Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 5, 2007

Luha Ng Alon Sa Lawa Ng Laguna

Masasal ang hikbi ng dalampasigan.
Tumataghoy ang mga hibik,
Nagngunguyngoy ang bibig ng kalawaan;
Balong bumabalong ang bubog na kristal,
Gumugulong at sumasama sa agos
Ang hagulgol ng inang lawa,
Lumuluha ang biloy ng kuluting alon.

Ilang yugbo na ba ang hampas at salpok ng alon?
Ilang libo na ba ang daluyong ng alimpuyo?
Ng mga ipuipo at uli-uling pauli-ulit umiikot
Sa harumba at haplit ng habagat
At rumaragasang pananalasa ng amihan.

Marami na,
Hindi na mabilang ang bingaw ng bibingang
Pinapagpahilod sa buhaghag na buhanginang
Nananalisod ang hindi mabilang na mga gusgusing sakong
Na laging humuhuran sa mabibigat na pasaning balikat.

Ilang angaw na dahon na ba
Ang nabuklat sa pahina ng lunaryong kalendaryo?
Ilang yutang dahon na ba
Ang nalagtas sa tangkay ng mga balakbak sa wawa?

Mga dahong pinasalipadpad
Sa nagluluksang alibughang alapaap
Na lumulukob at nagbigay lilim
Sa limliman ng mga lehitimong naninigilan
Na matagal ng lihim na nahihilam ang luha,
Doon sa hugis balaraw na pulo;
Ang isla ng Talim.

Masasal ang hikbi ng dalampasigan,
Tumataghoy ang mga hibik;
Nagngunguyngoy ang bibig ng kalawaan.

Balong bumabalong ang bubog na kristal,
Gumugulong at sumasanib sa agos
Ang hagulgol ng inang lawa;
Lumuluha ang biloy ng kuluting alon.

Kailan kaya magbabalik
Ang pagaspasan ng sari-saring pakpak ng ibon
Na pumapaypay sa nagbabagang pamimiyapis?
Kailan kaya maaalimaymayan
Ang salit-salit na lawiswis ng tangkaring kawayan
Na yumuyukod at nagbibigay pugay?
Kailan kaya mauulinig
Ang dalit at korido ng mga gahing bural sa laot?
Musikang sumasaliw sa ugoy ng alon.

Kailan kaya makikita
Ang pananayaw ng mga puting kanaway
Na kinakawaya’t sinasaway
Ng nangingimbulong buhawi
Sa tingkaring mga kulay ng balantukang bahaghari?

Umaalingawngaw ang bulong at anasan
Ng mga pantas at dalubhasa,
Doon sa pamantasang pinagligisan ng utak
At pinagsunugan ng makakapal na kilay.

Kanilang ikinulapol sa katsa ng kabatiran
Na ang inang lawa sa hugis balaraw na pulo
Ay masidhing dinadalahit ng ginaw at kalumbayan,
Batbat ng pangangaligkig ang ngimay at mitig;
Di na makayang kalungkungin ang burak at banlik
Na sumusuyod sa anit ng kanyang kapusuran.

Hindi na kayang batahin ang pagkakasalagmak,
Ang pananampalasan at walang pakundangang
Pagbuntog at paglunod sa kandong pasakit
Ng mga migranteng nangaligaw
At ng mga taal at lehitimong nakasakay
Sa lungki’t kaparangan.

Masasal ang hikbi ng dalampasigan.

Tumataghoy ang mga hibik
Nagngunguyngoy ang bibig ng kalawaan,
Balong bumabalong ang bubog na kristal;
Gumugulong at sumasanib
Ang hagulgol ng inang lawa,
Lumuluha ang biloy ng kuluting alon.

Dumadaing at humihikbi
Ang mga yagit na paslit sa islang sumisinghap.
Naninigid sa kanilang munting bituka,
Ang kumpol na kirot at kalam ng tiyan,
Nahuhumpak ang biluyang pisngi,
Lumalalim ang kurap ng pilikmata,
Nanggigitata’t nanlilimahid
Ang mga kaisipang inulila ng bubot na panahon.

Nagpupuyos at lumalagablab
Ang talulot ng sintong alon,
Nililiglig na maharot at walang patumanggang
Iniuugoy ang duyan ng kawalang muwang.

Tumitilamsik ang katas ng banlik at burak sa putik,
Sumasanib at kumukulapol
Sa mumunting layag ng kanilang pag-asa.

Umaatungal sa maghapo’t magdamag
Ang hagahas ng kogon at talahib
Sa dalisdisan ng ingkating bundok.
Humihiyaw ang palahaw
Sa lambak at patag kaparangan.

Pumapalahaw ang nagnanaknak na langib
Sa galis ng ampaw na tayantangan,
Walang tumatangko sa mga sakadorang
Nag-iibang anyo sa laman ng bilao’t bakol
Ng kanilang walang sawang paninigasig.

Tumatanghod at nanganiningkayad
Ang mga kabataang laging may pananabik
Sa paglipad at salipadpad ng pamamaalam
Ng bulaklak sa uhay ng gaslawing talahib,
Hanggang sa mawala sa kanilang paningin
At lisaning walang kilatis ang tila ulilang paraiso.

Wala nang masibasib sa pagdagit
Ang masisibang lawin at kanaway sa puyo ng alon,
Sapagkat ang tangkal at puyahan ng pamugaran
Ay nilamon na at nabaon sa puntod ng siphayo.

Wala na ang mga ngasab at burabok,
Ayaw nang lumilok ng mga bumubulang bulaod,
Ayaw nang maglaro ang igpaw at pusag;
Tuluyan nang umantaw ang mga singhap
At nabunggan ang maagap na paglalayag.

Wala nang maaninag sa mga palatandaang buntala
Na dati’y laksang umaalitaptap sa kalawakan
Na siyang tanging senyas
Ng mga hukot na lunday
Sa mahalumigmig at maginaw na magdamag.

Masasal ang hikbi ng dalampasigan.

Tumataghoy ang mga hibik,
Nagngunguyngoy ang bibig ng kalawaan;
Balong bumabalong ang bubog na kristal,
Gumugulong at sumasanib sa agos
Ang hagulgol ng inang lawa;
Lumuluha ang biloy ng kuluting alon.

Sinong nakakaalam?
Sinong nakababatid?

Saang bahagi ng kasaysayan ito sumulpot?
Sinong unang nilalang ang nakakita nito?
Bakit siya naumid na pigilan ang daloy?

Disin sana’y langhap pa ang kasariwaan,
Laging nakakasimsim ang lupog na hininga
Disin sana’y ang halimuyak nito’y maiipon;
Upang makapaglaro ang talulot ng sigwada
Sa dunggot ng kaniyang kaligayahan.

Papaano kaya kakalagin ang pagkakabuhol
Ng wumawagayway na lubid ng pagdadahulap?
Papaano kaya mapipigtas
Ang tanikala at kadenang gumagapos
Sa katauhan ng uring manunudla
At uring manunulot sa palibot ng lawa?

Wala na nga!
Wala na nga!
Wala na silang matutudlang pag-asa
At masusulot na tagumpay.

Kaninong lahi magmumula?
Kaninong lipi manggagaling
Ang mga luwal nang panahong gugupo’t gagapi
Sa ngimay at kirot na nadarama
Ng naghihingalong lawa?
Saang bahagi ng dalawang panahon
Magsisimula’t mamumulat ang hahaplos
Sa nangangaligkig na kaginawan?

Sana’y may pa-asa pang bumungad,
Sana’y may bukang liwayway pang sisilay,
Sana’y pumalanta ang ningas ng mapulang banaag;
Sumagitsit nawa’t pumaimbulog
Sa dapithapong nagbabaga ang pag-asa.
Matudla sana ang takipsilim ng pag-aantok
Na malaon nang nakikipisan at nakiki-agulo
Sa aandap-andap at punggok na kaligayahan.

Makatulong nawa sa mga paralitikong alon
At anit ng kalawaan
Ang maningas at darang ng haring araw.
Mahaplos ng maalab na ningas ang karamdaman,
Upang pagbalikwas at pag-igtad sa puyat ng magdamag;
At muling sumulampit ang dura ng hamog
Sa dahon ng ulilang pananaghoy.

Makatulong nawa ang mga hilang panalangin
Na pasalamisimin ang yugbo at yugto,
Nawa’y iadya at puspusin nang awa ang lawa,
Kalugdan at paluwalhatiing masagana
Ang batbat na pasakit na umangkas
Sa natitigib na himutok.
Haplusin at balutin ng hiwaga
Ng mga ada at diwatang nanganinilip
Sa nagaganap na katotohanan.
Bumalik nawa ang mga kaluluwa ng regulo’t raha
Na unang humabi ng maalamat na kasaysayan.

Upang ang hugis balaraw na pulo
Na napuputungan ng matayog
At ipinagmamalaking bundok
Ng Susong Dalaga
Ay muling suminghap at pumusag ang alon.
Mawala ang mga luhang bumabalong
Sa malaon ng pagkalunod.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: