Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 12, 2007

Mga Tula Ng Nakaraan Ni Tata

ALBE*

Ang bilin ni lelang tuwing dapithapo’y
Bigkasing taimtim panghapong orasyo’t
Ialay na banal sa ‘ting Panginoon,
Upang magabayan ang sidhing linggatong.

Ako ay lumaking may takot sa lisya,
Pagkat balintataw ang wika ni inda;
“Hubugin ang buto habang ito’y bata’t
Nang kanyang paglaki’y tunhay yaong mukha.”

May bighaning tunog ang kampanang nayon
Tuwing ika-anim sa kiling na hapon;
Kami ay takbuhan upang makahabol
Pagluhod sa altar sa lumang panahon.

Yumao si lelang dekada’y gumulong,
Nawalang orasyo’y humalili’y celfon.

Enero 8, 2006

*Orasyon

PINDANGGA

Animo ay sabukot
Ang nalugay na buhok
Ni Olimpiang pindangga,
Gayung napakabata’y

Parang damak ang anak.
Kasi’y laki sa hirap
At hindi nakatikim
Nang nais na angkining:

Rangya, saya’t pag-ibig.
Kaya hayun, pilipit
Na lagi ang katawan
At malibag kung tingnan.

Subalit, kumakaba
Ang puso sa pag-asa.

Enero 10, 2006

TARUKAL*

Nangagwiwinagayway
Ang banderang tarukal
Ng mga mangingisda
Sa namatay na lawa.

Humihinging saklolo
Sa kabilang ibayo,
Ito’y nangangaligkig
Sa lamig ng paligid.

Araw at gabi’y bantod,
Kumakapit ay lumot
At ang banlik at gilik
Dito’y humahagikhik.

Dinurog na ng agos
Ang maalong himutok.

Enero 10, 2006
Isla ng Talim

*Banderang pananda ng mangingisda sa laot

Kapag Panahong may Sigwa sa Laot

Natatandaan ko pa, sa tuwing papalaot
Kaming dal’wa ni ama sa pagsusog ng umang
Na palakayang kitang; laging humahagunot
Ang sugwadang amihan. Sa aming pananagwa’y

Maiigting ang braso’t maalimpuyong hagok.
Tumutulo ang pawis samantalang maginaw
Ang panahon sa lawa. Ang alon ay malikot
Sa tuwing hihilahin ang waterliling pataw

Ni ama’t pumupusag ang kikiluhing kislot
Ng dalag. Rumurumbo ang pintig kasiyahan
Kap’wa sa aming dibdib, maingat na pagsalok
Ang gagawin ni ama sa dalag na umigpaw.

Kapag ito’y umalpas, patuloy na kikirot
Ang tiyan nitong anak na laging kumakalam.

Enero 10, 2006
Pulo ng Talim

PARILONG*

Isang munting lingas sa laot ng dagat
At palatandaan nitong maglalayag.
Sa bawat pag-ugoy ng along tumiyad,
Umaandap-andap ang mapulang kislap.
Kamakaylan lamang, ikaw ay hinanap
Nang minsang sumalok ng bagong skylab.
Hindi ko nakita ang liyab mo’t sinyas
Na nagpapapitlag sa isipa’t bikas.
Nang aking itanong sa ‘king kabangkilas,
Ang hunta sa aki’y naligtang makalas
Sa pamalakayang sinalpok ng linab;
Kaya ang kutitap di na maanag-ag.
Nais kong sumisid, lumangoy sa lawak
Ng lawa’t hanapin ang naiwang bakas

Enero 10, 2006
Pulo ng Talim

*nakalutang na gaserang pananda sa laot ng mangingisda sa gabi upang maiwasan ang umang na palakaya ng mangingisda.

SA BAWAT BAGYO

Kalakarang panaho’y
May bagyo taon-taon.
Likwad na kumikiwal
Ang damba ng amihan

At lakbay ng habagat.
Nagsalimbayang kidlat
At dagundong ng kulog
Na laging umuulos

Sa inyong pangangamba
At sungyaw ng pag-asa.
Bawat bagyong dadaa’y
Walang laman ang kaban,

Diyan kayo mangamba;
At may mumunting saya
Kapagka nawawasak
Ng bagyo ang sa tunggak

At mga tampalasang
Mga palaisdaan.

Enero 11, 2006
Pulo ng Talim
Lawa ng Laguna


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: