Ipinaskil ni: Raul Funilas | Oktubre 30, 2007

Sa Mata Ng Tubig (Pasintabi sa aking kabayang Lope K. Santos)

Ako’y ulan, luhang tanda ng sa langit na pag-ibig,
May balitang ihahayag sa taas ng himpapawid;
Balantukang bahaghari sa lawak ay sinisilip,
Paraluma’y nahahapis at tumatangis ang langit
Na ang luha’y pumapatak sa pisngi ng sandaigdig
Sa dibdib ng inang lupa, gatas akong bumabatis
Na sa gutom at sa uhaw ng balana’y pumapatid.
Ang pugad ko’y kabundukan, himlayan ko’y mga yungib,
Lansangan ko’y mga ilog at sa dagat lumiligpit
Kaya lamang matitiplag at sa higa’y maligalig
Kung ang hangi’y mambulahaw o ang bulkan ay magngalit
At pag ako’y napopoot walang hindi napapalis.
Ngunit ako, marunong mang magmatapang at bumangis
Pagkaraan naman nito ay wala nang kasimbait.
Ang buhay ko’t kayamana’y maibig na nagagamit
Nalalayag ng regata, bumabalong, bumabatis,
Naaaring maging bangkang kung pasulakin sa init
Maging bato at salamin kung tumigas man sa lamig
Hilahin man ng habagat at sa ulap ay ipanhik
Sa tubigang pinagmulan, pagkaligtas nagbabalik.
Kaya Tao: Ang buhay mo, kasinlabo man ng putik
Pag nasala at tumining, may linaw ding makakamit
Totoo ma’t palibhasa’y walang tubig na malinis
Wala namang duming hindi nahuhugasan ng tubig
Tubig akong naliligo sa daigdig ng ligalig.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: