Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 11, 2007

Dalawang tula sa Pulo at Lawa

Saglit Lang

Hindi ko mahabol ang nagmamadaling lungsod,
Kaya ako’y bumalik sa pulo at lawang kinagisnan.

Lasong hangin ang nalanghap at pumasok sa aking baga
Sa lungsod samantalang dito sa lawa ay sariwa ang hanging
Sinisinghot ng aking malayang hininga.

Pasalapsap kong sinalibsib ang lawa
Habang yumayakap sa akin ang hangin,
Umangkas sa naglilimayong alon,
Nakipagtitigan sa balumbon ng ulap
At nakilaginlin sa daloy ng agos
Habang kawang bumubuntot
Sa akin ang sari-saring isda.

May dalag, biya, ayungin, kanduli,
Karpa, hito, dulong, tagunton, talilong,
Tilapya, mamale, tawis, gurami, kambuo,
Sisiwa, igat, palos at iba pang maritatas ng lawa.

Iningkat ko ang utong ng bundok ng Susong Dalaga
At nakipagniig sa halumigmig ng napupuyat na magdamag.

Kalaro ang ibon habang nakipapanipulan sa talon,
Umupo sa dalisdis ng hulo at nakipag-unahan sa manibalang na prutas
Na tinutuka ng ibong namumugad sa kagubatan.

Ayaw kong iwanan ang pulo at lawa,
Subalit kailangan kong bumalik sa lungsod
Dahil marami pa akong dapat tulain.

Habang Naglalayag Sa Lawa Ng Laguna

Kasalukuyang hinahampas ng habagat ang bangka kong sinasakyan
Samantalang sariwang hangin ang humahablig sa aking katawang
Napupuno ng sariwang alaalang dito lamang natagpuan sa lawa kong minamahal.

Patuloy bumubuntot ang kawan ng kanaway na sinisila at sinasagpang
Ang isdang nadaraanan ng elising humahagok at umaalimbukay
Sa hulihan ng bangkang sumasayaw sa alon ng karagatan.

Maingay ang andar ng makina at ang tumitiyad na alon ay pilit
Sumasampa at gustong samahan ang hagdang luhang pumapatak
Sa aking mata.

Tanaw ko ang matayog na bundok ng Susong Dalaga,
Walang ulap na nakayakap sa kaniyang ganda
Samantalang ang waterrlili’y sumasalubong nang indak
Nang makita ang bangka kong nilululanan.

Nakahahalina,
Nakawawala
Ng patong-patong na problema


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: