Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 8, 2007

True To Life Story of Passy Boy

Walang aral at salat sa yaman si Mang Pascual, magwawalumpong taon ang edad , taga pulo ng Talim sa lawa ng Laguna. Isa siya sa kalipumpon ng mga mangingisda sa nasabing lugar at bukambibig lagi ang: “Noong araw, ako’y “bampira,” natikman ang buhay sagana ngunit hindi sumunod sa tagubilin ni ama.”

Alanganin ang edad niya noon nang isabit ng kaniyang ama ang isang kalmeng yari sa balat ng pinakamailap na usa sa pinakamatayog na bundok sa pulo ng Talim, ang Tagapo. Kabilin-bilinan ng ama ay lipos itong ingatan at huwag iwawalay sa katawan dahil balang araw ay pakikinabangan ang suwerte ditong namamahay, may mutya daw sa loob ng kalmen na nakuha pa sa “hesukristong kanduli.”

“Sakaling dalawin ka ng suwerte ay huwag kang matatakot anak, huwag mong ipagparangya o ni pabulong na ipamalita kahit na kangino dahil mawawalan ito ng bisa. Bigay sa akin iyan ni Amal ang nagbabantay sa pusod ng lawa ng Laguna.”

Naglaop ang sanga ng taon at natutuhang umibig, nagpakasal at nairaos ang simpleng handaan sa tulong na rin ng ilang kamag-anak hanggang sa maging tatlo ang supling nila. Subalit laging may katanungang umuukilkil sa kaniyang diwa lalo pa’t nabubundol ng kalmen ang alaala ng kanilang kahirapan. Halos gapangan nang taliptip, inalipunga at binuni ang kaniyang katawan subalit ang sinabi ng kaniyang amang suwerte ay ni anino ay hindi dumadalaw.

Isang gabi, pinukaw siya ng isang panaginip. Tatlong gabi at tatlong araw siyang lumalangoy sa lawa, walang makitang dalampasigan, walang saysay ang kaniyang palahaw dahil walang tao para tulungang makita ang landas ng wawa. Naramdaman niyang may bumubundol sa kaniyang katawang halos hindi na makagulapay, pilit siyang inilulutang upang hindi panawan ng ulirat ang buntunghininga ng kaniyang kaligtasan. Gising ang diwa niya nang matanaw ang tumutulong upang siya’y makahinga, isang kalansay ng kanduli, nakita niyang naka-imahen ang Hesukristong nakapako sa Kurus.
Pinagpapawisan siya nang magising gayong namamalaybay sa kaniyang tulog na katawan ang hanging dayaray. Winalang bahala niya ang panaginip.

Isang umaga, nagpabara siya ng kaigihang pisig ng kawayan at naisip niyang gumawa ng balukay ng panghalong o bilog na salap na panghuli ng hipong tagunton, parating na ang tag-amihan at pang-abdong buhay din ang makapaghalong gabi-gabi. Maghapong pagkayakas at pagdadanlay ang ginasta niya upang maibalantok ang panghuli ng hipong tagunton. Nakapari-asta na bago maghapunan ang mga kailangan niya paghahalong,nahuglian na ng manipis na lata ang tilas ng kaniyang lunday, panlimas, sagwan, sambalilo gas, kasapuwego, panghalong na ilawan, at kalahating kahang sigarilyo.

Litaw na ang Mapulon nang ibunsod niya sa kayangan ang nabangkiking lunday, gumaod sa dakong hilaga at nagpugal ng bangka sa malagong takilisan, may lubid ang hulihan at proa ng bangka para hindi maanod kung malakas at malaginlin ang agos. Magdamag niyang isinakyod ang panghalong subalit sadyang mailap ang suwerte, litaw na ang Tala sa Umaga e halos manapat lamang nilang pang-ulam ang kaniyang huli. “Taglugon!” Ang laging bukambibig kapag dumuduong siya’t sinasalubong ng asawa sa aplaya. Hindi siya dapat mawalan ng pag-asa, gabi-gabi’y pumapalaot upang kahit paano’y maibsan ang pagkahungkag ng tiyan at pagdidildil ng asin.

Masungit at nagdadabog ang amihan minsang nagpugal ng bangka sa tulos ng takilisan, isinasayaw na pagimbol-gimbol ang lunday at gustong umakyat sa lunday ang nag-uumpugang anlog, sumasalit pa ang kudlit ng kidlat na lalo niyang ikinagugulat.”Susmaryosep! Mahal na Inang Birhen!” paulit-ulit na sambit tuwing nagpapaligsahan sa paghiklat ng langit ang kambal na sagitsit at dundong ng kidlat at kulog. Naninibasib pasalibsib ang amihang tila may inihatid na isang kapangyarihan sa kinapupugalan ng bangka. Nagdasal siya nang taimtim sa kaligtasan habang tukop pakimis ng kamao ang kalmen. Marami na ring panahon ang ginugol niya sa laot ngunit ngayon lamang niya naranasan ang ganitong sungit na amihan. Huling pag-asa niya ang kalmen at taos sa pusong hinagkan sabay usal ng: “Kung palad kong dito na malagtas ang bibinga’y wala akong magagawa… ang buhay na hiram sa Maykapal sa iyo ay ipa-uubaya.” Waring narinig ang dasal ng hangin at unti-unting humupa.

Nagsindi ng panghalong at nagsimula nang sumakyod ang bilugang salap, nang ini-aangat niya ang palakaya nahintakutan sa kaniyang nakita, sa balantukang bahagi ng salap at lambat ay may nakita siyang imahen ng isang napakagandang babae na ang tingin niya ay nakahanger sa salap. Puting-puti ang kasuotan na pag tinatamaan ng liwanag ng buwan ay animo’y kislap na nanggagaling sa langit ang kaniyang nakikita. Nabitiwan ang salap at lumatag sa tubig, takot na takot siya, inisip niyang kalagin ang pugal ng bangka subalit hindi siya makakilos, ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong kababalaghan. Nanikip ang kaniyang dibdib at nahawakan ang kalmen. Sa oras na iyon niya naalaala ang habilin nang namayapang ama. “Huwag kang matakot anak.”

Hinawakang muli ang hasta ng salap at muling lumitaw ang babae, kitang kita niya ang bababe sa baldigang liwanag ng buwan at lawa, nakangiting ipinapagalpal ng hangin ang napakaputing kasuotan nito at nakasahod ang dalawang palad. Pinukaw ang pagkatanaw niya sa babae ng isang maningning na bulalakaw na nasa gawing kaliwa ng kaniyang paningin, muling bumagsak ang balukay ng salap sa tubig at pinagmasdan niya ang bumababang bolang paraluman. Lumikha ng kilapsaw nang malabusaw ang tubig na likha nang bumagsak na bulalakaw. Naramdaman niyang iniugoy ng anlog ang kaniyang bangka.

Wala nang takot sa kaniyang dibdib nang isalok niyang muli ang salap, naroon pa rin ang magandang babae sa balantukang balukay ng salap at bago lumubog ang Tala sa Umaga ay tigib sa hipong tagunton ang kaniyang lunday. Mula noon ay di sumasablay na kapiling niya tuwing madaling araw ang magandang babaing nakahanger na siyang nagbibigay sa kaniya ng suwerte at di na siya natatakot dahil mulang nagpakita sa kaniya ang babae ay humilab nang humilab ang kanilang kabuhayan sa loob lamang ng isang taon.

Nagtataka ang iba niyang kabangkilas kung bakit bukod tanging siya lamang ang nakahuhuli ng ganoong karami sa tuwing naghahalong ng hipong tagunton gayong iisang lugar naman ang kanilang pinamamalakayahan. Patalinghaga pa kung minsan ang ipinangangatuwiran ng ibang kanayon sa suwerteng dumating kay Mang Pascual. “Ang suwerte ni Pedro ay di suwerte ni Juan.”

Palibhasa’y tao lamang at magaling namang makisama, nagpapa-inom din si Mang Pascual at nang lumao’y sumasama na rin sa tupada kung linggo hanggang sa nakipandarayuhan na rin ng sabong sa kabayanan, natutuhang sumulyap at pumasok sa panggabing aliwan.

Ramdam ng asawa niya ang pagnipis ng naisusubing pera at kung minsa’y paglimot ni Mang Pascual sa pinupugalang lugar na pinagbubuhatan ng kanilang yaman. Nagiging katuwiran niya ang:”H’wag kang mabahala at hindi naman umaalis ang kaibigan kong magandang babae sa pugalan ko ng bangka at habang nasa akin ang mutya ng “hesukristong kanduli” hindi niya tayo pababayaan.”

Isang gabing malagihay si Mang Pascual sa nainom na alak, nakahiga siya sa diban ng kanilang balkon at paminsan-minsa’y tinutungga ang kinanaw na kape ng asawa, nang lumapit ang panganay nilang anak at nagtanong: “Ano po ama ang mutya ng hesukristong kanduli?” Palibhasa’y may espiritu ng alak ang katawan,banayad na bumangon at walang gatol at walang iniligwak si Mang Pascual sa anak para ikuwento ang simula nang kanilang suwerte nang biglang natabig ang tasa ng kape, nabasa ang gitnang bahagi ng dibdib na kinahihimlayan ng kalmen . “Gusto ko pong makita ang magandang babae ama.” Ang huling hiling ng bata.
Isang pangako ang binitiwan ni Mang Pascual sa panganay. “Hamo, matulog ka nang maaga lagi at minsan ay dadalhin kita sa kaibigan ko.” Hindi pinansin ni Mang Pascual ang biglang paggaan ng suot niyang kalmen nang hubarin ito para patuyuin.

Isang gabing nagpugal siya sa takilisan, may pagtatakang labusaw nang labusaw ang mga isda sa tapat ng sinasalukan niya ng salap, naisip niyang baka maagang dumating ang kaniyang kaibigang magandang babae. Isinalok niya ang salap at laking gulat niya, wala ang kaibigang babae sa balantukang balukay ng salap.Gumigiti ang pawis sa kaniyang noo’t katawan subalit bigo siyang makapiling muli ang kaibigan. Gabi-gabi’y pinapandaw ni Mang Pascual ang kaibigan subalit ni anino nito ay hindi nagpapakita.Hanggang tinabangan nang pumalaot sa takilisang pugalan.

Hindi na mabilang ang madaling araw ni Mang Pascual at nakaramdam na rin siya nang matinding pagod pagsalok hanggang numipis nang numipis ang kanilang kabuhayan. Noon niya naisip ang pagkukuwento sa anak na panganay at sa habilin nang yumaong ama.”Ano po ama ang mutya ng hesukristong kanduli?” “Huwag mong ipagparangya o ni pabulong na ipamalita kahit na kanino…”

Ngayon ay makikita si Mang Pascual na laging nasa dalampasigan, nakatanaw at mahilig magkuwento tungkol sa magandang babae at sa kalmeng may mutya ng hesukristong kanduli hawak ang kalmeng nilagyan niya ng pinong-pinong buhangin. Wakas.
Raul Funilas Nobyembre 9, 2007


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: