Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 16, 2008

Maghapon at Magdamag na Paglalakbay

Day off ko kahapon, umuwi ako sa isla ng Talim at bago ako lumulan ng bangka sa daungan ay naidaan ko ang kopya ng Unang Sulyap namin na ipadadala sa kamakata namin sa Australiang si Don Belardo. Naghanap ako sa Bgy. Libis sa Binangonan at di naman ako gumastos ng malaking oras para makita ang address, nagulat ako at nagtaka kung bakit kamukha nang nasira kong lelang ang matandang babaing nadatnan ko sa gasebo at sa nilaup-laop nang usapan namin e parehas pala ang apelyido nila ni lelang Euduviges “lelang Behing” Celones ko.Nagbida nang nagbida ang matandang kamukha ni lelang hanggang sa huling tanong niya ay: “Kanino kaya naisalin ang mga agimat at birtud ng lahi namin?” Napangiti ako.
Nagpahatid ako sa Pritil at sumakay ako sa biyaheng Talim,saktong alas onse y medya itinikin na papalaot ang bangka kong nilulanan, habang kami’y naglalayag papunta sa Talim ay kabuntot namin ang hindi kukulangin sa limampung kanaway na talaga namang nakapagpapanumbalik sa alaala ng nakaraan lalo’t sal-itang bumubulusok sa lawa upang dagitin ang nakikita nilang pagkaing ayungin, ugali kasi ng ayungin na pumaibabaw sa agos at nahahalukay na tubig sanhi ng paghiwa ng bangka at pag-ikot ng elisi. Kahit
sina lelong at amba at maging si ama ay hindi rin daw nila nakita ang pinamugaran ng ibong kanaway, lumaki ako sa bundok at lawa pero walang bakas na ang ibong kanaway ay sa lugar namin nangingitlog.
Manakanaka’y nakasasalubong kami ng mga mangingisdang malulungkot ang mukha, nakasasalubong din kami ng mga bangkang abot hanggang tainga ang ngiti ng mga nakalulan.Napatawa ako nang makita ko ang isang Mandadalang hubo’t hubad pa rin hanggang ngayon na hawak ang pambatong tinggang may hapin at palantaw samantalang nakasakbat ang lambat sa kayumangging kaligatang balikat.
Nang biglang umampiyas ang tikatik ng ulan sa palupo ng habong ng bangka at dumapyo ang dayaray na nanggagaling sa mahabang parang ng tubigan buhat sa kanlurang Laguna.Ikinabit ang pangtagilirang habong ng pinboy upang di kami mabasa nang lumapit sa akin ang isa kong matalik na kaibigang taga Makambong na nakasama ko sa Sentral Mindanaw, marami siyang ibinulong nang malakas dahil sa ingay ng makina ng bangka, gusto niyang lahat na sasabihin ay marinig ko, marami siyang ibinulong nang malakas na minsa’y nakakikiliti at nakasisindak.
Siya na rin ang kusang umalis nang ipangako kong nakiliti niya ako at nasindak sa kaniyang ibinubulong na malakas.At pangakong babalikan ko ang kwento niyang pabulong.
Ala-una ng hapon nang kami’y dumating sa Habagatan at lumakad ako ng kalahating oras upang makarating sa isang pulong na gaganapin.Inabutan kong may isang buhay na manok na nakagapos ang paa samantalang walang puknat ang bida ng dalawang babaing sintanda ko ang edad.
Hindi naglaon at unti-unting napupuno ang upuan sa isang kubong yari sa kawayan at pawid at ilang oras pa ay napuno na rin ng katuwaan ang paligid na kinalalagyan namin.Hapay na ang pumutok na araw sa kanluran nang matapos ang aming huntahan at pagpaplano.
Dumating ang sundo ko at mulang Makambong ay nilandas namin ng pamangkin ko at kasama sa pulong ang matarik na pantok patungo sa Amihanang Rayap, isa-isa kaming nalalagas na dahon sa pukas ng kaminong makitid na bawat madaanan naming bintana ay may pagtatakang sumisilip,ang iba’y nagbubulungan hanggang marating namin ang pantalang may naghihintay na isang bangkang pagukpok. at nang maibunsod ang bangka ang tinungo naman namin ay ang laot kung saan kami ay sumalok ng baklad. Ilang salyadang angat ng binanduryang salok ay nakita kong nagkikislutan at nagtatangkang umigpaw sa bangka ang nahuli naming kanduli, tilapya at ayungin.
Sinigang at prito ang ulam namin ng hapunan at bago kami muling pumalaot bago matulog ay inilabas ko ang isang librong pinag-gayatan naming magkapatid ng kaibang banyagang dalumat na galing kay lelang Behing, inisa-isa namin kung may umaalpas na salita at kung dapat na itong pakainin ng orasyon. Nagpainit si utol sa kaniyang palad ng tasa upang ako’y patikimin niya ng kumukulong kape na niluto niya sa kaniyang palad. May aklab pa ‘tol, may naghahanap kung nakanino na daw kaya ang mga agimat at birtud ng lelang Behing. Ang bulong ko sa kaniya. Nagkatinginan kaming mag-utol.
Hindi naman ako patay na parada upang hindi siya iwanan ng makukukot, dumakot ako ng isang dakot na mais sa bukot at nilapirot ko sa damit kong suot at ng pumuputok na ay ipinasahod ko sa kaniya ang malutong na binusang mais.Abot hanggang tainga ang kaniyang ngiti sabay tango at sabing: “tata ka pa rin hanggang ngayon, sino ba iyong naghahanap ng sa lelang na bulong?” taga bayan, kamukha ng lelang Behing, ako naman ang ngumiti.
Nang kami’y nasa laot, umulan nang malakas kaangkas ang amihan at natakot ang aking pamangking kasama kong matutulog sa laot, sinabihan kong magwalangkibo at walang makahihipo, lagi siyang nakatingin sa akin ng nasa kubo na kami sa laot at itinatanong lagi na bakit daw hindi siya nabasa gayong sinagasa nami’y ulan, sabi ko na lamang na baka naman hindi iyon ulan iyon, baka ‘kako hanging manibalang.
Tuwa akong pinapanood ang isda sa loob ng aming piskeyds nang makarinig ako ng mahinang putok, nakatawa ang pamangkin ko pagpumuputok sa ilalim ng tubig ang pinapuputok na Piccolo. Nakahihigit sampu na siguro ang putok kong naririnig at panay ang hagikhik niya nang sabihin kong bakit kahit sa ilalim ng tubig ay pumuputok ang Piccolo, maraming naging dahilan na kapani-paniwala naman, pinigil ko ang salita niya at sabi ko’y sige nga at magtesting ulit tayo kung puputok pa ulit iyang Piccolo mo sa tubig.
Nakasampung hagis yata ng Piccolo sa tibig ay ayaw man lang makisama ang paputok, sabi ko’y mintis yata ang natira mong paputok a! Nagtatakang napapa-honga po. Sige ‘kako at ako’y matutulog na magpaputok ka na at puputok na iyan dahil di ko na titingnan.Napapawalanghiya ang kaniyang salita nang pumutok ang bawat sindihan niyang Piccolo.
Nanggigitna ang gabi nang ako’y matulog habang hindi naman nakatulog ang aking pamangkin sa buong magdamag. Alas dos na ako nagising at may ibinubulong ang aking pamangkin: “Pahingi po ako ng inyong kinain.”


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: