Ipinaskil ni: Raul Funilas | Oktubre 30, 2007

Panubong*

I

Limang hampas tikin ng kami’y sumones
Ng isang kundimang patulang inawit,
Pisadang gitara’y daliring kulawit
Sa kwerdas ng puso’y pag-ibig ang hagkis.

Ang tahol ng aso doon sa pultahan,
Animo’y nakita’y barakong anuwang;
Kung di nakatali’y gustong makubabaw
Huwag lang magising ang may kaarawan.

Nang kami’y tumapat sa bintanang kapis,
May isang aninong sa ami’y sumilip;
Sa k’wadradong awang pakay ay nabatid
Mamumutong kaming aali-aligid.

“Awiti’y ringgin ang puso mo’y buksan,
ikaw’y pupukawin sa ‘yong kaarawan;
at saka-sakaling malaman ang pakay
ngumiti ka lamang isang kasiyahan.”

Agad pinapanhik sa hagdanang naga,
Hatak limang dibang nalulumang silya’t
Agad na tinawag ang kanyang dalaga:
“Aba’y harapin mo ang nanghaharana!”

II

Kami’y mamimistang may dalang bulaklak,
Sa ‘yong Kapistaha’y aming igagawad;
Igalang sa ulo ng Musang marilag
Upang ang layuni’y matupad kaagad.

Umupo ka Musa sa dibang antigo,
Namnamin ang himig ng awit soneto
Ng binatang taring na kumakarinyo;
Heto’t magpuputong bulaklak sa ulo.

Maligayang bati sa ‘yong kaarawan,
Hayaang awiti’y sabayan nang sayaw;
At tuloy ihayag sa daraang araw
Ikaw’y babalikan upang maligawan.

III

Sariwang bulaklak iyong sasaluhin,
Nang ang halimuyak ay iyong maangkin;
Itago sa dibdib hanggang takipsilim
Pagbukang liwayway ay iyong samyuin.

Ngiti mong matamis ay sapat na sinta,
Upang palitawin ang talang gigiya;
Sa kinabukasang may himig pag-asa
Upang puso nati’y kapwa lumigaya.

27 Marso 2006

*isang tulang paawit bilang handog sa dalagang may kaarawan. Nanggaling sa tagalog na salitang Pamutong.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: