Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 5, 2007

10 Tula ni Tata

Ang Poon Nami’y San Roque Sa Tabon
(Sa may dunggot ng Talim)

Ang aming kalawaan
Sa lawa ng Laguna’y may sigwada ng lumbay.
Dito’y naglalabanan
Ang hanging mga bulag, habagat at amihan.

Ang aming kalawaan
Sa lawa ng Laguna’y rumurumbo ang alon,
Naririnig ang gulong
Sa may dalampasigang palaging nagngunguyngoy.

Ang aming kalawaan
Sa lawa ng Laguna ay banayad ang usad
At hindi makalakad—
Ang nalulumpong agos at tabsing-paghihirap.

Ang aming kalawaan
Sa lawa ng Laguna ay gustong magsalita,
Sa ulapa’y iwikang:
Hayo na at ibuhos ulang kandong sa lawa.

Nasaan Ang Isda

Isang isda
Na naglunoy sa tubigang walang agos,
At nahuli nitong pukot
Ang pusag at hilong kislot.

Walang isda
Sa dulangang mga bibig nitong gutom,
Tanging lunas sa pulutong
Ng hikbiang mahagulgol.

Walang isda
Sa tubigang tinibugan ang tarukal,
Nabibingi’t namamatay
Ang pag-asang dumadantay.

At sa plasa’y
Nagpipista ang may pera.

Tanaga Sa Isda

Isda akong lumangoy
Nanood sa pagtimbol
Ng liling iginimbol
Ng habagatang simoy.

Isda akong kumikibit
Sa bagting na lumawit
Ng amang namimingwit
Sa lawang kumikitid.

Tinurang ako’y isdang
Sa palad ay biyaya,
Bawat bibig dalita’t
Mayamang di nagsawa.

Isda akong masarap,
Sa gutom mong pangarap.

Langaylangayan

Yuho! Langaylangayan,
Bakit ka nariyan
At pumapailanlang
Sa kainitang araw?

Ikaw ba’y nangangarap
Kaya ka lumilipad
Na makadaop-palad
Ang amiha’t habagat?

O, iyong sinisilip
Ang luksang hinanakit
Nitong munting daigdig
Ng bayang humihibik?

Halika ka na’t bumaba,
Dagitin mo ang luha.

Magkaribal

Bilisan ang lipad
Paruparong lungsod sa hardin ng rosas,
Na may pintong bubog at bakal na rehas.
Baka sa pagbukad
Ng libong talulot ng puting bulaklak,
Abutin nang dilim—landasi’y mahirap;
Bango’y nawawala kung walang liwanag.

Ikaw ay kumatok
Ng tatlong marahang tila umiirog,
Sapagkat naroo’y ribal na bubuyog
Baka ka masaklot
Masira ang pakpak sa bilis ng lusob.
Dahil kayo’y kambal ang hangaring lipos
Ay ang makasimsim, pukyutang talulot.

Lungtian Ang Pag-ibig

Hindi maiwasan ang paglulungtian
Sa kapaligiran pagdaan ng ulan.
Lalambot ang lupang dati-rati’y tigang,
Sisibol ang butong natulog sa linang;
Ang agos ng hangin ang dito’y pupukaw—
Upang manariwa ang pusong nauhaw.
Hindi maiwasan ang paglulungtian
Sa kapaligiran pagdaan ng ulan.
Luhang nagingilid sa matang pilika’y
Hindi na papatak, lilisan ang lumbay.
Dahil sa pag-irog ng taga Amianang
Laging nakasakay sa duklay na buwan.
Kung ang iyong puso’y natighaw ang uhaw,
Humingang malalim: Ang tuwa’y isigaw!

Silim Ng Rilim

Ang hininga ng apoy
At ang simoy ng dilim
Ang dahil ng pagngunguyngoy
Ng pusong nanagimsim.

Di ito makaalpas
Sa bilangguang papel
Na ang nakasiwalat
Ay huling takipsilim.

Malalim na hininga’y
Palaging nagkukubli
Sa rilim ng pahina
Nang sumilim ang gabi.

Mapagbirong tadhana
Ang laging nagtatakda.

Pangilin

Humihinto ang gawain sa pulo
Kapag may nalulubog na bangka sa laot.

Bakas ng yapak
Ang maaaninag sa dalampasigang tigib
Ng pagluluksa.

Paibayong dumadayo
Ang lukso ng ulilang pananaghoy,
Nakasakay sa rumurumbong alon.

Bawat gabi’y mga duplong awitin
Ang nalalabing pang-aliw
Sa mga namimighati .
Sa pukas ng pulta ay matitingala
Ang pinong alikabok sa pusyawing ulap
At naghihilamos ang nagising na buwan.

Siyam na araw bago muling ituloy ang mga gawain sa pulo,
Kapag lumutang na
Ang bangkang nalubog sa laot.

Puso Ko Ay Sa Iyo

Lumigaya tayong lubos.
Ang dahil ay isang halik
Binibining iniirog
Ikaw na aking inibig.
Ninakaw nating sandali’y
Ginising ang ngilong lumbay
Katakutan nitong labi’y
Anino ng kasiyahan.
Yakap, halik haplos bulong
Sa labi ko ay naglandas,
Ako’t ikaw ay nasukol
Rindidong halik at yakap.
Asahan mo magandang rosas
Puso ko’y iyo nang ganap.

Rehas Ng Puso

Pinulak na rosas aking iaalay,
Upang maging tanda nitong pagmamahal;
Sa pahinang libro’y iyong iingatan
Ohales na ginto ang nakakabagay.
Nais kong tuwina’y iyong nakikita,
Gamot sa lunggati’t laging madarama’y
Rehas ng bisig ko yakap ka tuwina’t
Olimpong tanggulan ng iyong pagsinta.
Sakaling may ibang dadapong bubuyog,
Akong paruparo’y magiging mapusok;
Sasabuyan sila ng masidhing selos.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: