Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 21, 2008

Dalawampung Tula ni Tata

1. Alaala Sa Pasigan

Panutsa’t tira-tira
Ang baon sa umaga
Sa pamamalakaya.
Ilalagay sa gasa,
Gagaod ng masaya;
Ang lambat na hayuma’y
Nanghuli ng pag-asa.

2. Mamamalakaya

Hagok na gumagaod,
Mangingisda sa laot;
Susuyod at hahakot
Ng biyaya sa pusod.

3. Suro

Sinusuwag ng sakag,
Ang laginlin sa dagat;
Ang hinuhuli’y yapyap
Na sakmal na ng igat.

4. Mandadala

Bato-bato sa langit,
Ang babagsaka’y tubig;
Lambat ay ihahagis
Ang isda’y sinisisid.

5. Dayaray

Dahil ikaw ang anak
At bini ng habagat,
Yakapin mong maliyag
At maialiwalas;
Rikit-yuming pag-usad
At agawin mong ganap
Yugto ng paghihikab.

6. Tuod

Panahon ang nagtundos
Sa ugat mong sumuot
Sa madawag na bundok.
Hanggang sa magtagipos,
Amag, umok at bukbok
Ang lagi mong kayapos;
At walang nakatalos
Sa iyong pagka-ubos.
Kaya baha’y humugos
Nang umula’t kumulog,
Namalisbis sa ilog
Ang batlag ng hikahos.
Sa dagat ka umagos
Na luha’y umaanod.

7. Diona:
Pagkampay ko ng sagwan
Sa bangkang Kasiyahan
Ang luha’y napaparam.

Napipi man ang puso,
Torpe at isang dungo;
Tapat naman pagsuyo.

8. Tagapo*

Pilikmatang lungting nanuot
Sa siwang ng tumangwang bundok,
Kaligkig ng gabi’y kayapos;
Kaulayaw ang hanging Timog.

Laurel ka ng laksang makata’t
Pamutong sa isang dakila,
Luningning sa altar at sadyang
Pinitas para sa Bathala.

*dapo (fern)

9. Igat

Isang maliit na palos,
Sa agos ay nanalapsap;
Animo ay naglalayag
Sa pusod ng aming laot.

Ang paglutang mo sa tubig,
At pagkawala’ng hininga
Ay tanda at pagbabadya
Ng paghahapit ng lubid.

10. Tuso

Sa ‘ming baranggay
Sa Habagatan,
Tuso at yabang;
Pinaiiral

Ni manong Pablong
Naging birtuso
Sa panunukso
At panggagantso.

Minsa’y napikon,
Siya’y naghamon—
Away maghapon;
Walang pumatol.

Ibinalitang
Kaawa-awa
At pasa-pasa
Sa suntok, sipa

Ang nakalaban.
At nakaraan
Ang ilang araw,
May nakabanggang

Malaking bulas,
Siya’y tumalak:
Tayo’y magbaknat,
Sa iyo’y itak

Sa akin ay blade;
Tayo’y sumilid,
Dram na masikip
Doon magtagis.

11. Hukom

Ang malyeteng malupit,
Gamit ng umuugit
Na malikhaing isip.

12. Eskultor

Ang malyete at pait,
Gamit ng umuukit;
Na malikhaing isip.

Kahoy na ibinara
Ng bagyong rumagasa’y
Lililukin ko t’wina.

13. Diona Sa Performance Artist

Gahibla’ng umaawat
Sa malikhaing utak
Ng nagpe-performance art.

14. Amo

Ugali ni Consuelo’y
Umupo sa suwelo’t
Manood ng trabaho
Bago magpasuweldo.

15. Pagsuheto

Hagupit ng latigo
Ang ikinakastigo
Ni mang Bertong kutsero
Sa markulyong kabayo.

16. Gagamba(laing) Gagamba

Gagamba, ay! Gabamba,
Ang iyong pag-iisa’y
Gagambalain muna.
Ang dala kong sigwada’y
Makikisalamuha’t
Bahay mong hinayuma
Ay gigibain ko na.

17.Metamorposis

Ang babalu-baluktot
At maulog* na uod,
Sa tiyaga at pagod;
Lumilipad sa rurok.

* makupad, mabagal

18. Enerhiya Ng Alaala

Kagabi, ako’y nanaginip,
Isinasama kaming pilit
Nitong isang taong may karit
Na labit. Kaming magkapatid
Ay nagsisigaw, kumawala
At tumakbo sa tabing sapa.
Nanginginig kami kapuwa,
Nang biglang dumating si Inda.
Inihayag ko ang naganap
Tanong ko’y ano kayang hangad
Ng taong gustong tumalampas.
Siya’y tumawa at nangusap:
“Ang sumanib ay enerhiya
Ng iyong lumang alaala.”

19. Nabubuhay Kahit Saan Ang Langgam

Nabubuhay sa dagat
Ang langgam. Kumakagat
Sa bawat lumulutang
Na pakikinabangan.

Nabubuhay sa bundok
Ang langgam. Maindayog
Man ang baging sa bangi’y
Kanilang gagapangin.

Nabubuhay sa bayan
Ang langgam. Nanunulay
Sa abalang anino
Nitong kaminong tao.

Nabuhay kahit saan
Ang langgam, umaasa.

20.Talumpuso

Iyan daw salawahan
Ay mapagkikilanlan
Sa gawain at asal,
Pagtatalumpusuan.

Halimbawa’y sa live-in,
Huwag mong sasabihing
Pakasal kahit lihim;
Hindi ka babatiin.

Mas lalo kung malikot
Ang matang namimilog,
Tila hinahalughog
Ang kumakating sulok.

Kung sakali’t umibig,
Tiyaking di sasabit.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: