Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 18, 2007

Pagkiling Ng Araw

Sa silanga’y nag-iinat
Ang araw at nagdidingas,
Kumpare kong galing Iran
sa akin ay nagsalaysay:

“Ang pangarap ko’y umangkas
Sa eroplanong lumipad
Patungo sa ibang bayan
Upang mamintal ng dolyar.

Iniwan ang isang anak
At lumuluhang kabiyak
Ng pusong halos mawindang
Ang puso sa pagwalay.

Sa tipong talyer nasadlak
At inapungot ang hirap,
Walang pahinga sa araw.
Pakiwari ko’y kalabaw

Ako’ng tinudla ng sinag
Ng araw na nagniningas
Ang katawang nagulapay.
Walang gabing di namanglaw,

Magulo ang utak. Anak
Kong nasa sa Filipinas
Ang laging nasa isipan,
Siya kaya’y nag-aaral?

Hindi kaya nilalagnat
Sa kaniyang paglalakad
Sa kainitan ng araw?
Lahat nang mithing pagdukal,

Kahit maubos ang lakas,

Sa luha’t ubang sumungyaw
Sa hangad na kapalara’y

Iiko’t at iuusad
Ang buhay na payak.
Minsan, hindi inasahang
Panggigipuspos at lumbay

Ay kumandong. May bumagsak
Na mabigat sa balikat,
Walang malay at handusay;
Parang lupang sinakluban

Ng langit. Lahat ng hawak
Na subi sa naglilipak
At kumakapal na kamay
Ay parang buhos ng ulang

Walang patlang ang pagpatak.
Pigtas ang litid na ugat
Sa balagat. Sumasasal
Ang hikbi ng ako’y isakay

Sa eroplano. Umiyak
Ang kaluluwa’t halakhak
Na walang patid ang ilang
Nalaman ang kapalaran.

Sa aking pag-uwi’y bigat
At langgutsing balangkas
Sa katawa’y dumampulay.
Paulong apaw ang gatang

Ay nawalan ng liwanag.
Sa bulung-bulungang anas,
Kinuha na ng Maykapal
Ang minamahal kong hirang.

Ang lumpong katawan, balak
Ko sana’y magpakamatay,
Tapusin ang sawing buhay.

Subalit, may isang sulyap
Ng pag-asang nabanaag.
Siya ang tanging dahilan
Upang laging umibabaw

Ang determinasyong alat
Na titimpla sa nagpilat
Na sugat ng nakaraan,
Patungo sa bagong buhay.

Kalilimutan kong lahat
Ang bangungot na pangarap.
Lagi kong ipaaalam
Na ang pangingibang baya’y

May mga langkap at yakap
Ng sigwang hangi’t halakhak.
Paraiso ma’y may sungay
Na nahuhukay sa uhaw

Nating dalampasigan. At
Balaraw sa kalam kapag
May samyong halimuyak ang
Mga bulaklak sa parang

Ng bayang puno ng pilak.
Sa naglalayag sa gubat
At naglilinang sa tubigang
Pudpod na ang kasaysayan.

Bakit itong Filipinas
Ay ating iiwan? Dapat
Nating alayan at langkay
Langkay tayong wumagayway.

At sa tamang pagsisikap,
Sama-sama sa pag-unlad,
Huwag ninyong pamarisan
Ang tangi kong karanasan.”

Nauupod ang liwanag
Sa balumbong alapaap,
Kumikiling sa kanluran
Ang araw na papahimlay.

Hinahaplos ang balagat
Ni Tata Ramil, uminat.
Ng isang Nurse ang dumungaw:
“Inom na ng gamot Tatay.”

Setyembre 22, 2004


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: