Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 9, 2008

Walang Bakas Ang Kahapon

Muli kong dinalaw ang bakas ng aking kamusmusan
Sa dunggot ng mag-asawang bato sa pulo ng Talim.

Naroon pa rin ang huklubang batong nagpakapal ng aking sakong,
Pakat na sa rabaw ng mag-asawang bato ang namuting lumot ng alimagmag.
Wala akong maaninaw nang naiwang lumang bakas ng aking kahapon
Maliban sa isang punong sampalok na kahit sinasalaysay ng matatandang
Inabutan na nilang ganoon kalaki ang puno ay hindi pa rin ito tumatangkad.

Hinuhubaran ko sa titig ang tubig at kalmeng hinubad ang aking damit.
Lastag akong sumasuso sa utong ng babaing bato,
Ibinaluktot ang aking tuhod
Upang maulit ang pinanabikang pag-imbulog
Una ang kambal kong kamay sa nag-aabang at nag-aanlog na tubig.

Una ang ulong pasinghap akong lumutang
Sabay pahid nang pabaligtad ang palad mula noo hanggang baba
Upang pahirin ang hilam sa mata ng maanyayang tubig.
Isang imahinasyon ang umimahen sa lalaking batong
Tila sakbibi nang kalungkutang inaaliw ng gumigimbol na waterlili.

Ramdam nang buo kong katawan ang yakap sa akin ng tubig.
Wala ang dating ligamgam na siyang nagtutulak
Upang pasalapsab na magtampisaw
At kumalawkaw sa banig ng tubig.
Walang kumikilos na agos upang ako’y ibuyog
Sa tumpok ng kuwebang bato sa lunas ng tubig.

Sinikap kong arukin at tarulin ang lalim,
Nang dumakot ako ng putik ay hindi ko naramdaman
Ang mga susong
Sulib,
Pilipit,
Kuhol,
At papan
Na hinihilod ng agos ang bumalantok na likod.

Isinikad kong pasalibsib ang aking paa
Upang himasin ang bulbol ng gumigimbol na lili,
Wala na rin ang dating nagniniig na sipitang tagunton
At mapuputing similya ng kuhol;
Walang yapyap na dumantay sa aking brasong
Naghihintay ng kanilang pagtusok.

Marami akong hinanap sa aking kamusmusang
Hindi ko natamurawan sa lumalabong tubig
Sa lawa ng Laguna.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: