Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 4, 2007

Walong Tula ni Tata

Hunos Ng Lupa

Malusog ang bukid ng gintuang uhay,
May kumpulang niknik sa rabaw palayan;
Anuwang na hapo’y nagbabad sa sanaw
May pamusong darang ang tirik na araw.

Gayung katag-araw ay may kudlit-kidlat,
Biglang bumalikwas ang bakuli’t igat;
Lumabas sa butas damakmak na ahas
Samuki’t apanas ay takot nagyakap.

Narinig sa parang ang tinig-kuliglig,
Nagtagis ang ngipin ng bakal at langis;
Banayad sinuyod na pabalik-balik
Nag-iibang bihis ang batis at bukid.

Ang dating punlaan ng ginintong binhi’y
Putaking pinitak ng muhong umusli.

Bakwet

Nagbitling ng hinggiw ang ulilang unggoy,
Habang pumuputak ang labuyong laboy;
Binangkis ng musang ang bawigang kahoy
Dahil ang gubata’y lagablab ang apoy.

Nagpalipat-lipad sa aromang tinik,
Itong maryakaprang may hiwagang tinig;
Ayaw nang mangitlog pugong nagkatahid
Nabantod sa agos ng banliking batis.

Wala nang bulaklak buko’ng diliwariw,
Doon sa may dunggot na uhaw sa hangin;
Ang baklad ay baklas ang patuto’t tangkil
Kaya di dumapo ang tigmamanukin.

Wala nang makadlong tubig na malinaw
Sa antigong balong umapaw ang sukal.

Hambog

Magdamag kumalap sa ulap ng pilak,
Nagpuyat, umakyat upang maging sikat;
Nang kanyang ihikab ang kokak ng kabkab
Ang nilandas pala’y patilya ng tabak.

Pagpuri sa iba’y uyam na palakpak,
Lihim kung gumuhit ang tuwa’t halakhak;
Panalangin nawa’y agwanta’t maampat
Hatak-alimasag sa gayak umakyat.

Sinandok, kinayod, kahit kaning lamig,
Busog na’t hurindat nais pang makamit
Ang bulwagang bigkis ng b’wisit na bibig
Na mata’y nagmasid malisik na pilik.

Siya ang nilalang sa rurok ng tulog,
Kahit na bangungot ay takot yumapos.

Sugal Sa Salita

Isinugal ko’ng salita
Sa de pindot na pahina
Ng barahang naglathala
Sa diwa ko at hininga.

Tong-its ang labnaw ng tinta,
Nang lumabo itong titik
Sa malayang pagratsada
Ng balasa sa internet.

Tumabla lamang ang laban,
Nang panabay na bumigkas
Sa balagtasang tanghalan;
At sumabo ang palakpak.

Walang yumamang makata
Sa sugal ng talinghaga.

Diringging Nakapikit Ang Wika

Isang namumukadkad
Na katmon ang matinik
Na hintuturo. Bantad
Ang bangong panaginip
Sa balangkas na angat
Sa tugmang di masaid-
Said. “Panday ng wika,
Pakibuhol mabuti
Ang matabil na dila
Ng loro’t kalapati.
Pahiran mo ng dita
Ang bibig nang mapipi.

Ringgin mong nakapikit
Ang wikang di masaid.”

Sa Daigdig Ng Tulang Walang Sesura Ang Taludtod

Ang daigdig ng walang hating taludtod.
Pinagpista ang tingin ng isang musmos,
Binagabag ang kayumangging kalawang;
Kinoronahang salita ay minahal.

Sa nag-ulyaning matanda’y umaaklab
Ang mahiwagang antingang lipos talas,
Ang hinangua’y salita ng propetang
Kulay itim ang damit sa gasang plasa.

Di mahipo ang nahihimbing na ilog,
Kahabagan ang buktot at balakyot.
Ang pagtitig ng liwanag ay naglalaho
Sa palakpak ng laksang nagsahunyango.

Sa bulwagan ng mundong naglalasing:
Ang masiba ang may angking taginting.

Maharlikang Bayang Agunyas Ang Kinang

Maharlikang Bayan…aming Filipinas.
Masukol ka kaya ng lahi ni Hudas?
Dati kang malaya’t ligtas ka sa lahat,
Ngunit…bakit ngayo’y kinang Mo’y agunyas.

May mali bang hatol sa hanggahang moog?
Kami bang bumuto’y lumilok ng puntod?
Marahil, tama ka, kaya ka umiyak;
Marami sa aming naganyak sa pilak.

Lango ang pinunong nahaling manipsip
Sa kabang binutas ng sanlaksang ganid.
Salita’y may pangil at tigreng mabagsik
Na ang sinasakmal ay kaming maliit.

Maharlikang Bayan…wala kaming glorya
Kung milyong botante’y bomoto sa b’waya.

Sa Pagtulog Ng Dahon

Kagabi, tinitigan ko ang dahon kung paano
Dumapo ang tuldok na hamog.

Nang marinig kong humihimig ang kuliglig
At pumayapas ang dayaray at itinawing
Na maugoy ang dahon.

Naisip ko, natutulog din ang dahon.

At karaka’y may alitaptap na lumibid,
Sa palibot ng dahon ay pabalik-balik—
Animo’y diwatang nagdilig ng halumigmig.

Tinanaw ko ang pumulandit sa langit
Na bulalakaw, animo’y makinang
Bumubulusok na makinang.

Bumahaghari sa sinag ng buwan
Ang lawalawa ng gagambang
Nakatukmol sa dahon. Gagambalain
Ko sana ngunit nanigid ang lamig.

Lumitaw ang kulibrang tubig
Sa dahon, butil na pawis
Na sa dahon ay lumilitaw
Sa paghahablutan ng dilim at liwanag .

Hanggang sa nahukot bahagya
At sa sagid ng isang hingang mahiwaga’y
Naging butil na luhang

Pu

Ma

Tak

At

Na

Hu

Log

Sa tigang na lupa.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: