Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 6, 2007

Kulay Bandila Ang Langit at Roon Po Sa Amin Sa Rizal

Kulay Bandila Ang Langit

1. Puti

Naliligo sa timbon ng puting alapaap
Ang dating sumisikat na araw,
Humakbang at umiwas
Sa nahapong maghapong sinag.
Nagpapanggalbot ang dilim at liwanag
Nang sumilang sa aking talukap
Ang Pliyades na maglalakbay magdamag.

2. Dilaw

Subalit nanghahablot ang madilaw na paglubog nito
Na ilang saglit nasilayan sa Silangan.
Mahalagang dilaw ang sandaling lantay
Sa sinapupunan ng Kanluran.

3. Bughaw

Ayaw padaig ng bughaw na himpapawid
Na kahit tabingan nang nagharutang ulap
Ay pilit ginigising ang kulog at kidlat
Na kaniyang kaniig sa pagkalong
Ng init at lamig.

4. Pula

Matapang ang Kanlurang nagliliyab ang matang kahel,
Dugong lumalatag upang patulugin ang maamong araw
At ipagduyan sa magdamag ang naglilimbong buwang
Magsisilang ng kuwintas na igagalang sa banig ng tubig.

Banayar Mga Kapatir (Roon Po Sa Amin Sa Rizal)

Sa aming bayan sa Rizal,
Ang D ay ginagawang R;
Kaya napagkatuwaang
Hulihin at ibanyuhay.

Sa Cardona’y ipinaskel,
BANAYAR ang tagubilin
Sa matutulin na drayber—
Para di kayo mabangin.

Minsan, mereong nagtatae’t
Nasobrahan sa kamote,
Ang “doktor” na saragate;
Ang hatol: “Coricidin D.”

Yao’t ito sa botika,
Asawang nag-aalala;
Iniabot ang reseta
Sa isang “parmasyotika.)

“Wala po rito ang hanap
Na Coricidin Ding lunas,
Sa Taytay po ay lumuwas;
Baka gamot po’y mahanap.

Ang naririne pong gamot,
Coricirin R na sirup;
Isang kutsarang malagok
Tiyak pasyente’y tutulog.”

At roon sa munisipyo
Ng Morong ay nagtatalo,
Vice Mayor at ang konsehong
May pagkahiya sa tao.

“BANAYAR” na karatula’y
Alisin at palitan na
Ng pagkaganrang letrang
Di buraot kung mabasa.

“Ano po ang ipapalit?
Si Vice Mayor ang nagsambit,
Ang konsehal na naidlip:
“RAHAN-RAHAN” kanyang giit.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: