Alaala Sa Pasigan
Panutsa’t tira-tira
Ang baon sa umaga.
Sa pamamalakaya,
Ilalagay sa gasa;
Gagaod nang masaya;
Ang lambat na dinala’y
Nanghuli ng pag-asa.
Mamamalakaya
Hagok na gumagaod,
Mangingisda sa laot;
Susuyod at hahakot
Ng biyaya sa pusod.
Suro
Sinusuwag ng sakag,
Ang laginlin sa dagat;
Ang hinuhuli’y yapyap
Na sakmal na ng igat.
Dala
Bato-bato sa langit,
Ang babagsaka’y tubig;
Lambat na ihahagis
Ang isda’y dumidikit.
Dayaray
Dahil ikaw ang anak
At bini ng habagat,
Yakapin mong maliyag
At maialiwalas;
Rikit-yuming pag-usad
At agawin mong ganap
Yugto ng paghihikab.
Tuod
Panahon ang nagtundos
Sa ugat mong sumuot
Hanggang sa magtagipos,
Sa madawag na bundok.
Amag, umok at bukbok,
Ang lagi mong kayapos;
At walang nakatalos
Sa iyong pagka-ubos.
Kaya baha’y humugos
Nang umula’t kumulog,
Namalisbis sa ilog
Ang kidlat ng hikahos.
Sa dagat ka umanod
Na luha’y umaagos.
Diona:
Pagkampay ko ng sagwan
Sa bangkang Kasiyahan
Ang luha’y napaparam.
Napipi man ang puso,
Torpe at isang dungo;
Tapat naman pagsuyo.
Tagapo*
Pilikmatang lungting nanuot
Sa siwang ng tumangwang bundok,
Kaligkig ng gabi’y kayapos;
Kaulayaw ang hanging Timog.
Laurel ka ng laksang makata’t
Pamutong sa isang dakila,
Luningning sa altar at sadyang
Pinitas para sa Bathala.
*dapo (fern)
Igat
Isang maliit na palos,
Sa agos ay nanalapsap;
Animo ay naglalayag
Sa pusod ng aming laot.
Ang paglutang mo sa tubig,
At pagkawala’ng hininga;
Ay tanda ng pagbabadya
Sa paghahapit ng lubid.
Tuso
Sa ‘ming baranggay
Sa Habagatan,
Tuso at yabang;
Pinaiiral
Ni manong Pablong
Naging birtuso
Sa panunukso
At panggagantso.
Minsa’y napikon,
Siya’y naghamon—
Away maghapon;
Walang pumatol.
Ibinalitang
Kaawa-awa
At pasa-pasa
Sa suntok, sipa
Ang nakalaban.
At nakaraan
Ang ilang araw,
May nakabanggang
Malaking bulas,
Siya’y tumalak:
Tayo’y magbaknat,
Sa iyo’y itak
Sa akin ay blade;
Tayo’y sumilid,
Dram na masikip
Doon magtagis.
Hukom
Ang malyeteng malupit,
Gamit ng umuugit
Na malikhaing isip.
Eskultor
Ang malyete at pait,
Gamit ng umuukit;
Na malikhaing isip.
Kahoy na ibinara
Ng bagyong rumagasa’y
Lililukin ko t’wina.
Diona Sa Performance Artist
Gahibla’ng umaawat
Sa malikhaing utak
Ng nagpe-performance art.
Amo
Ugali ni Consuelo’y
Umupo sa suwelo’t
Manood ng trabaho
Bago magpasuweldo.
Pagsuheto
Hagupit ng latigo
Ang ikinakastigo
Ni mang Bertong kutsero
Sa markulyong kabayo.
Gagamba(laing) Gagamba
Gagamba, ay! Gabamba,
Ang iyong pag-iisa’y
Gagambalain muna.
Ang dala kong sigwada’y
Makikisalamuha’t
Bahay mong hinayuma
Ay gigibain ko na.
Uod
Ang babalu-baluktot
At maulog* na uod,
Sa tiyaga at pagod;
Umaabot sa rurok.
* makupad, mabagal
Enerhiya Ng Alaala
(Tuwing Undas)
Kagabi, ako’y nanaginip,
Isinasama kaming pilit
Nitong isang taong may karit
Na labit. Kaming magkapatid
Ay nagsisigaw, kumawala
At tumakbo sa tabing sapa.
Nanginginig kami kapuwa,
Nang biglang dumating si Inda.
Inihayag ko ang naganap
Tanong ko’y ano kayang hangad
Ng taong gustong tumalampas.
Siya’y tumawa at nangusap:
“Ang sumanib ay enerhiya
Ng iyong lumang alaala.”
Nabubuhay Kahit Saan Ang Langgam
Nabubuhay sa dagat
Ang langgam. Kumakagat
Sa bawat lumulutang
Na pakikinabangan.
Nabubuhay sa bundok
Ang langgam. Maindayog
Man ang baging sa bangi’y
Kanilang gagapangin.
Nabubuhay sa bayan
Ang langgam. Nanunulay
Sa abalang anino
Nitong kaminong tao.
Nabuhay kahit saan
Ang langgam, umaasa.
Iyang Salawahan
Iyan daw salawahan
Ay mapagkikilanlan
Sa gawain at asal
Sa loob ng tahanan.
Halimbawa’y sa live-in,
Huwag mong sasabihing
Pakasal kahit lihim;
Hindi ka babatiin.
Mas lalo kung malikot
Ang matang namimilog,
Tila hinahalughog
Ang kumakating sulok.
Kung sakali’t umibig,
Tiyaking di sasabit.
Mag-iwan ng Tugon