Ipinaskil ni: Raul Funilas | Disyembre 5, 2007

Pentalogo

I
Bulaang Hangin Ang Mga Pulitiko

Isang buhawing buhangi’y hindi sapat na mabilang,
Ang titis ng alikabok na humangi’t sumalimbay
Sa nalulumpong pighati nitong sinisintang bayan;
Bawat payapas na dala’y naramdama’y yutang agam.

May bulong ang sigwang hanging lumilipad na matayog,
Tingnan yaong salipadpad nalilibot yaong rurok—
Pahugos ding tinitiklop inarok ang pusod-laot;
Umiikot, bubulusok, nananaklot nitong bundok.

Nanunuri’t nagtatangkang magdayaray ang habagat,
Tiklop-tuhod sa amihang may pangakong pangungusap;
Ang salata’y sinilindro’t inoyayi ang sabalas
Nang mahimbing na ang tulog ay dagliang ibabagsak.

Nililibid bawat dunggot hinahaplos ang kuwengka,
Nanunuot sa bikilan at tainga ng kuweba;
Isinasaboy ang tatlong magigiting na persona
Isang libong kasiyahang takip sa dalawang mata.

Kumakatok na mabunyi ang ulo ay nagsisinag,
Sa pintuang kumikinang nitong malagintong andas;
Lumuluhod at padipang umuusal na matimyas
Ngunit hangal na humingal ang hangad sa ginto’t pilak.

II

Maiksing Eskema Ng Eksena Sa Bayan Namin

Si Bang-aw ay isa lamang sa limang batang lagalag na ligalig
Sa lansangang naglalansa ang kalan ng kanal at imburnal.

Ang limang daliri’y isinuksok sa naglalantiting garapong pawis,
Upang bumalani ang pampasabog na lasa ng kultadong asin

Sa ga-ulo ng pusang may umok sa nakabalot na kaning kinakain
Ng mga batang butusing nakapalibot sa styro foam ng McDo at Jolibee.

Araw-araw na nasa apat na sulok ng nanlilimahid at hukot naming bayan
Ang angaw na bangaw na lipos naglilibang sa nakasusulasok na basurahan.

Ginagalugad ang palibot at nagbubulungan, nagpapandyikme at nakikipag-galbutan
Sa bungangang tumatanghod sa burarang lapad ng dulang na nakapangangasim.

Galit ang limang bata! Pinaglalagod nang hataw ng dalawang pirurutong na palad
Ang mga ligaw na bangaw na sa pagkain ay kanilang laging kaagaw…araw-araw.

III

May Rilim Ang Langit Ng Kayumangging Kaligatan

Bakit kaya nagkabatik ng putik ang impit na hibik
Ng aming libong hikbi? Nagtatandis ang hilong isip—
Tuwing kami’y dumadaing, tuwing kami ay pinipilit
Na umamin na kami’y kaaway ng lipunang malinis
At sintatag ng moog na humihilera sa buong daigdig.

Kailan namin mahuhubad ang wagas na pagkakakalag
Ng lubig sa iniaakusang kami daw ang mangagwawaldas
Sa matatag na Republikang ang pandak ang tumatangkad
At tinitilanghad ng balanang humahakhak ng halakhak
Sa paglimas ng kabang limpak ang naniningalang pugad?

Balatkayong pangungusap lagi ang kumakalat sa inistupadong
Dila ng namumunong siyang nang-uulaol sa pulitiko’t sundalong
Ang bisyo ay mangguhit sa basal na prinsipyo ng abang tao.
Kaya kami umaalma, kaya nangingilid na masasal ang paghuldo
Ng aming mga hikbi. Subalit bingi ang katarungan ng talarong

Itinaas ng babaing nakapiring at may tangang espadang walang talim.
Kailan kami lulusong sa batis ng katotohanan? Kailan kaya maisasalin
Ang matining na agos ng kapayapaan sa tapayang laging nagdidilim?
Kailan magpapantay ang dalisdis ng kabundukang aming nililimping
Sa araw at gabi? A, bayan naming Filipinas, ang langit mo’y laging nagdidilim!

IV

Por Dios Por Santo
(Por Deis Porsiyento)

Por dios por santo naman,
Ano na bang nangyayari sa ating bayan?
Ganito na lamang, ganire na lamang ang lamangan
Kahit saang departamento ng pamahalaan.
Ang sabi nila’y nangaglilingkod,
Por dios por santo! himig nakalulugod.(At nakasusulasok!)
Ang problema, lahat nang ahensiya…nangangungurakot…
Lahat yata e por deis porsiyento! Ang kapal ng mga apog.

Nakupo! Saan na papunta ang bayan ‘tang Filipinas?
Gahis na ang hiya ng mga alanghiyang Kumag.

Ano na ang sasabihin ng ating sisibol na lahi?
Papaano natin ipaliliwanag na tayo’y nagapi?
Oo, hindi natin nakayang labanan ang mga budhi’y
Gasingkakapal ng pader doon sa Malakanyang na gusali.

V

Walang Katapusang Laban

Giniyahan ka upang matalunton
Ang lingas ng Lantay na landas.

Subalit, hinila ka ng iyong sarili
Paa upang palimpingi’y
Ang madawag na gubat.

Walang retina kumisap sa pag-abot
Ng medalya at diploma,
Bagkus, inasinta mo ang pagsinta
Ng armalayt at nagbabagang bala.

Ikinasal ka sa lukob at basal na prinsipyo’t
Lumuhod sa bawat labanang
Nagngangalit ang bagang at litid.
Nanganak ang iyong adhika at kumalat
Ang naglalagablab na bulong sa liblib na nayon
At sa hindi natutulog na magulong siyudad.

Sa mga anak ng bayang siyang magsusuhay sa papahapay
Mong buhay, doon sa kumikiling na kanluran.

Ipagbubunyi ka namin…
Oo, Ikaw! Ikaw na Matandang Mandirigma…

Magiting kang ituturing
Sa hinakab at pinakat mong kabayanihang
Siya nating ipinaglalaban.

Umasa ka sa ayugkong ng aming pangako,
Pasasalibsibin namin ang aming kumintang;
Kami ang magpapatuloy
Sa hindi matapos-tapos
Na digmaan—
Ng Pilipino
Laban sa
Pilipino.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: