Ipinaskil ni: Raul Funilas | Disyembre 5, 2007

Ebakan

Panahong bakasyo’y sinundo si lelong sa liblib kong nayon,
Upang makaranas ng buhay sa lungsod doon maglimayon;
Dahil humahapay ang kanyang kanlurang nagdarapithapon.
Naku! Laking tuwa’t agad na nagbalot ng baro’t pantalon,
Sa apo’y humalik, lahat nang naroo’y nagbigay bendisyon.

Nang kami’y sumakay sa prahung gawanga’y tila naluluha,
Hinaplos ang dahit ang tikin at katig ng sinakyang bangka;
Naroong kumaway sa bawat makitang kanaway at isda,
Ang usal…paalam, paalam kabangka habang kinakapa
Ang loob ng takbang kinalalagayan ng kanyang pang-nganga.

Sa madaling sabi’y agad na narating ang aming apartment,
Malikot ang matang tila nanibago sa kanyang paligid;
Kinuha ko’ng takba’t binuksan ang pinto ng magiging silid,
May bulong na sambit: “ Bakit ba ganire’t sobrang pagka-init?
Ako ba’y tatagal kung laging tagaktak ang tulo ng pawis?”

Mag-iisang linggong waring nasasanay ng buhay sa lungsod,
Subalit may gabing bibiling-baligtad hindi makatulog;
Bakit daw ba gayon ang araw sa lungsod aayaw lumubog?
Pati daw kuliglig ay iba ang himig maharot ang tunog—
Ang huni ng ibo’y parang pamarakas at sirang pasiyok.

Minsa’y nagbabala ang Manila Water mawawala’ng tubig,
Wika ko ay lelong: Lahat nang lalagyan kayo ay magsilid;
Sa batyang orocan, dram, bote ng koka at inyong ipinid
Ang pintuan nati’t baka manakawan sakaling maidlip;
O kaya’y huyhuyan ang bawat makitang tila naninilip.

Sa aking pag-uwi, laking pagkagulat si lelong ay pata,
Agad kong tinanong bakit po ba amba? “Naku! Walanghiya!
Lahat mong inutos na punin ng tubig ay aking ginawa;
Subalit may isang maputing tapayang tila butas yata!
Aba’y di mapuno kahit libong salin hanggang sa manlata.”


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: