Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 6, 2007

Ang Bangka Sa Lawa Ng Laguna

Sarsar na ang lunray e gaor pa nang gaor!(Sadsad na ang lunday e gaod pa nang gaod!)

Isang palasak na salita sa gawing silangan ng isla ng Talim sa lawa ng Laguna, partikular sa bayan ng Morong at Cardona sa lalawigang Rizal.( May mga barangay din sa isla ng Talim na sakop ng Bayang Cardona)
Saan ba nanggagaling ang mga bangka sa palibot ng lawa? Papaano ito napunta sa mga mangingisda?

Makisig na lalake ang taguri sa isang nakapupundar ng bangka o lunday noong dekada 30 sa palibot ng lawa ng Laguna. Lubos ang respeto ng bawat kalugar sa isang taong nakapupundar ng ganitong uri ng sakayang panglawa dahil siya ay tumatayong matikas na padre o ama ng tahanan na kayang isulong ang kabuhayan sa pamamagitan nang masigsang paghahanapbuhay gamit ang naturang bangka. At minsan, ito’y nagiging daan upang siya ang kilalahing ama ng pamayanan o kung tawagin noon ay Tininte del Baryo, lalo pa at ang dating napundar na lunday ay nanganganak ng mga bangkang malalaki na kung tawagin ay Gawangan, Layagan (Regata) Batel at Kasko.
Nanggagaling ang ginagawang bangka o lunday sa bulubundukin ng Sierra Madre na nasa bikilang bahagi ng Laguna. Kalimitan ay sa mga bayan ng Lumban, Pagsanjan, at Santa Cruz nakikipagtrato ang mga taga palibot ng lawa ng Laguna o maging taga isla ng Talim upang magkaroon sila ng “baul” (tawag sa bangka o lunday na ginawa sa bundok.) Ang salitaan noon ay pawang pinakokoronahan ng bawat isa, kung anong pinag-usapan ay siyang masusunod, presyo, uri ng kahoy, haba at buka. Kalimitan ay sampu hanggang dalawampung bara o dipa ang pididong haba para sa isang lunday at ito’y nagkakahalaga noon ng limampung piso hanggang pitumpu’t limang piso bawat isang baul.

Ito’y pinuputol ng mga taga Lumban o kalapit bayan ng Laguna sa bundok gamit ang Surutsong Hapon at doon na mismo nilalabra ng daras at puthaw upang maging baul at kung puwede nang ibaba sa bundok ay gumagamit sila ng paragos na ang humihila ay kalabaw, minsan ay patao rin ang pagbababa ng baul at ang ginagamit nila’y lubid at diskarte kung papaano ihuhugos ang baul sa matatarik na bundok at mabatong ilog.
Kalimitang pinuputol na troso o kahoy noon ay mga Lanite, Himbabao, Dalindingan, Apitong na Pula, Piling-Piling, Bitaog, Tan-ag at Mulawin. May mga namamaritatas o nanghihingi din ng lagay na ilang bantay sa gubat noon na kung tawagin ay Pulis Kahoy na ang nakakasakop na ahensiya ng pamahalaan ay Forestry na may mga pailan-ilang check point sa kalsadang bundok, ang hatagan noon ayon sa mga tagaputol ng troso o kahoy ay limang piso kada isang baul. Gumagasta ang Manunurutsong Hapon ng isang linggo upang makapaggawa ng isang baul. (Hindi pa ito makinis.) at minsan ay dalawa hanggang tatlong linggo sila sa bundok, nagpapari-asta na rin sila ng sapat na kakainin sa panahong maglalagi sila sa bundok

Gabi kung ibaba ito sa ilog ng Lumban o Pagsanjan upang hindi nakikita ng mga tao, tuloy sa bukana ng lawa ng Laguna kung saan inaantabayanan ng mga katatas-pulong na magmamay-ari ng baul. Ipinaglalayag o hinuhuran ito ng isang bangkang de motor o isang layagan para maiuwi sa isla ng Talim kung taga isla ng Talim ang nakabili. At iginagaod na lamang kung malapit lamang sa lugar ang nakabili. Ito’y ikinukuha ng isang panday o maglalabra ng lunday upang kinisin at magamit sa anumang kasasangkapang hanapbuhay na ang upa o bayad sa maglalabra ay umaabot kung minsan ng dalawampu’t limang piso (Php25.00), mga isang linggo din ang iaalay ng maglalabra upang ito’y masabing isang magandang lunday. kaya noon, may higit kang isandaan piso ay mayroon ka nang isang lunday.

Sa kasagsagan ng pamamalakaya noong dekada 50 at 60, lumago ang mga bangka at nauso pa ang mga bangkang de motor na siyang ikina-unti o ikinadalang ng lamang biyaya sa lawa ng Laguna. Dumami ang nagmay-ari ng mga bangkang de motor at kumaunti naman ang lamang biyaya sa lawa ng Laguna. Hanggang sa mauso ang palaisdaang binakuran ng kawayan at lambat, lalo nang naperhuwisyo ang pangisdaan sa lawa ng Laguna at halos hindi na makapagpundar ang isang dahulap na mangingisda ng kahit bangkang putol.
Nitong dekada 80, nauso naman ang makabagong fiber glass na bangka at ito’y libo na ang halaga ng bawat isang hakab. (Binabakat lamang ang mga fiber glass na bangka sa mga baul o lunday na kahoy sa ngayon.) Ang nakakapagpagawa na lamang halos nito ay ang mga sinuwerteng mamamalakayang may mga puhunang malalaki ang kantidad.

At kung babalikan natin ang kabundukan ng Sierra Madre na kinukuhaan ng trosong ginagawang bangka noon ay halos makikita na ring panot na at wala nang malalabay na kahoy na dating ipinamamalangkas upang maging isang bangka.

Bukas, uuwi akong muli sa isla ng Talim at ako’y mamimiwas, tiyak ko na ang sasakyan kong bangka ay hindi na iyong dating kahoy na sumasalibsib sa lawa kundi isang bangkang fiber glass na alam naman nating ito’y magiging lason din sa lawa balang araw na ito’y agnasin nang matining na tubig sa lawa ng Laguna doon po sa amin sa Pulo ng Talim. Nobyembre 6, 2007 Tata Raul Funilas


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: