula
Kung ano ang magiging isang katapusan.

Maaaring isang pagkakamali o sinadya
Ang nagsisintimyentong disisyon
Kaya nilandas ang isang pagpapatirapa.

O, maaaring tama ang tinutungo
Subalit lansing nalilihis ang takbo ng pag-iisip,
At sa gawing huliha’y may kinatatakutang multo.

Hanggang sa dumating ang tamang panahon.
Kung kailan tumatangwa ang naglalakbay na araw
Sa pinanghihingalayang kumot ng dapithapon.

A! Panahon ikaw’y ganyan,
Sa panahong ang tag-araw ay lumalamig
At umiinit ang tag-ulan.

OO Lang Sinta

Sinisintang dalaga
Sa tabi ng aplayang
May labing mapupula’t
Dibdib na ga-papaya.

Bewang mo’y anong liit,
Sa koka’y nahahawig;
Pisngi mo’y anong nipis
Ang pilik ay malantik.

Ang mata’y parang buwan,
Ang baba’y manggang hilaw;
Parang pakpak ang kilay
Sa ‘kin ay bumanyuhay.

Lahat! Kapuri-puri,
Wala akong masabi.
Gandang pinintakasi’y
Panaginip sa gabi.

Ang nais ko’y bumigkas
Ng tulang nararapat,
Sa iyo nililiyag
Nang ako ay bumikas.

Pipi ang aking dila
Sa pagbigkas ng tula,
Subalit merong akdang
Sukat ikatulala.

Ang akda’y isang sulat
At isinisiwalat
Ang pagsintang tapat
Na OO mo ang hangad.

Ang Lubid Sa Quiapo

Ang Negrong Nazareno’y naglulutrina,
Isang kinagisnang tradisyon at kultura.
Panata ng lubid ang matiyagang hinihila
Nang hindi mabilang na taong nagtitika
Sa mausok at nanlilimahid na kalsada.
Mga walang sapin sa dalawang paa’y
Rehas ang pinapasok na lubid ng pag-asa.
At ang tanging dala’y puting tuwalyang
Sa pupong kamay ay ipinagpapasa-pasa
Upang maipahid ang libong pagkakasala’t
Silbing magtutungkab sa moog ng pagdurusa
Ng pawisang bilanggo sa andas na selda.
Kahapon, ngayon at kung may bukas pa,
Papaloob sa lubid ang luma’t bagong makikipista


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: