Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 21, 2007

Nasa Kuta ang Ginto sa Lawa ng Laguna

Nang minsang maglayag sa lawang Laguna,
Dahil sa mahigpit na isang anyaya
Ng dating kabunggong balikat sa isla
Ng Talim, binyagan ng anak na sinta;
Sa pista’y sinitang pangalawang ama.
Malalaking alon ang sinasalunga
Ng sinakyang bangkang may isang dalagang
Apaw ang paninda sa dalang banyera,
Nakaw kong sinulyap ang lantaying ganda’t
May biloy sa mata akong nakikita.

At kami’y dumaong sa dalampasigang
Salubong ang batang hindi magkamayaw,
Magandang dalaga’y dagling tinulungan
Sa banyerang puno ng dala-dalahan;
Nahihiya siyang mabining umusal
Ng pasasalamat: “H’wag na po dayuhan—
Dahil kayang kaya at ako ay sanay
Sa ganyang bitbitin sa pang-araw-araw.”
Ako ay namangha at napatigagal,
Halikwat na dala’y tila ba kay-gaang.

Sinundan ko siya pag-ahon sa baryo
Na pakiwal-kiwal ang kinakaminong
Dinig ang musikong tugtugi’y pandanggo.
Maka’tlong luminga’t inaalam ako
Kung sumusunod pa, minsa’y lakad-takbo;
Ako’y patay-maling titingin sa patyo
Ng bisita’t kunwa’y hanap ay kanaryo.
Hanggang sa sinapit niya’y isang kubong
May nangaglulutong nangakasumbrerong
Sagwan ang panghalo sa kunating biko.

Kaagad nawala sa aking paningin
Ang sinusundan kong tila isang bitwin,
Isang pagtatanong ang aking pasaring
Sa nangaghahalo: Pwede pong alamin
Sa inyo ang bahay ni kumpareng Pedring?
Ako po ang ninong ng kanilang supling.
“Aba’y pasok amang! Tama ang landasin,
hindi ka lumayo’t naunang dumating
ang kanyang kapatid; hayun sa may hardin.
Pedring, may bisita! Iyong kawasain.

Aming kumustaha’y lipos walang puknat,
Daka’y pinaupo at dagling tinawag
Dalaga sa harding may-umit na sulyap
Sa aming dalawa. Caridad! Caridad!
Ang aking kumpareng galing pa sa s’yudad
Iyong ipaghain ng lutong masarap,
Sa iyong pamangkin siya’y maghahawak
Sa binyag. Salamat po, magandang dilag.
Kimi ang dalagang hindi maka-usap
Dahil alam niyang ako’y kanyang bihag.

Habang kumakain ako’y nakatitig
Sa kanyang kariktang sadyang naaakit
Ang uhaw kong pusong namimiling pihik.
(Kaya nga lumipas palaging may tangis.)
matapos kumai’y mabining lumapit
at may hawak-hawak isang lumbong tubig,
di ko inaksaya ang saglit, mabilis
kong sambit: Caridad, puso’y pumipintig
Sa ‘yong kagandahan— ikaw’y iniibig;
Iniwan ang lumbo’t agad tumalilis.

Tinungo’y batalan at doon nagmukmok,
Sapaw ang giyaot at sagilang takot;
Baka masamain ang ligaw kong dulog
Ng aking kumpareng alam kong nanubok
Sa kislaping mata at iba kong kilos.
Agad na hinagod ang lisag kong buhok,
Apuhap ng labi’y ang laway na tuyot;
Mapatawad kaya ang mutawing handog
Sa kanyang alindog? Si pare’y hinaplos
Ang likod ko’t gagap: “Ikaw’y umiirog

Sa aking kapatid?” Ako ay tumango,
Hiyang nangat’wiran sa pangrarahuyo
Nang ura-urada. “Di ka mabibigo
Sa aking kapatid, ang iyong pagsuyo’y
Iniloob niya sa nalitong puso
Kaya sa batalan siya ay nagtago
Ay upang umiwas at huwag masilo
Ng lubid mong puso ang pusong namugto.
Umasa ka pare pag-uwi’t paglayo,
Sa ‘yong pagbabalik: May yakap kang ginto.”

Kuta

Halika na Paraluman sa kuta kong binalangkas,
Itinayo nang palihim sa lungki’t k’wengkang madawag;
Kogon lamang at palipod pumasok kang buong ingat
Dahil ito’y marupok pa’t baka ikaw ay masilat.

Dati akong tagalungsod na ang hanap ay tahimik,
Isang buhay na payapa at malamig na paligid;
At dito ko natagpuan sa baranggay mong maliblib
Palagay ko’y ang hininga’y dito na rin mapapatid.

Katalik ay alaala’t kayakap ko’y mga hangin,
Sa tudla ng silangana’y naliligo itong aliw;
Kapiling ko’y mga ibong dumadayaw ng awitin
Kalaro ko’y mga isdang sumisisid ng malalim.

Alingawngaw ng batingaw ang hudyat ng dapithapon,
Ito’y tunog panalangin sa pagdatal ng orasyon;
Lawiswis ng kawayanang sa kuta ko’y lumalambong
May himig din ng awiting kumakaway sa maghapon.

Sa bintana ng kuta ko’y natatanaw yaong ulap,
Sa wari ko’y may kundimang gusto itong ipahayag;
Na ang tubig na kinandong nahihirapan pagbuhat
Kaya kanyang ibubuhos sa batisang parang igat.

Sa paglipas nitong gabi nagkalat ang libong bitwin,
Ulila kong pag-iisa’y inaalis ang panimdim;
Sa ilaw na mahiwaga na sa langit ay tanawin
Sa diwa ko’y nagigising nakaraang nahihimbing.

At ang buwang nag-iingat ng dusa ko’t kasawian,
Nagsasabog sa kuta ko ng sanlaksang bulalakaw;
Ito rin ang nagsasabi sa gunitang nakahimlay
Ng gilawgaw na pagliyag sa ‘yo aking Paraluman.

Ang anas kong pagdarasal humahagdan na palangit,
Harinawa ay tanglawan ng nagkumpol na Pliyades;
Sa atin ay maghuhudyat upang ating pananabik
Sa kuta kong binalangkas doon tayo magniniig.

Umasa ka Paraluman sa pagbubukangliwayway,
Ang mundo mo’y magbabagong walang lungkot, walang lumbay;
Sa kuta kong binalangkas anak nati’y isisilang
Upang sa ating pagtanda sila’y maging kaagapay.

PAGLUWAS

Katirikang araw ako ay lumuwas,
Ang sinasakyang bus parang lumilipad;
Hindi pinapansin ang lukong na lubak
Ang pintig ng kaba’y binabag nang kulag.

Ako ay bumaba sa mahabang EDSA,
Kaydaming pulutong patakbo ang martsa’t
Iwinawagayway ay bandilang pula;
“Ngayon! Ang bigkas, “Kung hindi’y kaylan pa?”

Sa nilakad takbo’y tiyan ko’y kumalam,
At ako’y pumasok sa pulang restoran;
Santambak ang order ng kanin at ulam
Kuwarta’y nasaid nang aking bayaran.

Busog at malungkot humiga sa parke,
May nag-uulutang lalake…lalake?
Haling halinghinga’t pingkian ng bote;
May piping halakhak sa dal’wang salbahe.

Maghahatinggabi’y ako’y bumalikwas,
Dahil kinakalbit ng bundat na Parak;
Binabagansiya itong alimpungat
“Doon sa presinto at magpaliwanag.”

15 Setyembre 2005


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: