Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 21, 2007

Mga Tula ni Tata

Gurlis

Walang dalang lisya ang damping pag-uma,
Ikaw ay nagulat at dagling pumitlag;
Sa kurot mong pino’y kumirot ding bigla
Tiklap ang balat ko at dugo’y umagas.

Kumalat sa ugat hanggang sa lumikaw
Sa bibong gilawgaw.(kay-daming nabatid.)
Bubot na pag-ibig sa paslit na hibang,
Ang nakaw na halik gusto kong ibalik.

Alam ko, may galit ka pang pinapangko,
Hindi pa naghilom ang bakas ng labi
Ko sa iyong pisnging tumagos sa puso—
Sugat ng kahapo’y alaalang lagi.

Handang magkasugat ang mitig kong braso,
Kung gugurlis muli’y matulis mong kuko.

Pentalogo Ng Halik

Nakaw

Nang unang hagkan ko ang noo mo’t labi,
Kay-sarap namnamin ng umang pagdampi;
Manipis na kurot ang ‘yong isinukli’t
Tumunghay sa langit ang umid mong ngiti.

Sumpaan

Ikalawang halik nang tayo’y ikasal,
Sagutak ang tunog napukaw ang altar;
Puso’y kumalembang animo’y batingaw
Inialingawngaw, tayo’y nagmahalan.

Sugat

Ikatlo mong halik noong nagkasala,
Nang minsang rahuyo’y inakit nang iba;
Ako’y patawarin sa lisya ko sinta’t
Ang tao’y marupok tila baling sanga.

Pagsisisi

Pang-apat na uma’y nang ikaw’y mahiga’t
Naratay sa banig, dasal ko’t antanda’y
Nawa’y kayahin mo ang banta ng luksa,
Upang madugsungan ang pangakong takda.

Pahimakas

Ang huling halik ko at pabaong lubos
Ay galing sa pusong minsan ay dumupok,
Paghatid sa iyong minoog na puntod;
Hindi maglalao’y ako ay susunod.

Pentalogo Sa Bagong Ikakasal

1. Isiping ang Pag-asa

Sambuntong dahilan ang isiping
Marami pang dapat isiping
Sa sarili. Bilang mag-asawa,
Sikaping landasin ang pag-asa.

2. Suong sa Sigwada

Kumbaga’y namamangka sa laot,
Ang lalake ang dambang gumagaod;
Ang babae ang siyang naglimas
Upang ang lunday ay makausad.

3. Ilaw ng Edukasyon

Sakali at biyayaang supling,
Tiyaking malusog at matabil;
Tanglawan ng ilaw yaong daan
Sa edukasyong dapat puntahan.

4. Paglaban sa Tukso

Sa sikwat ng alon ay lumaban,
Huwag aangkas sa kiring duyan;
Huwag yuyupyop sa lisyang pugad
Kauling damdami’y magsusugat.

5. Kaligayahan

Paglubog ng pulang dapithapong
Ubaning buhay,maraming ipong
Apong maglalaro sa bakuran
Ng masayang bahay na sinimpan.

Rondel Ng Panibugho

Nagpipilak ang buhok ko sa bawat mong panibugho,
At dibdib ko’y kumakabang nag-iba ka ng damdamin;
Baka hindi ko makaya ang mahayap mong bigkasin.

Gumuguhit sa isip ko’y isa ka nang balatkayo,
Ang hanap mo ay kalinga ng bata pa’t bagong giliw;
Nagpipilak ang buhok ko sa bawat mong panibugho
At dibdib ko’y kumakabang nag-iba ka ng damdamin.

Nasaan na ang pukyutan ng bubuyog na pangako?
Ang lasap ko’y kapaitan kung kailan takipsilim,
Minsan nama’y humarap ka sa malinaw na salamin.
Nagpipilak ang buhok ko sa bawat mong panibugho
At dibdib ko’y kumakabang nag-iba ka ng damdamin,
Baka hindi ko makaya ang mahayap mong bigkasin.

Tayabas Quezon

Lumalambayog na Pangarap

Nangarap makarating
Sa Maynila si Pasing,
Papasok sa pabrikang
Gumagawa ng pera.
At biglaang natupad,
Nakarating sa s’yudad;
Namangha sa kislapa’t
Kodak daw ang lansangan.
Agad na nakahanap
Ng trabahong pangarap,
Katulong ng mayaman
Sa may liwasang bayan.
Ang akala’y pabrikang
Ang ginagawa’y pera—
Huli nang matuklasang
Puri’y nalapastangan.
Umuwi sa probins’yang
Humilab na nabundat
Ang tiyang merong anak,
Ang kaniyang kat’wiran
Sa nanlumong magulang:
Ang kaniyang asawa’y
Namatay sa sakuna.

Taling ni Taling

Lumaki si Taling sa liblib na nayon,
Tampulan ng tukso ang taling na usbong
Sa tuluang luha. Kaya napipikon,
Pag daw nag-asawa luha ay babalong.

Nang pinamukulan at ganda’y lumantad,
Kay-daming napukaw na pusong tumimyas;
Ngunit namamanglaw sakaling mahayag
Ang pinamasyonang lumang pangungusap.

Minsa’y may naligaw na hagbayong hambog,
Agad na sumampa sa hagdang matayog;
Nasa ay sungkitin kay Taling na sagot
Hindi bumisalang sa luhog…natuhog!

Nag-oro plata na’ng anibersaryong kasal,
Ang hagbayong hambog ay buhay na buhay.

Lusaw

Unti-unting nauupod sa gipuspos
Ang umaalagwang mainit na luhang
Nilulusaw ng nakatirik na tundos

Sa bukanang kahong moog. Bawat patak
Nito’y sumusurot sa tatag ng dibdib;
Mainit na tumagos sa aking utak.

Iilang tikatik ng liglig na ulan
Ang nakalipas. Nilisan mo ang mundong
Nagpaanod ng agos sa dugong buhay

Ng aking pag-ibig. Saan ikakadlo
Ng inumin ang nauuhaw kong mata
Upang sa harap ng puntod mo’y tumulo’t

Sumalamuha sa patak ng laginling
Kandilang marupok sa hihip ng hangin?

Halik sa Lupa

Ang labi ng nalalabing lalang sa daigdig
Ay namamaalam. Idadampi ang halik—
May halik ang bituin sa lawak-himpapawid
Upang magsaboy ng kislap-kutitap sa lahat.
Lahat ng ulap ay yumayakap sa matarik
Na bundok at ibinubuhos ang kinikipkip
Na tangaring tubig, upang ang tigang na bukid
Ay maglawa at matighaw ang uhaw ng mga halama’t lambak.
Malawak na dagat ay may along tumatawid
Sa ungot ng kulog at tudlik na sumasagitsit,
Ang tinutudla ay dalampasigang malinis.
(May halik na banayad ang anak na lagalag.)
lagalag na nilalang sa nahilong daigdig
sa ulilang puntod. Kahuli-hulihang halik.

Puso

Lumigwak ang tubig sumanib sa dugo,
Dahil sa malikot ang galaw ng puso.

Laging naglalangoy sa malalim na buhay,
Kaya lumilikot ang paggalaw ng puso.

Ang kalmanteng dagat at walang bagabag,
May likot na gumalaw sa pag-ibig ang puso.

O, lipos na sintang pagsuyo sa samong masinta,
Masidhi ang likot ng galaw-galawgaw sa puso.

Saanib sa agos at dadaloy sa batis at ilog
Ang likot ng galaw-gilawgaw sa natudyong puso.

Ang puklo ng alon ay titiyad, gugulong
Sa likot at galaw ng magkasuyong puso.

Rondel ng Tatay

Namamanhid ang palad ko kapag ikaw’y nagmamaktol,
Umaandar ang makinang pagod na sa hanapbuhay;
Taon-taong paglilihi’y anak nati’y nadagdagan.

Ang sigwadang mabubugso’y asahan mong sinusuong,
Halumigmig nitong gabi’y wala akong kapaguran.
Namamanhid ang palad ko kapag ikaw’y nagmamaktol,
Umaandar ang makinang pagod na sa hanapbuhay.

Ngumingiti ang pag-asa bawat luwal atang sanggol,
Naglililok ang puso ko ng bahay na kakanlungan;
Bawat muhong maipako’y may papuring palakpakan..
Namamanhid ang palad ko kapag ikaw’y nagmamaktol,
Umaandar ang makinang pagod na sa hanapbuhay;
Hanggang kaylan ba tatagal ang haligi ng tahanan?

Valerie

Umaalon ang tolda,
Umaalon ang brotsa,
Umaalon ang katsa,
Umaalon ang pintura.
Nagliliyab ang mata
Ng apoy sa komida,
Nagniningas ang pagnanasa
Ng binata at matandang nakakita
Sa modelong nasa tabing lona.

Ang modelong tila diwata’y
Nagkukubli ang hiya,
Mas higit ang mga butil na luha.
Valerie, mamaya,
Ang kubling luha’y may kaunting biyaya.

Bayaw ko
(Sa himig ng Bayan Ko ni Jose Corazon de Jesus)

Ang bayaw kong ander de saya,
Kay-laki’y takot sa asawa;
Paggising niya sa umaga
Nagluluto, naglalaba.

Pag-uwi siya’y apurahan,
Deretso na sa plantsahan;
Habang binabantayan nilulutong ulam.
Sampalin mo man at batukan,
Sipa-sipain at tadyakan;
Walang reklamo ni minsan man
Kahit na siya’y nasasaktan.

O, bayaw sana’y gumising ka,
Putulin sungay ng asawa;
Aking adhika: Makita kang walang saya.

Sawi

May hikbi bang matamis
Sa pagluhang kay-pait?
Wala! Nagliligalig
Na puso’y humihibik
Lamang sa alipusta
Ng manunudyong diwa.
May matamis ba? Wala!
Iibig ka pa kaya?


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: