Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 28, 2007

Takwil

Takwil
by Raul Funilas

Isinilang tayong may pagtatakwil
Takwil ng panahong inugit
Nang mga itinakwil sa ating panahon
At itinatakwil natin ang pagtatakwil na ito

Bakit pa tayo isinilang
Sa isang panahong walang paggalang?
Hindi na iginalang ang kawalan
Ang uhang namumulas sa ating labi.

Malamig at walang ligamgam ang pangko ni lola,
Walang init ang matipunong bisig ni Itay,
Mga dalit ng gutom ang itinataghoy
Na sumasalit sa korido ng kuliglig.

Mas malakas sa ating uha ang ingay ng kalam
Ng sikmurang hungkag,
Huran ang mga harot
At kiring talipandas ng panaginip,
Walang bukang liwayway sa umagang ulila,
Mas maugong ang tunog ng katanungan.
Bakit pa tayo isinilang
Kung mas malakas pa ang ating uha
Sa dagundong ng kalam?
Ng sikmurang hungkag

Mas malapot sa ating luha
Ang daloy na naglalandas sa tuyong batis.
Nasaksihan natin ang dilim na umakbay
Sa mga walang mailaman sa kalam.

Sa ating paglalayag ay pinutol ang ating dila,
Tinungkab at tinuyo ang bao ng ulo;
Hinuyag ang ating pagkatao
Sa nagngunguyngoy nating kalagayan.

Tumalab ang pagtatakwil.
Hindi na kayang papati-anurin sa agos,
Ngunit kaya nating banlawan
Ang mundong bilog
Sa apat na sulok ng daigdig.
Kaya nating paguhitin ang mga umid na ngiti
Sa dilim ng karimlan at takipsilim,
Kaya nating iburda ang mga panaginip
Sa katsa ng layag ng pagtatakwil.

Kaya nating pakinggan ang mga haraya,
Kaya nating ulinigin ang mga saliw ng korido
At lumimlim sa bagwis
Ng kanyang halinghing.

Kakayahin nating tingalain
Ang lambong ng alapaap
Na binalangkas
Ng amihan
At habagat

Huwag na tayong tumitig
Sa ningas ng silanganang
Sinasabing pinagmumulan
Ng mga bungkos na biyaya.

Humulagpos na rin tayo sa mga yakap
Na walang pandarang
At walang pagmamahal.
Hayaan nating dumaan ang sumpa.
Dahil isa itong kasaysayan
Ng pagtatakwil


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: