Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 15, 2007

Alinlangang Alon

Noon, masiglang tumingkayad at tumiyad
Ang Alon sa lawang alay ni Tungkung Langit
Kay Alunsinang mapanibughuin. Pilit
Sintahin sa sipol ng timuga’t habagat.

Kinundiman ng amihan ang sintang Alon
Sa dalampasigan at laot na nililok
Ng Mitong Bathala . May talulot na kislot
Ang daluyong, sabik na sumunsong ang gulong.

Tinapik ang bunsong Tagbik, may hikbi’t hibik.
“Dito ka sa pusod ng laot, h‘wag malikot;
May uli-uling umiikot sa palibot
At ang puyong alimpuyo’y naninibasib.”

“Inang Alon, bakit lilimayong malayo?
Mahirap tumiyad sa di saklaw ng lakas.”
“Saka na mangusap sa disisyon ko anak,
Ang yugbong rumbo’y walang siphayong pagsuko.”

Sakay ng bahagharing kulay aluminyong
Sumalipadpad sa naligong alapaap,
Halos panawang ulirat sa di pagsinghap;
Nilulula’t bugsong hangi’y sumisigabo.

Naglakbay ang kapalaran sa kalaparan
Ng disyertong lawak. Halos isukang lahat
Ang dagat na nalalasap na sobrang alat
Na luminlang sa kanyang pag-aalinlangan.

Ang borador ay patak sa tapak na sanaw,
Ihi , tilamsik, sumpit, lagaslas at bulwak
Ay sinahod.Wilig, wisik,sulak, ampiyas
At ang dura’y inipon, pati asing lusaw

Ay kinalawkaw at ginigilawgaw pilit;
Upang sa balumbong gugulong ay pumakat
Ang hinangad kay Tagbik na bunso’y matulad
Sa sapirong luwad na tinangad na tubig.

Tao’y sumalida’t paapupang gumaod,
Bumabalabal ang unos sa dayong alon;
Inapungot ang ungot sa gabing lumumlom
Ang ipuipong harot sa nasang pagsakyod.

Sapupo ang agos ng daloy na umagas,
Ginabot ng ganaak at hilab na hinga;
Ang tudlang kilapsaw ay lumisang pag-asa’t
Natanggal sa paggaltang ang minithing linab.

Garalgal ang hakbang, may kulapol na putik
Nang umuwing angkas ng timba. Kinakadlo’y
Lumbay ng karanasan, ang puyo’y may sikdong
Lumigwak ang salalak ng pintig at pikit.

Laberintong paniniphayo’y mugtong laot ,
Wala ang bunsong Tagbik, ang timbon ng banlik
Ay bumulong: “Nahigop ng agos si Tagbik
Sa kunot na panahong ginabot ang lungkot.”

Ngayon, pumungas ang bulalas pahimakas
Ng bunsong sumuko sana’t di marahuyo:
“Inang Alon, bakit ka lilisang malayo?
Mahirap tumiyad sa di saklaw ng lakas.”


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: