Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 17, 2008

Pahimakas sa Pagtanggap

Ako’y anak maralitang binigyan ng karamdaman,
Sa dahilang nagpabaya ang malakas na katawan;
Laklak dito, puyat doon ang lagi kong ka-aliwan
At hindi na pinapansin ang kay amang pangangaral.
Pauyam pa’t magtatawang: Ako si Tarsan! Di n’yo alam?

Palamara sa pagkaing nabibili sa kalsada
Na may ipis at nilangaw sa mikrobyo ay sagana,
Nasisinghot pa ang lason sa tambutso ng makinang
Sa maghapo’y lumulukob sa kinapos kong paghingang
Unti-unting nahihiga sa banig ng pagdurusa.

Kayhirap na maospital sa batis ng libong hapis,
Buntunghinga’y malalalim parang habol ang pagsisid
Sa perlas ng kagalingan sa kanser na sumasanib—
Na ang sukdol panalangi’y: O, Dios Amang nasa langit
Bigyan Mo ang Iyong anak ng isipan sa matuwid.

Mulang ako’y tinaningang ang buhay ay mauutas,
Kambal ang aking inisip! Ang matakot o matanggap.
Ang pagtanggap ang pinili ng diwa kong nabagabag
Dahil ako’y may katwirang Dalubhasa man o Pantas
Ang buhay ay ating hiram sa Lumikhang nasa ‘taas.

Humalakhak itong puso sa ginawa kong disisyon,
Kaya ako’y naririto sa masayang pagtitipon;
Umaarte, tumutula sa abot nang aking layon
Upang sa aking pagpanaw sa dako ng dapithapo’y
Isigaw kong: Naririto ang anak Mo Panginoon.

Enero 18, 2008
National Kidney Transplant and Institute (NKTI)
East Avenue, Diliman, Quezon City


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: