Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 13, 2008

Wento muna

Kahapong Enero 13, 2008, alas siete na ng umaga ay binabalot pa ng abo-abong hamog ang kabuuan ng UP-Diliman, apurahan akong naligo kahit medyo may takot ako sa nangangaligkig na tubig dahil pupunta ako sa isang importanteng pagdiriwang.
Sakay ng aking Hondang dalawa ang gulong, pinalimping ko ang kahabaan ng palikaw-likaw na kalsada sa loob ng kampus papuntang Sunken Garden kung saan gaganapin ang okasyon.
Nang dumating ako’y nakita kong naroon na sina Father Robert Reyes at iyong dalawang babaing sabi’y mga unang babae sa Filipinas na nakatuntong sa utong ng pinakamatayog na bundok sa buong mundo at mga Siruhano ng East Avenue Medical Center kung saan ipagdiriwang ang National Cancer Conciousness Week.
Naitext ko ang dalawa kong kasama sa panulaang sina Kiko Montesena at Lorie de Roxas upang ipaalam na naroon na ako sa lugar na pagdarausan ng okasyon at di naman nagluwat ay magkapanunod silang dumating at ilang saglit pa ay dumating na rin si Ser Vim Nadera na siyang nagkumbida sa akin upang ako’y magperform sa okasyon.
Tinulungan ko silang magladlad at magkabit ng mga poster kaugnay ng okasyon
at ipinakilala ako ni ser Vim sa mga doktor at kasama kong performers na naroon, nasulyapan ko rin sina Bebang at EJ Siy.
Nanawagan si ser Vim sa naroong higit sa isandaang tao na magsisimula na ang Fun Run paikot sa academic oval ng UP kung saan pinangunahan nina Father Robert at dalawang mountaineer ng Mt. Everest. Nagpaiwan kami nina ser Vim, Lorie at Kiko sa lugar dahil baka malagtas ang tahi sa tiyan ko at meron din daw hi-blood si Kiko, si Lorie naman ay walang pamalit na t-shirt at si ser Vim naman ay abala sa paghahanda ng palatuntunan.
Di naglaon ay dumating na ang pulutong na tumakbo sa oval at ito’y sinalubong namin nang masaganang palakpakan kasabay ng pagbubukas ng pormal na palatuntunan.
Pinangunahan ng UP Cherubin ang pambungad na Pambansang Awit na sinundan ng pagmamadyik ni Amazing Arnold na ang mga canser patient ay lipos na nasiyahan, tumula rin si Bebang Siy na patungkol sa mga may kanser, at tumula rin ako ng “Tayo’y Ulan” na inimetapora ko ang ulan sa mga biktima ng kanser, panghuli’y si Kiko Montesena na tinula ang “Dibdib” na patungkol din sa mga may kanser sa suso na kinagiliwang lahat nang mga nanonood.
Matapos tumula si Kiko ay nagpainut-inot na kaming umalis ni Kiko at inihatid namin si Lorie sa kaniyang trak, nagtuloy kami ni Kiko sa aming bahay upang kunin ko ang tabak na ipina-alob sa akin ni pareng Bobby Anonuevo at dumeretso kami sa Kolehiyo ng Arte at Literatura sa UP dahil may deliberation ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) sa mga nagworkshop ng isang taon sa pagtula upang uriratin ang kanilang pinaling tula sa kanilang folio at ipasa ang mga nakatapos kung naka-abot sa pamantayan ng LIRA ang kanilang mga akda.
Dumating kami ni Kiko na naroon na sina Mic Camba, En, at Kath Tolosa, sabay na dumating sina Bebang Siy at EJ (na may ibinulong sa akin tungkol sa isang magandang wento sa LIRA), ser Rio Alma na kabuntot sina Ergoe Tinio at Nanoy Rafael, dumating din sina sers Marne Kilates at Romulo “Joey” Baquiran, Charles Tuvilla, April Imson at Repa Galapos.
Nagsimula ang deliberation at kinuha lahat ang aming opinyon sa proseso kung ano ang mga prayoridad na pamantayan sa mga dapat pumasa. Nagbigay punto ang lahat at ang katapusang nagbigay ng kaniyang obserbasyon sa pagpili ay si ser Rio Alma kasabay nang paglalahad kung sino ang kaniyang napisil na dapat ikonsiderang pumasa, sina Phillip Kimpo Jr, Rogerick Fernandez, John Montoya at Pau Hernando ang nasa unang listahan niya.
Nagpatuloy kami ng deliberasyon nang umalis pagdaka si ser Rio Alma (dahil may importanteng lakad na sinabi na niya nang unang pag-upo pa lamang namin sa loob ng KAL room 201.) Nagteks ako kay pareng Bobby kung makararating siya sa deliberation at nagreply siyang hindi makararating dahil nagkasakit ang kaniyang asawa at dadalhin sa doktor. Nagpaalam ako kay Bebang na kailangan kong umuwi dahil nagkukuratsa ang mga lintsak na istorbo sa aking inoperang tiyan.
Nakaboto ako ng tatlong beses sa mga napili kong dapat ipasa o I-probi sa mga fellows ng LIRA at tuluyan na akong umalis sa deliberation room.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: