Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 19, 2007

Hudas Sa Langit at Makatang Sampay Bakod

Hudas Sa Langit

Raul Funilas
Oktubre 17, 2006

Sa bawat bituing lumitaw sa langit,
Ukilkil sa diwa’y nais kong masungkit;
Para maihandog kay Neneng inibig—
Opalong aranya sa lukong ng dibdib;
Talang maririkit na walang kaparis.

Nahihiwagaan bawat makakita.
Ikaw ba’y Mapulon o Hudas talaga?

Halina’t tanawin ang kumpulang tala,
Upang magliwanag ang subyang na diwa;
Dapat na makita’y tagong talinghaga
Aking iipunin ang ningning. Itala,
Sinupi’t bigkasin na parang makata.

Nanggigising Ang Mga Makata

Raul Funilas
Oktubre 17, 2006

Dakong paumaga,
Ako’y ginighising ng pupong makata’t
Ipinatatago ang libro ng tula.
Sila ay hilerang
Kay-ganda nang bihis animo’y bathalang
May koronang Laurel sa lupa’y bumaba.

“Ikaw ang mag-ingat
Nitong aming librong nilabit sa langit,
Nilalama’y tula at di mga awit.
Kung nais mabuklat,
Ikaw ay malayang bigkasin ang titik;
Upang aming akda’y sumahimpapawid..

Habang tumutula,
Ikaw ay lilingon sa lahat nang sulok;
Suyurin ang dagat, ang batis, ang ilog.
Huwag kang luluha
Kung iyong makita ang ulap sa bundok
Na kami ang lulan. (Paakyat sa rurok.)

At kapag natapos
Ang iyong pagbigkas, itago ang libro
Sa antigong kaban at lagyang kandado;
Upang may madukot
Pagdating ng araw ang anak at apo;
Bayaang bigkasin sa tanghalang bago.

Makatang Sampay Bakod

Raul Funilas
Oktubre 17, 2006

Nang minsang umakda ng sanlaksang tula,
Itong Rio Almang dakila’y namangha;
Kagyat pang nagwika: “Di ako hahanga!
Dahil ang likha mo’y kay Anonuevong diwa.”
Subalit ang mata sa tula ko’y luwa

Maging sina Teo, Coroza’t Nadera,
Bawat balagtasan ako’y itsap’wera;
Lalo’t may nude painting ng isang dalaga
Doon sa may Timog. Tula ko’y pakanta.
(Kaya’t tumatawa itong Bien Lumbera.)

Higit sina Rillo, Dan Pinto, Jun Balde,
At Joey Baquiran may bohemyong Marne;
Pawang dalubhasa sa sining at arte’t
Akong sampay bakod ay nag-iinarte.
(Ngunit ang palakpak ay nakabibingi.)

Hindi nagpahuli babaing makata,
Rose, Gaying, Joi, Becky, Bebang na diwata;
Ang akin daw tula ay laging may luha
Kaya araw-gabi ako ay tulala.
(Ngunit nabighani sa libro kong gawa.)

Hasa at matalas sa lidyong nanudyo,
Dahil ang gasanga’y bao ni Almario’t
Imaheng nilasing nitong si Roberto;
Kaya napalipad personang may trono.
(Sa kampay ng tagay ng basong antigo.)


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: