Ipinaskil ni: Raul Funilas | Oktubre 21, 2007

Mga tula ni Tata

AANYAYA NG LAWA
Oktubre 11, 2007
Isang paanyaya sa iyo Diwata,
P’wede bang magtimbol sa sabik kong lawa?
Huwag magugulat,huwag mamamangha
Kung nagbubuyabo ang along sumuba.

Iyong ulinigin ang bulong ng agos,
Habang nakaduyan sa hamakang ilog;
Di ba at kaysarap ang magpati-anod
Kung panabay tayong indayog ang salpok?

Sakaling malasap ang katas ng bukal,
Igaod pag-uwi’t ingatang may altar;
Dahil kung sisilang ang lawa ng buhay
Ito’y sasagisag sa aking tagumpay.

Itong paanyaya’y ipagwalang kibo,
Kung di umaalon ang tibok ng puso.

Awit ni Tata Raul Funilas!

ALAALA NG AKING LAOT

Noong araw, pamamasyal sa laot ng aking lawa,
Sinasaoy yaong along sinasalpok itong proa;
Tinitingna’y papawiring ang paligid kulay lila
Bumubuntot ang kanaway sa kupirol nitong bangka.

Sa silanga’y may wasiwas ang nanudlang binulawan,
Ang kanlura’y pinupupog nitong anak ng habagat;
Ang timuga’y niyayakap,hinahagkan ng sabalas
Sa bundok ay nahihimbing ang napagal na amihan.

Waterlili’y naglalakbay haplos-buyog nitong agos,
Laginlin ng lungting liha’y nilùlùsob ang paldiyas-
Ng kawan ng isdang tabang sa palipod namagaspas;
Upang kanilang malasap ang katas ng lawa’t ilog.

O, kaysarap gunitain ang laot kong kinagisnan,
Na sa ngayo’y lumalabo’t may sanlaksang karamdaman.

Sonetong pantubigan ni Tata Raul Funilas!

MALILIKOT NA SANDALI

Malilikot na sandali noöng ako’y munting bata,
Ang gamit ay isang lumbo paliligo sa batiya;
Ang andador ko’y kawayang pinabara sa may sapa
Ang tulugan ko ay duyang ginawa ng aking Amba.
Natutuhan ang paglangoy sa tiniban ng palapa,
Nanagwan ang kambal palad sa maalon naming lawa;
Nanirador nitong ibon at nangapa nitong isda
Sa utong ng aming bundok at sa suso ng biyaya.
Malilikot na sandali nitong ako’y magbinata,
Naninilong sa batalan ng dalagang nagpahanga;
Sinisilip bawat siwang ang dingding ng kanyang dampa’t
Umaasang makikita ang natagong gintong mutya.
Na ang tubig na panghugas ay igib sa bunging banga.
Malilikot na sandali ngayong ako ay tumanda,
Nangangalos na ang tuhod namamayat pa ang hita;
Nanlalambot na ang pupoy kahit ito’y bagong hasa
Kumikirong na sa laba’t nangangayaw na ngang kusa
Wala nang natirang galit kundi ang dila at mukha.

Tuluyang tugma ni Tata Raul Funilas!

PANGAMBA NG PUSO
Oktubre 13, 2007

Nang ibigin kita’y ako’y nangangamba,
Dahil itong pusö’y laging kumakaba;
Sa tuwinang ikaw’y hindi nakikita
Para akong tubigang hindi kumakalma.

May kutob ang loob ikaw ay lalayo,
Pagkat ang pangarap mo ay maitago;
Ang tibok na tunay ng ‘yong kiming puso
Na ako’y may puwang at di mabibigo.

Mahal ka nang tapat ang sumpa tuwina,
Ikaw lang ang langit na aking sinamba;
Kung mawawala ka’y libong pagdurusa
At ikapupugto ng aking hininga.

Awit ni Tata Raul Funilas!

UGAT NG PANAGINIP
Oktubre 15, 2007

Ang bugso ng hangin ang nagpapaliyad,
Upang magkalamat ang lupang pinitak;
At siyang dahilan upang itong ugat
Nitong pagkatao’y maging sawing palad.

Ang palad ng ula’y laging dumadampi,
Sa anit ng buhay ng sidhing lunggati;
Kaya nababantod ang nakiming budhi
Nitong kapalarang lupagi’t lùgami.

Ang lugaming ikot nitong ipuipo,
Minsa’y may sariwang pananaw sa noo;
Subalit sa bigwas at ngalit na todo’y
Bagabag ang ngiti’t umid ang panudyo.

May tudyo ang tadyang at lastag na tamis,
Ngunit di mahanap sa takot na isip.

Awit ni Tata Raul Funilas!

KUNDIMAN NG PUSO
Oktubre 15, 2007

Dakilang layuning haginit ang bugso,
Ng aking pawalan ang bagting-palaso;
Ikaw’y inasintang tudla’y ang ‘yong pusong
Kay-ilap manungaw sa aking pagsuyo.

Walang pagdampulay kahit anong gawin,
Dahil ba sa ikaw’y dating talosaling
Sa bawat naghayag ng talinghagain?
Kaya nagilaplap ang puso’t nahimbing?

Kung mamarapati’t may pagkakataon,
Humingang malalim sa hangi’y ibulong;
Ang laman ng dibdib kay-tagal kinuyom
Upang ang pag-ibig natin ay yumabong.

Hindi ka luluha sa piling kong tigib
Ng kadalisaya’t lantay na pag-ibig.

Awit ni Tata Raul Funilas!

ABA KA DA EGAHA ILAMANA NGA OPA
Oktubre 15, 2007

Abakadang alpabeto,
Palagi nang binabago;
Kaya dumami ang bobong
Kaygugwapong Filipino.

Laging hiram ay ang wikang
Inangkat pang ibang bansa,
Kaya tuloy kaawawa;
Laksang batang maralita.

Sa uso’y di pahuhuli,
Ang Lintsak na saragate;
Kahit magkaletse-letse
Sa pahid na kolorete.

Ganyan tayo kung matukso,
Gayang walang pag-asenso.

Dalit ni Tata Raul Funilas!

SAKAG*
Oktubre 17, 2007

Hindi ako naiiba sa iba.
Taga isla ako ng Talim,doon sa pusod ng lawa ng Laguna.
Tulin ng hangin,kilos ng agos,taluktok ng bundok ang lagi kong kapiling.
Ang ligat ng balat ko’y bilad sa sinag at sikat ng araw,babad at bantad sa sikad ng naglalayag na habagat.
Tahimik akong naninimbol at nananalibsib sa lawak ng lawang ang biyaya’y sinasalapsap ng inaalipunga at inaalimpungat na palad.

Hanggang sa dumating kang sungayan at walang nakapagtakda kung anong ipinandayuhan mo sa aming lawa.

Sunurang palakpak ang pagbubunyi sa iyo dahil napahilab mo at napakapal ang kabuhayan ng ilang yumakap sa kakisigan ng iyong maliliit at singkit na mata.
(At narahuyo ring umangkas ang maliliit na kawan ng sari-saring isda.)

Habang ako’y naiwan sa aplayang datinga’t panawan ng alon.
Naghihintay sa pagkamatay ng aking kinagisnang lawa.

*Suro o uri ng pamalakayang malimit ang mata ng lambatBerso Libre ni Tata Raul Funilas!

AWIT LASING

Hoy! Kambing, hoy! Kambing huwag manginain
Ng dahong lungtian sa magandang hardin,
Baka ka makita ng may-aring lasing;
Maging kaldereta,adobo’t kilawin.
Hoy! Tandang, hoy! Tandang ikaw ay gumising,
Putok na ang araw baka ka malasin;
Ang iyong tilaok paalingawngawin
Sa gitna ng r’weda at s’werte’y hamigin.
Hoy! Lasing, hoy! Lasing,ang ‘yong talisayin;
Huwag kang pupusta’t ang tari ay paling,
Ikaw’y tinut’yope nang lihim na lihim-
Dahil ang kapupog ay itik na duling.

Awit ni Tata Raul Funilas!

SUHOL NG PALASYO

Pilipinas, nahuyag ang ‘yong balangkas,
Tinalampas nitong hudas-mandurugas;
Umiiyak, nalalagas na ang pakpak
Di ba dapat tamang batas ay igawad?

Ay, bayan ko saan ka na paroroon?
Lipos kaming nalulungkot sa mahugong
Na balitang usong-uso’ng panunuhol;
Doon po sa Palasyo ng panginoon.

Awit ni Tata Raul Funilas!


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: